Thursday, August 29, 2019
Humingi ng paumanhin si Quezon City Rep. Alfred Vargas, ang principal author ng No Homework on Weekends Bill sa Kamara dahil sa pagkakamaling lagyan ng penal clause o kaparusahan ang sino mang guro na lalabag sa panukala.
Ani Vargas, technical error ang pagkakalagay ng penal clause o penalty laban sa mga guro na mapapatunayang nagbigay ng home work sa mga estudyante sa weekend.
Sa panukala ni Vargas, papatawan ng P50,000 multa at isa hanggang dalawang taong pagkakakulong ang mga guro na magbibigay ng assignment kapag weekend.
Nangako naman si Vargas na babaguhin ang laman ng kaniyang panukala sa paniniwalang hindi dapat maparusahan ang mga guro.
Gayunpaman, nanindigan si Vargas na napapanahon nang ipatupad ang kaniyang panukala upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga estudyante sa kanilang pamilya.
Kinasangkutan ng M/V Lite Ferry na nasunog sa laot habang papunta ng Dapitan City, pina-iimnestigahan
Nananawagan ngayon si Marino Partylist Rep. Sandro Gonzalez sa Philippine Coast Guard (PCG) na imbestigahan ang insidenteng kinasangkutan ng M/V Lite Ferry na nasunog sa laot habang papunta ng Dapitan City.
Ayon kay Gonzalez, dapat mapanagot ang mga nagkulang sa insidente na nagresulta sa pagkasawi ng 3 katao at nakaapekto sa mahigit dalawandaang iba pa.
Punto pa ng kongresista, dapat na-aagapan agad ang ganitong mga trahedya sa laot na kung saan nadadamay ang buhay ng mga inosenteng pasahero.
Matatandaang nadiskubre ng PCG na mayroon lamang umanong 137 na pasahero ang barko batay sa ipinadalang manifesto ngunit nakapagtatakang umabot sa 245 ang mga nailigtas na pasahero.
Sa huli, nagpa-abot ng pakikiramay ang kongresista sa pamilya ng mga nasawing biktima ng malagim na trahedya sa karagatan.
Edad sa statutory rape sa sexual consent, minungkahing taasan mula dise na gagawing disi-sais ni Rep Yedda Romualdez
Isinusulong ngayon sa Kamara de Rapresentantes na maitaas sa edad na disi-sais ang age of sexual consent o ang masasaklaw ng batas laban sa statutory rape.
Sa Panukala ni House Committee on Welfare of Children chairperson TINGOG partylist Rep. Yedda Marie Romualdez, mula sa dating 12-anyos ay magiging 16-anyos na ang edad ng biktima na pupuwedeng magsampa ng kasong statutory rape kung nagkaroon ng pakikipagtalik, pumayag man o hindi ang menor de edad.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, 12-anyos lang ang saklaw ng statutory rape habang ang sexual assault sa mga 18-anyos pababa ay maituturing nang child abuse o exploitation.
Habambuhay na pagkakapiit ang itinakdang parusa sa sino mang indibidwal na mahahatulang guilty sa statutory rape, kahit sa anong paraan ng kahalayan o relasyon nito sa biktima.
Hindi rin dahilan para makaligtas sa parusa kung pinakasalan ng suspek ang biktima o kung napatawad ng biktima ang nanggahasa sa kanya.
May katapat ding parusa o kulong ang qualified seduction o pang-aakit sa 16 years old pababa gayundin ang consented abduction gaya ng pagtatanan.
Batay sa pag-aaral ng UNICEF, ang Pilipinas ang may pinakamababang edad ng sexual consent sa buong Timog-Silangang Asya.
Wednesday, August 28, 2019
Pambansang pondo ng hudikatura para sa 2020, lusot na sa komite
Mabilis na nakalusot sa House Committee on Appropriations ang pambansang pondo ng hudikatura para sa fiscal year 2020.
Tumagal lamang ng 25 minuto sa kamay ng house panel ang pagtalakay sa P38.71-billion na pondo ng hudikatura sa susunod na taon.
Ayon kay Court Administrator Midas Marquez na siyang nagpresenta ng budget proposal, nasa P55.66 Billion pesos ang 2020 request ng judiciary subalit P38.71-billion lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management.
Dahil diyan, umaasa si Marquez na madaragdagan pa ang pondo na paghahatian ng lahat ng mga korte sa buong bansa.
Kabilang naman sa mga sangay ng hudikatura ay ang Supreme Court (SC), Presidential Electoral Tribunal (PET), Court of Appeals (CA), Court of Tax Appeals (CTA), Sandiganbayan at mga lower courts.
33 mga modelong lalawigan, makikinabang ng Universal Health Care Law sa 2020
Nasa 33 model provinces ang unang makikinabang sa Universal Health Care Law sa susunod na taon ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Kabilang dito ang Valenzuela at Parañaque City sa National Capital Region, Dagupan City sa Region 1, Baguio City at Benguet sa CAR, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino sa Region 2, Bataan at Tarlac sa Region 3, Batangas at Quezon Province sa Region 4-A, Oriental Mindoro sa Region 4-B, Masbate at Sorsogon sa Region 5, Aklan, Antique, Guimaras at Iloilo sa Region 6, Cebu City sa Region 7, at Biliran, Leyte at Samar naman sa Region 8.
Kasama din dito ang Zamboanga del Norte sa Region 9, Cagayan de Oro, Misamis Oriental sa Region 10, Compostela Valley, Davao del Norte sa Region 11, Saranggani Province at South Cotabato sa Region 12, Agusan del Sur at Agusan del Norte sa Region 13 at Maguindanao sa BARMM - hindi kasama ang Lanao del Norte.
Ayon kay Duque, nasa P257 Billion ang kailangang pondo ng UHC Law na hindi maibibigay sa DOH sa 2020 dahil kakaunti lamang ang umento sa pondo ng ahensya sa susunod na taon.
Nauna namang sinabi ng Department of Budget and Management na nakalaan sa implementasyon ng UHC Law ang P166.5 billion na pondo ng DOH sa ilalim ng 2020 National Expenditure Program.
