Ilang kongresista, pumalag sa nakaambang pagpapaimbestiga ng PACC kay Vice President Robredo
Pumalag sina Ako Bicol Partylist Rep Alfredo Garbin Jr. at Anakalusugan Partylist Rep Mike Defensor kaugnay sa utos ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan si Vice President Leni Robredo sa umano'y pagbabale-wala nito sa kakayahan ng gobyerno na puksain ang COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng kanyang ibinibigay na tulong sa mga frontliners.
Sinabi ni Garbin na hindi ito ang tamang panahon para umiral ang pamumulitika kung nakikitang namamatay, walang makain at nagkakasakit ang mga Pilipino.
Kaugnay dito, sinabi naman ni Defensor na hintuan ang pag-i-imbestiga sa mga taong kusang-loob na tumutulong sa gitna ng emergency crisis.
Huwag din aniyang bigyan pa ng mabigat na pasanin si Pangulong Rodrigo Duterte sa gagawing hakbang ng NBI habang sinusubukan ng bansa na labanan ang COVID-19 pandemic.
Dagdag pa nina Garbin at Defensor hindi dapat pigilan ang pagtulong mula man sa kapartido o hindi ng administrasyon dahil hindi naman anila ito kompetensya bagkos ito ay bayanihan para sa ikabubuti ng sambayanan.
Sa huli ay hinimok ng dalawang mambabatas lahat na magtulungan bilang isang bansa at bilang kapwa Pilipino sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa.
<< Home