Hinamon ni House Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep Johnny Pimentel ang mga leading supermarket at minimart chain na manatiling bukas ng mahabang oras ang kanilang mga establisimiyento dahil sila lang naman ang namamayagpag sa kasalukuyan at mag-umpisa na silang mag-hire, on temporary basis, ng mga naka-furlough na mga empleyado.
Hinikayat ng mambabatas ang retailing sector na ipagpatuloy nila ang kanilang hiring ng part-time workers upang tauhan at buksang muli ang kanilang mga tindahan at grocery ng mahabang oras sa pag-operate nitong panahon ng COVID-19 crisis.
Ayon kay Pimentel, sa ganitong paraan ang mga retailer ay makatulong sa pamahalaan na maibsan man lang economic pain na dulot ng krisis habang kanilang tinutulungan ang mga mamamayan na makapag-stock ng iba pang mga basic na pangangailangan sa kanilang mga tahanan.
Ang panawagang ito ng mambabatas ay naka-direkta sa SM Retail Inc., Robinsons Retail Holdings, Cosco Capital Inc., Philippine Seven Corp. at iba pang mga big retailers.
Ang SM Retail ang siyang nagmamay-ari ng SM Supermarket, SM Hypermarket at ang Savemore chains, habang ang Robinsons Retail naman ang nagpapatakbo ng Robinsons Supermarket, The Marketplace, Rustan’s Supermarket, Shopwise, Ministop, Southstar Drug at The Generics Pharmacy chains.