Implementasyon ng Universal Helath Care Law 2020, malabong maipatupad nationwide, ayon kay Duque
Inamin ni Health Secretary Francisco Duque III na malabong maipatupad ang nationwide implementation ng Universal Health Care law sa 2020.
Sa pagharap ng Department of Health sa budget briefing dito sa Kamara kahapon, sinabi ni Duque na hindi pa handa o hindi pa abot ng pamahalaan ang strategic readiness upang ipatupad ang programa sa susunod na taon dahil sa kakulangan ng preparasyon at pondo.
Ayon kay Duque, kinakailangan pa ng DOH na magpatupad ng capacity building sa ibat-ibang probinsya sa buong bansa at gugugol ito ng mahabang panahon upang magawa.
Sa halip na nationwide implementation, giit ng kalihim na tutukoy muna sila ng mga "model provinces" para sa implementasyon ng ibat-ibang programang sakop ng UHC Law.
Nauna nang sinabi ng Department of Budget and Management na nakalaan sa implementasyon ng UHC Law ang P166.5 billion na pondo ng DOH sa ilalim ng 2020 National Expenditure Program.
Tuesday, August 27, 2019
Walang pork barrel sa 2020 proposed national budget - DPWH
Mariing itinanggi ni Public Works Secretary Mark Villar na may nakapaloob na pork barrel sa ilalim ng 2020 proposed national budget.
Sa pagharap ni Public Works Secretary Mark Villar sa budget hearing ngayong araw, personal nitong sinagot ang tanong ni House Speaker Alan Peter Cayetano at iginiit na pork barrel free ang P534. 29 Billion (P454.79 B in 2019) na pondo ng ahensya.
Bukod sa pork barrel, sinabi din ni Villar na walang parked funds sa loob ng pambansang pondo at tiniyak na walang ganitong sistema na iiral sa spending bill.
Batay sa proposal ng DPWH, nasa P37. 2 Billion ng pondo nito ay mapupunta sa NCR, P83. 9 Billion sa mga rehiyon ng Northern Luzon, P79.9 Billion sa Southern Luzon, P65.3 Billion sa Visayas at P140.11B naman sa Mindanao.
Mayorya naman ng pondo ay mapupunta sa mga road projects sa buong bansa, bukod pa sa mga flood control projects at mga proyektong sakop ng build build build program ng administrasyon.
Makabayan bloc sa Kamara, hinamon ni DND Sec Lorenzana na ikundena ang CPP-NPA
Hinamon ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara de Representantes na ikundena nila ang Communist Paty of the Philippines - National Democratic Front o CPP-NPA.
Ito ay kasunod ng pag-alma ni Bayan Muna partylist Rep Carlos Isagani Zarate sa pagharap ng Department of National Defense o DND sa budget hearing na pag-u-ugnay sa kanila sa NPA ngunit wala namang maipakitang ebidensya ang Armed Force of the Philippines o AFP.
Sinabi ni Lorenzana na hindi sila ang nagsimula ng red-tagging sa mga makakaliwa sa NPA kundi ito ay kagagawan ni CPP Founder Jose Maria Sison.
Depensa pa ni Lorenzana, mayroong intelligence unit ang nagbibigay sa kanila ng impormasyon sa paggamit ng NPA sa mga militanteng grupo at marami na ang sumuko na dating rebelde na nagbigay ng testimonya kung papaano sila na-recruit ng NPA.
Sinabi ng Kalihim na kung hindi talaga kasapi ng CPP-NPA ang Makabayan, kundenahin nila ang mga masasamang gawain ng mga rebelde tulad ng pagpatay at pagsira ng mga equipment ng pamhalaan at ng mga pribadong kompanya para madisassociate ang mga ito sa mga komunistang rebelde.
Suportado naman ng Kalihim ang activism sa mga estudyante ngunit hindi ang paglaban ng mga ito sa pamamagitan ng armadong pakikibaka.
Budget hearing ng DND, pinaumpisahan na kahapon
Isinalang na sa paghimay ng Kamara de Representantes ang mahigit 258 billion pesos na budget ng Department of National Defense para sa taong 2020.
Hinati ang nasabing budget sa personnel services na may alokasyon na mahigit 119 billion pesos, capital outlay - 28 billion 831 million 396 thousand pesos, MOOE - 40 billion plus at pension na mahigit 69 billion pesos.
Nadagdagan ang 2020 budget ng DND ng 2.43 billion pesos kumpara sa budget para sa kasalukuyang taon.
Karamihan sa mga dumalong kongresista ang sumuporta sa pag-aapruba ng Budget 2020 ng DND upang matamo ang kapayapaan at kaunlaran ng bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng seguridad sa bansa.
Samantala, muli namang sinabi ni Lorenzana na napapanahon na umano upang talakayin sa China ni Pangulong Rodrigo Duterte ang arbitration ruling sa isyu ng West Philippine Sea.
Bagong alegasyon ng korapsiyon ni Cam laban sa PCSO, inisnab ni GM Garma
Tumanggi si PCSO General Manager Royima Garma na magkomento sa panibagong alegasyon ng korapsyon ni PCSO Board Member Sandra Cam sa kanilang tanggapan.
Sinabi ni Garma na hindi muna ito magkokomento hanggat hindi naririnig ang mga ebidensyang hawak ni Cam na magpapatunay sa umanoy patuloy na korapsyon sa PCSO.
Punto pa ni Garma na kung may sapat na ebidensya si Cam ay idaan na lamang nito sa due process ang pagsasampa ng kaso sa tamang judicial body kontra sa mga sangkot na opisyal.
Samantala, iginiit ni Garma na nakatuon ang kaniyang liderato sa pagsasa-ayos sa services at mga palaro ng PCSO at hindi sa laban kontra korapsyon.
Tiniyak ni Garma na tatalima sila sa lahat ng mga imbestigasyon na ipapatawag ng kongreso hinggil sa lahat ng isyung bumabalot ngayon sa PCSO.
Sandra Cam, galit dahil hindi ito nakapagsiwalat sa hearing ng komite
Hindi nagtagumpay ang PCSO Board Member na si Sandra Cam sa pagsiwalat sa hearing kaninang umaga sa Kamara de Representante ang umanoy patuloy na korapsyon sa PCSO.
