Pagtatag ng strategic national reserve ng mga importanteng medical supply, iminungkahi
Ipinanukala ng isang mambabatas ang paggawa ng strategic national reserve ng kinakailangang medical supplies batay sa naranasang health emergency dahil sa COVID-19 crisis.
Sinabi ni Deputy Speaker Johnny Pimentel na ang emergency stockpile ng life-saving pharmaceuticals, devices, at equipment para sa healthcare workers ay kinakailangan, dahil sa pagbulusok ng kinakailangang suplay pang-medikal habang patuloy namang kumakalat ang coronavirus disease.
Dapat aniyang magtatag ng isang tinatawag na “sufficient national hoard of vital medical supplies” bilang bahagi ng pangkalahatang pagiging handa sa pag-tugon sa mga panibagong malakihang disease outbreak.
Ayon kay Pimentel, nasaksihan natin ang mga pagkukulang ng mga essential supplies ng personal protective equipment (PPE), N95 respirator, aerosol boxes at contraptions na kailangan upang i-rescue ang mga pasyente ng COVID-19.
Aniya pa, kabilang din sa strategic reserve ang mga materyales na kinakailangan sa pagbuo ng temporary medical stations sa mga kritikal na lugar kapag mayroong krisis.
Iginiit pa ng solon na para maseguro ang tuloy-tuloy na suplay ng mga medical provisions, sa public man o sa private hospitals, dapat mayroong minimum in-facility inventory requirement ang mga ito.
<< Home