Tinapos kaagad ang hearing matapos itong i-adjourn ng House Committee on Games and Amusement at hindi naisiwalat ni Cam ang mga hawak niyang ebidensya na magpapatunay ng patuloy na korapsyon sa PCSO.
Sinabi ni Cam na dismayado siya sa takbo ng hearing dahil bigo ito na ilahad ang kaniyang mga nalalaman.
Ayon naman kay Committee on Games and Amusement Chairman Congressman Eric Yap, hindi akma sa agenda ng hearing ang nais na pagsisiwalat ni Cam dahil nakatuon ang organizational meeting na iyon ng komite.
Sinabi din ni Yap na hindi nito alam ang balak ni Cam na pagbubulgar sa hearing kaya nag-adjourn agad ang komite.
Pagbibigay-pugay ni Magsasaka partylist Rep Argel Cabatbat sa paggunita ng Araw ng mga Bayani
Ngayong araw na ito, Ika-26 nga Agosto, tayo ay nagbibigay-pugay tayo sa mga bayaning Pilipino.
Sa kasaysayan ng ating bayan, sila ang mga taong walang pagdadalawang-isip sa pagbibigay ng kanilang lakas, karunungan, at buhay upang masiguro ang kalayaan at kinabukasan ng bansa.
Sila ay mga ordinaryong mamamayan noong kanilang panahon: mga manggagamot na tumulong sa mga sugatan, mga magsasakang nagbigay ng pagkain, at mga maybahay na nagbukas ng kanilang mga tahanan para sa ating mga kababayan.
Ang diwa ng kanilang pagiging bayani ay nasa ating dugo, lalo na sa ating mga magsasakang buong araw na nagbubungkal ng lupa upang matiyak na mayroong pagkain ang bawat pamilyang Pilipino.
Kung sino ang mga pinakagutom, pinakalugi sa batas, at pinakalugmok sa kahirapan ay sila pang nagpapamalas ng pambihirang kabayanihan.
Gaya ng ating mga bayaning nagsakripisyo upang makita natin ang soberanya ng isang malaya at maunlad na bansa, sama-sama nating pagtulungang ipagtanggol ang kapakanan ng ating mga magsasaka at iba pang mahihirap na kababayan.
Makabuluhang araw ng mga bayani!
Monday, August 26, 2019
Pangalan ng Camp Aguinaldo, papalitan ayon sa panukala
Iminungkahi ni Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang pagpapalit ng pangalan ng national headquarters ng Armed Forces of the Philippines o AFP na Camp General Emilio Aguinaldo sa Camp General Antonio Luna.
Ang hakbang ni Pimentel ay bilang pagbibigay karangalan kay Antonio Luna.
Layunin ng panukala ni Pimentel, ang House Bill 4047, na amiyendahan ang Republic Act 4434 o ang batas na nagpapalit ng pangalang Camp Frank Murphy sa Camp General Emilio Aguinaldo noong 1965.
Ang panukala ay inihain ng mambabatas noong Agosto a20 ngunit inilabas lang ito sa gabi ng paggunita ng National Heroes Day.
Sa ilalim ng panukala, si Luna ay inilarawan ng mga historian bilang pinakamagaling at may kakayahang Filipino general noong Philippine-American war.
Saturday, August 24, 2019
Posibleng pagpapahinto ng mandatory contribution sa mga ahensiyang pamalaan
Pabor si Philippine Charity Sweepstakes Office o (PCSO) General Manager Royina Garma na tanggalin na ang mandatory contributions ng PCSO sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ito ay para mas mapalawak pa aniya ang pagbibigay tulong ng ahensya sa mga benepisyaryo tulad ng medical assistance na sakop ng Universal Healthcare Law.
Na maitutiring namang praktikal na hakbang para sa PCSO dahil may sa may kanya kanya namang pondo ang mga ahensya.
Kaugnay nito ay maghahain naman ng panukalang batas si Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves para hindi na maobliga ang PCSO na maglaan ng alokasyon sa government agencies.
Kabilang sa mga ahensya na may nakukuhang direct contribution sa PCSO ang Commission on Higher Education, Dangerous Drugs Board, Philippine Sports Commission at Philippine Crop Insurance Corporation.
Batay sa datos ng ahensya umabot na sa P13.92 billion ang nairemit ng PCSO sa mga nasabing ahensya mula taong 1998 hanggang June 2019.
Nakasalalay sa mga STL ang pinakamalaking kita ng PCSO operations
Inamin ni Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) General Manager Royima Garma na nagmumula sa mga Small Town Lottery ( STL) operations ang pinakamalaking kita ng PCSO.
Sa pagharap ni Garma sa ikalawang araw ng budget hearing ng Committee on Appropriations sa kamara, sinabi nito na pinakamalaking revenue ng PCSO o 52% ay nagmumula sa STL operations na aabot sa P12.6 Billion.
Aniya pumangalawa lamang ang Lotto na may P10.9 Billion na nasa 41% habang 5% lamang sa Keno at other games at 2% naman sa instant sweepstakes.
Sa datos na ipinakita ng opisyal sa pagpadinig 55% na kita ng ahensya ay napupunta sa premyo, 35% sa mga charity programs habang ang natitirang 15% naman ay napupunta sa PCSO.
Bumaba naman sa P24.6 Billion ang na-generate na kita ng PCSO sa unang kalahati ng 2019 o mula January hanggang June, malayo pa ito kumpara sa P63.6 Billion na naabot na revenue ng ahensya noong 2019.
Kabilang sa mga pondong pinopondohan ng PCSO ay individual medical assistance program, procurement medical equipment program, AFP and PNP capability project, calamity assistance program, milk feeding program, medical transport donation program, outpatient services, multi specialty clinics, medical-dental special mission at auxiliary ambulance.
Unang sumalang sa Budget 2020 hearing ang PCSO
Unang sumalang ngayong umaga ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa pagdinig ng pambansang pondo ng House Committee on Appropriations.
Sa pagharap ng PCSO sa ikalawang araw ng pagdinig ng komite, inamin ni General Manager Royima Garma na pinakamalaking revenue ng PCSO o 52% ay nagmumula sa Small Town Lottery o STL na aabot sa P12.6 Billion.
Sa pagharap ng PCSO sa ikalawang araw ng pagdinig ng komite, inamin ni General Manager Royima Garma na pinakamalaking revenue ng PCSO o 52% ay nagmumula sa Small Town Lottery o STL na aabot sa P12.6 Billion.
Pumangalawa lamang ang Lotto na may P10.9 Billion na nasa 41% habang 5% lamang sa Keno at other games at 2% naman sa instant sweepstakes.
Sa presentasyon ni Garma, 35% ng kita ay ibinabalik sa publiko sa pamamagitan ng charity, 55% ay sa premyo habang 15% lamang ang napupunta sa PCSO.
Bumaba naman sa P24.6 Billion ang na-generate na kita ng PCSO sa unang kalahati ng 2019 o mula January hanggang June, malayo pa ito kumpara sa P63.6 Billion na naabot na revenue ng ahensya noong 2018.
Ilan naman sa mga proyekto ng PCSO na pinupuntahan ng kanilang pondo ay individual medical assistance program, procurement medical equipment program, AFP and PNP capability project, calamity assistance program, milk feeding program, medical transport donation program, outpatient services, multi specialty clinics, medical-dental special mission at auxiliary ambulance.
Speaker Cayetano: Plenary sessions ng Kamara, i-adjust para sa marathon hearings ng 2020 Budget
Mag-aadjust ng oras ang Kamara sa plenary sessions para bigyang daan ang isasagawang marathon hearings sa 2020 proposed national budget.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, mula alas-tres ay ililipat na sa alas-singko ng hapon ang sesyon upang mapagkasya ang apat na budget hearings sa loob ng isang araw.
Kahit noong Miyerkules, sa paggunita sa Ninoy Aquino Day ay nagsagawa ng majority caucus ang Mababang Kapulungan para plantsahin ang schedule at upang paalalahanan ang mga mambabatas na mag-o-overtime sila sa trabaho.
Pahihintulutan pa rin ang mga committee hearings na walang kinalaman sa General Appropriations Bill subalit awtomatiko na itong kakanselahin kapag nakasalang na sa plenaryo ang budget.
Paliwanag ng Speaker, hindi nila binabali ang tradisyon sa Kamara kundi nais lamang na pabilisin ang budget process at maging flexible lalo't nasa transition period pa lamang ang 18th Congress matapos ang midterm elections.
Kapag natapos na sa committee level ang budget at naisumite na ang committee report ay saka naman magdedesisyon ang Kamara hinggil sa oras ng sesyon dahil dedepende ito sa pag-usad ng tax measures na kabilang sa priority agenda ng administrasyon.
Thursday, August 22, 2019
Pagdinig para sa P4.1 Trillion 2020 national budget, inumpisahan na
Inumpisahan na ngayong umaga ang unang araw ng pagdinig para sa P4.1 Trillion 2020 national budget.
Una munang sumalang sa briefing ng House Committee on Appropriations sa pangunguna ng Chairman na si Davao City Rep. Isidro Ungab ang Development Budget Coordination Committee (DBCC).
Humarap sa briefing ang mga economic team ng Duterte Administration kabilang sina National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Ernesto Pernia, Finance Undersecretary Gil Beltran, Budget Acting Sec. Wendel Avisado at Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Francisco Dakila, Jr.
Inilatag ng economic team ang economic targets, expenditures at mga priority projects na paglalaanan ng pondo sa susunod na taon.
Bukod dito, tinalakay din ang macroeconomics assumptions, economic growth projection, price stability at magiging direksyon para sa 2020 fiscal year.
Magiging gabay ito para sa mga mambabatas at business sectors para makabuo ng polisiyang pangekonomiya.
Pagpapalawig ng validity ng 2019 budget, hiniling sa Kamara
Hiniling ni National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Ernesto Pernia sa House Committee on Appropriations na ikunsidera ang pagpapalawig ng validity ng 2019 budget.
Sa budget hearing ng P4.1 Trillion 2020 national budget, inirekomenda ni Pernia ang extention ng validity ng 2019 budget upang magamit ang matitirang pondo sa susunod na taon.
Sa ganitong paraan ay hindi maantala ang mga nakalatag na proyekto sa 2020 gayundin ang target na economic growth.
Sinabi pa ni Pernia na umaasa silang maaaprubahan sa itinakdang oras ang P4.1 Trillion 2020 national budget.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay inaprubahan ng Kamara ang extension ng validity ng 2018 budget upang magamit ang natitirang pondo sa 2019 para sa Marawi rehabilitation.
Inaasahan naman ang paglago ng ekonomiya bago ang matapos ang taon sa 2019 sa 6% kung saan pangalawa ang bansa sa China na may 6.2% economic growth.
Kamara, kayod-kalabaw sa National Budget at priority measures
‘Historic' o makasaysayan ang nagaganap ngayon sa kamara de representante sa pamumuno ni Speaker Alan Cayetano. Aba'y wala pang isang buwan, pasado na sa 3rd reading ang HB 1026 o ang pagtataas ng buwis sa mga inuming nakalakasing na isa sa mga priority measures ni Digong.
Kahit na naipit sa dalawang holidays ang araw ng Martes kung kailan inaprub sa huling pagbasa ang panukala, marami pa ring kongresista ang dumalo sa sesyon at nakapagtala ng qourum para maaprubahan ang panukala.
Bukod dito, dinesisyunan na rin ni Cayetano at ng mayorya na apat na budget hearings ang gagawin araw-araw mula lunes hanggang biyernes at iniusog ang sesyon sa alas singko ng hapon upang mapabilis ang pagtalakay sa pambansang badyet at maaprubahan ito sa october 4 ngayong taon. Kasabay ng marathon budget hearings ang mga pagdinig na gagawin ng ibang komite sa ibang panukala upang walang masayang na oras ang kongreso.
Kumusta naman ngayon ang mga nagsasabing masyadong marami ang deputy speakers na itinalaga si Speaker Cayetano at posibleng magresulta sa mabagal na trabaho ng kamara. Kabaligtaran ang nangyari dahil napabilis pa ang trabaho ng kamara lako pa na ang bawat deputy speaker ay may tinututukang sektor bawat isa. May nakatutok sa edukasyon, climate change at iba pa.
Kayod kalabaw ang ginagawa ng mga kongresista upang hindi maulit ang pangho-hostage sa national budget na nagresulta sa 1B pisong nawala sa gobyerno bawat araw. Ngayon pa lang, butata na ang mga maiingay na kritiko na pumupuna sa mga hakbanging ginagawa ng Kongreso.
Ang panukalang pagtataas ng buwis sa mga inuming nakalalasing ay siyang pagkukunan ng pondo para sa Universal Health Care. Layunin din ng gobyerno ni Digong ba mabawasan ang paglipana ng mga sakit na dulot ng pag-inum ng alak at mabawasan ng 10 porsyento ang alcohol consumption sa 2025.
Kaya ngayong naisumiti na sa kamara ang 2020 national budget, asahan pa ang doble-kayod na work mode ng mga kongresista.
Ang sabi nga ni Speaker Cayetano pagsisikapan nila na maging 'Congress of the People' ang kamara upang mabura na ang negatibong tingin ng mga tao sa kongreso. Kaya naman, 'work, work, work' ang mga kongresista. #
Wednesday, August 21, 2019
Pagpapataw ng karagdagang excise tax sa alak at sigarilyo, lusot na sa Kamara
Pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang panukalang magtataas ng excise tax rates sa mga alcoholic beverages, sigarilyo at vape sa ating bansa.
Sa sesyon noong Martes, ang House Bill 1026 o ang An Act Amending the National Revenue Code of 1997 ay nakakuha ng botong 184 na yes, 2 na no at isang abstain.
Sa ilalim ng panukala, magiging P6.60 na ang ipapataw na excise tax sa mga inuming may alkohol habang P6.50 naman ang maging unitary rate para sa mga sparkling wines.
Maliban sa alak, papatawan din ng buwis ang vape at e-cigarette products kung saan, umpisa sa January 1, 2020, ang 10ml na individual cartridge, refill, pod o container ng vapor products ay papatawan ng P10 na buwis at kung lalagpas naman ito sa 50ml ay papatawan naman ng P50 na buwis at karagdagan pang P10 kada additional 10ml.
Kapag maging ganap na batas ang panukala ay tinatayang aabot sa 17 billion pesos ang maaring kikitain ng gobyerno sa unang taong pagpapatupad nito.
Speaker Cayetano: Hindi makalusot ang mga “parking funds” sa 2020 National Budget
Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na imposibleng magkakaroon ng "parking funds" sa panukalang P4.1 Trillion pesos na pambansang pondo para sa taong 2020.
Ayon kay Speaker Cayetano, hinding hindi nila hahayaan na makalusot ang tinatawag na "parking funds" o yung mga pondong inilalaan sa mga piling distrito na hindi nalalaman ng kongresistang nakakasakop dito.
Idinagdag pa ng lider ng Kamara, hindi nila kokonsintihin ang ganitong uri ng Kurapsyon at tiniyak na paiiralin ang transparency upang masiguro na walang nakatagong pondo o pabor na ibibigay sa sinumang kongresista.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Acting Budget Sec. Wendel Avisado ang patas sa distribusyon ng mga proyekto sa bawat distrito batay sa nakapaloob sa isinumeteng nilang budgejt proposal.
Una nang lumutang ang isyu matapos mapag-alaman na may P55 Billion na parking funds ang isiningit noon 2019 budget bilang pabor sa ilang mga kongresista.
Tuesday, August 20, 2019
Barbers seeks probe on Meralco’s basis to impose renewable energy, system loss and other charges
Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers today called for a legislative inquiry into power distribution firm Meralco’s basis in incorporating vague renewable energy, system loss and other charges that seem redundant and add substantial burden to the consumers’ monthly electric bills.
In House Resolution No. 00228 filed last August 14, 2019, Barbers urged the Committee on Energy to dig into the essence of Meralco’s enumerated power charges with the end in view of providing the public a better understanding of what they were paying for every month.
“It is hoped that the probe would also provide Congress an insight to guide it in crafting responsive legislation to address the perennial problem of the high energy cost,” the solon from Surigao del Norte said.
On the issue of system loss charges, he said it would be unfair for Meralco to charge the consumers even when they actually are not drawing electric energy.
According to reports, there are two types of system loss that Meralco charges to consumers – one is technical loss arising from the characteristics of electrical equipment and materials in the physical delivery of electric energy, including conductor loss and transformer core loss; and the other is due to non-technical loss such as electricity theft and pilferage.
“Technical loss is fixed and quantifiable. But system loss due to electricity theft and pilferage and which are being charged to the power consumers is unfair. We the consumers are paying a high price from an electric energy stolen or pilfered by other people,” Barbers said.
“This has made Meralco complacent and always turning a blind eye to the rampant and evident illegal power connections in its electrical lines. It is a grave injustice to consumers who have no participation in now knowledge of the extent and existence of such illegal connections,” he added.
On the issue of renewable energy charges, Barbers said it had been added to the monthly electric bills of consumers without proper information, explanation and prior notice.
On January 1 this year, the Energy Regulatory Commission, despite pending petition before the Supreme Court, released its provisional approval of the feed-in tariff allowance (FIT-All or renewable energy charges) billing for all on-grid electricity consumers. The consumers will pay starting this month an additional P0.406 ($0.0091*) per kilowatt hour (kWh) in electricity rates, ERC said in its 27-page decision released January 1.
The rate will be collected from electricity end-users, reflected as a separate item in their electricity bills, as mandated by the Renewable Energy Act of 2008 (RA 9513). The FIT-All is set as an incentive for renewable energy (RE) developments such as those on wind, run-of-river hydro, solar, and biomass facilities.
In October 2014, ERC issued an order provisionally approving the application of the National Transmission Corporation (TransCo) to collect FIT-All payments.
Wind power developers are entitled to FIT rate of P8.53 ($0.19) per kWh; solar for P9.68 ($0.22) per kWh; hydro at P5.90 ($0.13) per kwh; and biomass at P6.63 ($0.15) per kWh.
Barbers said there seems to be some flaws in the manner of imposition of renewable energy charges by the power distribution firms which include Meralco and electric cooperatives.
“It appears that consumers rights had been violated here, for they would be paying for power that has yet to be generated and consumed. Para silang nagbebenta ng panaginip, na pinababayaran na agad sa mga consumers,” he said.
2020 proposed National Budget, pormal nang isinumite ng DBM sa kamara
Pormal nang isinumite ng Department of Budget and Management o DBM sa mababang kapulungan ng kongreso ang 2020 proposed national budget na nagkakahalaga ng P4.1 Trillion.
Sa P4.1 Trillion, nasa P1,525 Trillion ang mapupunta sa social services, P1,893 Trillion sa economic services, P734.5 Billion sa General Public Services, P451 Billion sa Debt Burden at 195.6 Billion sa Defense.
Kung paghahatian by expense class ang budget, nasa P1.25Trillion ang mapupunta sa Personnel Services, P1.58 Trillion sa Maintenance and Other operating expenses, P804.2B sa Capital Outlays at 452.4B sa financial expenses.
Kabilang naman sa top 10 Departments na makakakuha ng malaking pondo ay ang Deped kasama na SUC’s , CHED at TESDA na may P673 B,DPWH na may P534.3 B, DILG sa P238 B, DSWD sa P195 B, DND sa P189 B, DOH sa P166.5 B, DOTR sa P147 B, DA sa P56.8 B, Judiciary sa P38.7 B at DENR sa P26.4 B.
Mahigit sa P400 Billion ang itinaas ng 2020 budget kumpara sa P3.662 Trillion 2019 budget.
Plenary sessions ng Kamara, i-adjust para sa marathon hearings ng 2020 Budget.
Mag-aadjust ng oras ang Kamara sa plenary sessions para bigyang daan ang isasagawang marathon hearings sa 2020 proposed national budget.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, mula alas-tres ay ililipat na sa alas-singko ng hapon ang sesyon upang mapagkasya ang apat na budget hearings sa loob ng isang araw.
Bukas, sa paggunita sa Ninoy Aquino Day ay magsasagawa ng majority caucus ang Mababang Kapulungan para plantsahin ang schedule at upang paalalahanan ang mga mambabatas na mag-o-overtime sila sa trabaho.
Pahihintulutan pa rin ang mga committee hearings na walang kinalaman sa General Appropriations Bill subalit awtomatiko na itong kakanselahin kapag nakasalang na sa plenaryo ang budget.
Paliwanag ng Speaker, hindi nila binabali ang tradisyon sa Kamara kundi nais lamang na pabilisin ang budget process at maging flexible lalo't nasa transition period pa lamang ang 18th Congress matapos ang midterm elections.
Kapag natapos na sa committee level ang budget at naisumite na ang committee report ay saka naman magdedesisyon ang Kamara hinggil sa oras ng sesyon dahil dedepende ito sa pag-usad ng tax measures na kabilang sa priority agenda ng administrasyon.
Walang pork barrel sa loob ng 2020 National Budet, paniniguro ni ML Romualdez
Siniguro ngayon ni House Majority Leader Martin Romualdez na walang puwang ang pork barrel system sa loob ng 2020 proposed national budget.
Sa kanilang pagtanggap sa National Expenditure Program mula sa Dept. of Budget and Management ngayong araw, tiniyak ni Romualdez na "pork barrel free" ang ipapasa nilang pondo ngayong 18th congress.
Ani Romualdez, tatalima sila sa Supreme Court ruling na nagbabawal sa pork barrel na idineklarang unconstitutional.
Punto pa ng Majority Leader na ipaiiral nila ang "line item budgeting system" para matiyak ang transparency at accountability sa pagamit sa pondo ng bayan.
Sa huli, giit ni Romualdez na suportado nila ang commitment ni Pangulong Duterte na magkaroon ng patas at malinis na pamamahagi ng pondo na siyang nakapaloob ngayon sa budget proposal ng DBM.
Bawal ang pork sa Budget 2020, Cayetano
Siniguro ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi makalulusot ang ano mang pagtatangkang maisingit ang pork barrel funds gayundin ang tinaguriang parking funds sa P4.1 trilyong 2020 national budget.
Itinuturo nuong dahilan ng naantalang pagtitibay ng 2019 General Appropriations Act ang isyu ng parking funds sa pondo ng iba't-ibang distrito.
Pero ayon kay Cayetano, hindi na ito mangyayari ngayon at ang bawat lugar sa bansa ay nakatitiyak na mapaglalaanan ng development funds.
Kasabay nito, sinabi ni Cayetano na mag-o-overtime sila ngayon para maihabol ngayong taon ang 2020 national budget kabilang ang pagsasagawa ng budget deliberations tuwing Huwebes at Biyernes kahit walang sesyon ang Kongreso.
Balak din na i-atras ang oras ng sesyon mula sa kasalukuyang alas-3 ng hapon ay magiging alas-5 ng hapon magsisimula upang bigyang daan ang mas mahabang oras ng committee hearings.
DepEd, DPWH, DSWD prayoridad sa 2020 national budget; panukalang pambansang pondo wala raw pork
Nangunguna ang Department of Education (DepEd) sa mga ahensya ng gobyerno na pinaglaanan ng malaking pondo para sa susunod na taon.
Pormal nang naisumite kahapon ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara ang panukalang P4.1 trilyong 2020 national budget at nasa nasabing halaga, P673 bilyon ang alokasyon sa DepEd.
Maliban sa DepEd, kabilang pa sa top 10 departments na popondohan ng malaki ay ang Department of Public Works and Highways (P534.3B); Department of Interior and Local Government (P238B); Department of Social Welfare and Development (P195B); Department of National Defense (P189B); Department of Health (P166.5B); Department of Transportation (P147B); Department of Agriculture (P56.8B); Hudikatura (P38.7B); at Department of Environment and Natural Resources (P26.4B).
Batay pa sa budgetary documents ng DBM, kabilang sa mga prayoridad na pagkagastusan sa susunod na taon ay ang Build, Build, Build Program; mga itinuturing na kritikal at bagong programa at batas tulad ng Universal Health Care Act na may alokasyon P166.5B; Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na P108.B; Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (P70.6B) ; Rice Liberazation Act (P10B mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund); Department of Human and Urban Development (P641.6M) at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (P622.3M).
Matapos ang pagsusumite ay agad na magpupulong ang Appropriations Committee na nagkasa ng marathon budget deliberations upang umabot sa kanilang target na mapa-pirmahan ang 2020 General Appropriations Bill ngayong taon.
Panukalang budget para sa taong 2020, mas mataas kumpara sa Budget 2019
Tumaas ng labin dalawang porsyento o 12% ang proposed National budget para sa taong 2020 kumpara sa pambansang pondo ng taong kasalukuyan.
Batay sa isinumeteng National Expenditure Program o NEP ng Department of Management (DBM) sa kamara pumalo sa 4.100 Trillion pesos ang panukalang pamabansang pondo para susunod na taon kumpara sa budget ng taong kasalukuyan na 3.662 Trillion pesos.
Sa ginanap na ceremonial submission ng 2020 NEP sa kamara sinabi ni Acting DBM Sec.Wendell Abisado na layon ng pambansang pondo na isakatuparan ang mga programang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte kabilang na ang Unversal Health Care, Bangsamoro Organic law, local farmers protection at maging housing and shelter concens.
Ang National budget para sa taong 2020 na may temang "Continuing the Journey to a more Peaceful and Progressive Philippines ay ang ikapaat na pambansang pondo sa ilalim ng Duterte administration.
Marathon hearing tungkol sa ₱4.1 Trillion 2020 Budget, ikakasa na
Naka-kasa na ang pagsasagawa ng marathon hearing sa Mababang Kapulungan para sa pagsasagawa ng pagdinig sa P4. 1 Trillion 2020 national budget.
Sinabi ni House Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab na ngayong araw ng Martes ay inaasahang maisusumite na ng Department of Budget and Management sa Kamara ang pambansang pondo.
Agad nilang uumpisahan ang budget hearing sa komite sa Huwebes, Agosto 22 at gagawin ang mga pagdinig Lunes hanggang Biyernes.
Ayon sa Davao City lawmaker, layunin ng pagkakaroon nila ng buong
linggong hearings na ito na matiyak na maipapasa ng Mababang
Kapulungan ng Kongreso sa takdang panahon ang 2020 General
Appropriations Act (GAA).
Idinagdag pa ni Ungab, target na matatapos ng komite ang mga budget hearings sa ikalawang linggo ng Setyembre kung saan kaagad ding pasisimulan ang budget plenary deliberations habang sa October 4 naman inaasahang maaprubahan ng Kamara ang pambansang pondo.
Pagkakaroon ng Nurse sa bawat barangay, iminungkahi ni Rep. Camille Villar
Nais ni Las Piñas City Camille Villar na magkaroon ng nurse sa bawat barangay para matutukan ang kalusugan ng publiko at mabigyan ng trabaho ang mga nurse na walang mapasukan.
Sa House Bill No. 3312, sinabi ni Camille na maraming registered nurse ang walang mapasukan matapos na mabawasan ang pangangailangan ng mga Pinoy nurse sa ibang bansa.
Ayon sa mambabatas, tinataya ng Professional Regulation Commission (PRC) na noong Enero 2014, nasa 300,000 nurses sa bansa ang walang trabaho, at pinapangambahang madaragdagan pa.
Ngunit sa halip na isiping problema ang malaking bilang ng mga nurse na walang trabaho o underemployed, sinabi ni Camille na dapat gamitin itong oportunidad para sa kapakinabangan ng mga Filipino.
Ayon sa kanya, magagamit ang mga nurse para mapahusay ang health services sa mga barangay, lalo na sa mga malalayong lugar, kung malalagyan ng nurse ang bawat barangay sa bansa.
“The government may engage the services of the nurses to be at the forefront of the government health care programs,” ayon sa neophyte solon.
“The government mobilize and utilize these unemployed or underemployed nurses by dispatching at least one registered nurse to every barangay in the Philippines. This will not only address the problem of the unemployment and underemployment of our professional nurses, but will be considered a leap in improving the health service delivery in the country,” dagdag niya.
Sa ilalim ng panukala, dapat may lisensiya mula sa PRC ang nurse at sasailalim sa pagsasanay at pagsala ng Department of Health (DOH) bago maipadala sa barangay.
Kailangan niyang magbigay ng ulat sa lokal na pamahalaan at magrekomenda ng mga kailangan gawin para sa kagalingan ng kalusugan ng mga mamamayan sa barangay.
“Nurses under this program are required to provide an annual health status report regarding the average health and wellness of the barangay and must provide suggestion to the local government units to improve the health and wellness of all citizens of the barangay,” saad sa panukala.
Dapat namang makatanggap ng buwanang sahod ang mga nurse na katumbas ng Salary Grade 15 na minimum entry-level pay sa mga government nurse.
Ang DOH at Department of Interior and Local Government (DILG) ang inaatasan sa panukala na magpapatupad ng programa kapag ganap na itong naisabatas.
Pagsasapubliko ng mga budget hearings sa Kamara, iminungkahi
Iminungkahi ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na gawing bukas sa publiko ang mga isasagawang budget deliberation ng kamara para sa panukalang P4.1 trillion na pambansang pondo para sa taong 2020.
Ayon Kay Garbin, layon nitong magkaroon ng full coverage ang media sa mga pagdinig at meetings ng kamara para umano masiguro ang public transparency.
Kaugnay nito ay sinabi ni Garbin na mayroon na lamang na 6 na linggo ang kongreso para magsagawa ng pagdinig sa nasabing pondo.
Dagdag pa kongresista, isang hamon para sa mga mambabatas kung paano mas mapapabilis ang pagapruba ng nasabing pondo kaya aniya hanggat maari ay magtatrabaho sila ng hanggang hating gabi para dito.
Una ng sinigurio ni House Majority leader Martin Romualdez na magdodouble time sila para mameet ng kamara ang tinikada nito self imposed deadline ng pagapruba sa 2020 Proposed National Budget sa unang lingo ng Oktubre.
Reparation pay sa pinsala sa mga biktima ng gyera sa Marawi noong 2017, itinutulak
Itinutulak muli sa Kamara ang pagbibigay ng reparation pay o bayad pinsala sa mga biktima ng gyera sa Marawi noong 2017.
Muling inihain ni Lanao del Sur Rep. Ansaruddin Abdul Malik Adiong ang House Bill 3418 o ang Marawi Compensation Act kung saan bibigyan ng kabayaran ang mga indibidwal at negosyo na apektado ng gyera.
Iminungkahi ni Adiong ang P50 Bilyong piso na reparation na hahatiin sa tatlong bahagi.
Ang unang bahagi na P10B ay manggagaling sa General Appropriations Act,ang ikalawang bahagi ay P20B na magmumula sa Philippine Charity Sweeptakes Office at sa huling bahagi ay P20B na magmumula naman sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Kapag naging batas ang panukala ni Adiong, magkakaroon ng standards para sa compensation ng may-ari ng mga bahay at negosyo na nasira ng limang buwang giyera maging ito ay partial o fully damaged.
Nakasaad din sa panukala na lumikha ng local board na mangasiwa ng screening at pagbabayad sa mga biktima.
Noong 17th Congress inihain na ni Adiong ang kaparehong panukala pero natulog lamang ito sa Kamara.
Tuluyang pagpapatupad ng DOLE ng Department Order 11-82 para sa ‘fixed salary’ ng mga bus driver at mga mga konduktor, inirekomenda
Inirekomenda ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento na ipatupad na ng tuluyan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Department Order 11-82 para sa ‘fixed salary’ ng mga bus drivers pati na mga konduktor.
Paliwanag ni Sarmiento, kung magkakaroon ng tamang kompensasyon ang mga bus drivers ay maiiwasan ang kompitensya sa mga ito sa pagkuha ng maraming pasahero at pagtambay ng matagal ng bus sa EDSA.
Sa kasalukuyan aniya ay boundary basis pa rin ang mga bus drivers at kung mabibigyan na ng sahod ang mga drivers ay tiyak na mabibigyan na ng magandang serbisyo ang publiko.
Hiniling din ni Sarmiento na i-modernisa ang fare systemng mga Metro Manila bus sa pamamagitan ng e-card system.
Ang paggamit ng e-card system sa bus ay bahagi pa rin ng one-year road map na siyang binubuo ng komite.
Layunin ng e-card system na maging maayos ang revenue collection ng mga bus companies at bawas oras din sa pangongolekta ng bayad sa mga pasahero.
Para naman hindi na gumastos ang mga commuters sa e-card system, iminungkahi ni Sarmiento ang paggamit sa National ID system na gawing machine-readable electronic cards.
Salceda: “Tigilan na ng mga investors ang pananakot na bawiin ang mga pinuhunan sa bansa sa oras na maaprubahan ang CITIRA”
Nagbanta si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda sa mga investors na nanakot sa oras na maipasa at tuluyang maging batas ang TRAIN2 o ang Corporate Income Tax and Incentive Reform Act o CITIRA.
Giit ni Salceda, tigilan na ginagawang pananakot ng mga investors na aalis at babawiin ang mga pinuhunan sa bansa sa oras na aprubahan ng Kamara ang CITIRA.
Sinabi pa ng mambabatas na madali namang resolbahin ang problema kung pag-uusapan at hindi dapat idaan sa pananakot dahil batid naman ng Kongreso ang kanilang ginagawa.
Binigyang diin ng kongresista na kung may tungkulin sa mga stakeholders ang mga korporasyon ay higit lalo na may tungkulin ang mga ito sa bayan at sa publiko at iyan ay ang pagpo-produce ng trabaho.
Nitong Miyerkules ay agad na ipinasa ang CITIRA sa komite na layong ibaba sa 20% ang corporate income tax ng mga korporasyon mula sa kasalukuyang 30% at pag-rationalize ng mga ibinibigay na insentibo sa mga karapat-dapat na negosyo.
Wakasan na ang pagka-ubos ng mga kasapi ng PDP-Laban sa Lower House, Velasco
Nangako si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na mawakasan na ang paglipat ng ilang mga miyembro sa hanay ng PDP-Laban patungo sa ibang mga grupo matapos itong mahirang bilang pinuno ng partido sa Kamara de Representantes.
Ninombrahan si Velasco bilang lider ng PDP-Laban ilang linggo matapos ang partido yanigin ng defection na nag-iwan sa orihinal na party ng pangulo ng 69 na miyembro sa 84 na mga nanalo noong nakaraang eleksiyon.
“This fresh step by the party leadership is a welcome development, as this will further strengthen unity and camaraderie among PDP-Laban members,” ayon pa kay Velasco.
Naniniwala ang ilang mga lider ng Kamara na sa pamumuno ni Velasco sa partido, ang PDP-Laban ay makakabawi sa lakas nito dahil ang mambabatas naman ay ang magti-take over bilang Speaker matapos ang 15 buwan ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Friday, August 16, 2019
Pagsasaayos sa dokumentasyon ng Chinese POGO workers, irerekomenda
Irerekomenda ni House Games and Amusement Committee na pinamunuan ni Partylist Rep Eric Yap ang pag-sasaayos sa mga tinatanggap na mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) partikular ang mga POGO Chinese workers.
Naniniwala si Yap na makakatulong ang pagaayos ng dokumentasyon ng mga POGO Chinese workers sa pagtaas ng pangongolekta ng buwis mula sa mga ito.
Gayundin ay mapapangalagaan din ang mga legal foreign workers sa bansa kaakibat ng pagre-regulate sa dokumentasyon ng mga ito.
Dahil dito, magsasagawa ng pulong ang komite at ipapatawag ang Bureau of Immigration para alamin ang kasalukuyang sitwasyon ng mga Chinese POGO workers sa bansa.
Sisilipin dito ng komite ni kung ilan ang mga POGO workers sa mga hub, kung lahat ba ay nagtatatrabaho ng ligal at kung nagbibigyan ang mga ito ng working visa para lehitimo ang pagtatrabaho sa nila sa Pilipinas.
Napuna ng mambabatas ang kahalagahan sa pagkakaroon ng proper documentation at regulasyon sa pagtanggap ng mga dayuhang POGO workers bunsod na rin ng mga balitang kidnapping, extortion at theft na kagagawan ng mga Chinese sa kapwa din nilang Chinese.