Tuesday, January 31, 2017

* DAR, tinalikuran ang suporta sa LAD

Nagulat ang mga miyembro ng House Committee on Agrarian Reform sa desisyon ng Department of Agrarian Reform (DAR) na talikuran ang panukalang batas na naglalayong palawigin ang hangganan ng panahon sa Land Acquisition and Distribution (LAD) na bahagi ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) dahil hindi umano ito makakatulong sa problema ng mga magsasaka.

Sa isinagawang pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Ilocos Sur Rep Deogracias Victor Savellano, kinuwestiyon ng mga miyembro ang nakabinbing panukalang batas na naglalayong tiyakin sana ang riyalidad ng CARP na maitaguyod ang karapatan ng mga magsasaka.

Tinanong ni Savellano ang mga opisyal ng DAR kung paano nila ipaliliwanag na hindi nila na kailangan ang panukalang batas na ito habang ang tanging dahilan para sa ganitong mungkahi ay dahil sa maraming nakabinbing kaso at ang pag-kuwestiyon ng mga land owners ng validity ng notice of coverage o petitions for coverage dahil paso na ang pagpapatupad nito.

Layunin ng House Bill 3051 na amiyendahan ang Section 30 ng Republic Act No. 9970 hinggil sa pag-iisyu ng DAR ng kalatas, pagtanggap sa boluntaryong alok para magbenta ang mga may-ari ng lupang pangsakahan at ang pagreresolba ng mga isinampang kaso sa ilalim ng Republic Act No. 6657 sa loob ng dalawang taon matapos na ito ay maisabatas.

Ang mga kalatas, boluntaryong alok para magbenta ng lupain at iba pang mga kasong nakabinbin ng dalawang taon na hindi naresolba ng kagawaran ay papayagang maresolusyonan ito kahit pa lumampas na ang dalawang taon.

Ipinaliwanag ni Dinagat Island Rep Kaka Bag-ao sa kanyang sponsorship remarks para sa House Bill 3051 na mandato ng estado na magpatupad ng mga programang pang-agraryo na nagsusulong ng mga karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid na walang sariling lupa, na magkaroon o magmay-ari ng pangsarili o pangmaramihan, ng mga lupang kanilang nililinang o sinasaka; at sa kaso ng mga manggagawa, ay magkaroon sila ng ka-bahagi ng kanilang ani, na malinaw na nakasaad sa Article XIII, Section 4 ng 1987 Constitution.

Idinagdag pa ng mambabatas na para maipatupad ang isang makatarungang mandato ay naging ganap na batas ang Comprehensive Agrarian Reform Law or the CARL noong taong 1988.

Sa panig ni AKBAYAN Party-list Rep Tom Villarin, isa sa mga may akda ng HB 3051, nanawagan siya sa komite para matiyak na maging ganap na batas na ang land acquisition and distribution na bahagi ng CARPER dahil inalisan umano ng karapatan ang mga magsasaka sa mga lupaing kanilang sinasaka.

Ayon pa kay Villarin, tiwala umano siya na ang DAR at ang mga magsasaka ay magkakaroon na ng kumpletong CARP sa loob ng anim na taong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Idinagdag pa nito na naghintay na umano ng napakahabang panahon ang mga tao kaya’t ang mga magsasaka at kanilang pamilya ay dapat nang makinabang sa programa.

Sumang-ayon naman si Camarines Sur Rep Gabriel Bordado sa posisyon nina Bag-ao at Villarin para sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka na walang sakahang lupain.

Sinabi niya na tungkulin ng Kongreso na tulungan ang mga magsasaka lalo na sa mga karapat-dapat na magbenepisyo sa ilalim ng batas ng CARP.

* Walong bilyong pondo, inilaan para sa edukasyon

Bilang suporta sa krusada ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng libreng edukasyon sa mga karapat-dapat na mag-aaral sa lahat ng antas ay naglaan ng P8 bilyon-pisong pondo ang Kongreso para sa libreng matrikula sa state colleges and universities (SUCs).

Ayon kay Zamboanga Sibugay Rep Ann K. Hofer, chairperson ng House committee on higher and technical education, isa umano ito sa legislative priority ng Pangulo na binanggit nito sa kanyang mensahe nang lagdaan niya ang 2017 General Appropriations Act (GAA).

Gayunpaman, sinabi ni Hofer ang P8 bilyong pondo ay nakalaan lamang para sa isang taon at kailangan pa ng Kongreso na magpasa ng batas para matiyak na magpapatuloy ang implementasyon at pondohan ang programang libreng matrikula upang makinabang ang maraming mag-aaral.

Iilan sa mga panukalang may kahalintulad na layuning na magbibigay ng scholarship sa mga nagtapos sa mga pampublikong paaralan; mga mag-aaral na nabibilang sa marginalized sector; senior citizens at indigenous people; mga guro at mga miyembro ng PNP at AFP at kanilang mga anak; Filipino overseas graduate students; ang nasa highly technical o specialized courses tulad ng information and communications technology, medicine, midwifery, nuclear science at engineering ay tinalakay din.

Dahil dito, binuo ng House committee on higher and technical education ang isang technical working group (TWG) para pag-isahin at iayos ang 50 panukalang batas na inihain ng mga mambabatas na nauukol sa educational assistance ng mga mag-aaral.

* Pagpapaunlad sa pag-aalaga ng kalabaw, isinusulong sa Kamara

Nangangamba ang sektor ng sakahan sa bansa dahil sa pagbaba ng bilang ng kalabaw na siyang bantayog at sandigan ng mga magsasaka at magbubukid na umaasa sa dulot nitong sariwang gatas, at ang taglay nitong lakas upang gamitin na pangunahing katulong sa pagbubungkal ng lupa sa bukid upang pagtamnan ng palay.

Sa isinagawang pagdinig ng komite kamakailan, ipinahayag ng mga mambabatas ang kanilang suporta sa House Bill 626 na iniakda ni Albay Rep Fernando Gonzales na humihiling na maglagay ng Carabao Center sa Ligao, Albay para sa pagpapalaganap at pagtataguyod ng kalabaw sa kanilang rehiyon. Suportado ng mga miyembro ng House committee on agriculture and food ang paglalagay ng Carabao Center sa Bicol dahil ang lugar umano ang pangalawa sa may pinakamaraming populasyon ng kalabaw sa bansa kung ihahambing sa ibang rehiyon na may nauna ng sariling katulad na center.

Ang pagsasabatas ng Republic Act 7307 o ang Philippine Carabao Act of 1992 ang naging daan para makapagpatayo ng 13 na Carabao Centers sa iba’t ibang panig ng bansa nguni’t hindi kasama ang Bicol.

Sinabi ni Gonzales na ang paglikha ng sentro sa Bicol ay mangangailangan ng pag-amyenda sa RA 7307 na naglalayong mapangalagaan at mapalaganap ang pagdami ng kalabaw sa rehiyon kung saan ito ay nakatutulong ito na makapagbigay ng gatas, balat at bilang gamit sa sakahan.

Sinang-ayunan ni Philippine Carabao Center Director Libertado Cruz ang panukala at sinabi niya na kailangan nang maayendahan ang batas para magkaroon ng sariling sentro ang rehiyon ng Bicol. Inamin pa ni Dela Cruz na pinili muna nilang palakasin ang mga naunang 13 Carabao Centers na naging dahilan kaya nakaligtaan nila ang pagtatayo nito sa Bicol.

Suportado din ni North Cotabato Rep Jose Tejada na maaprubahan ang panukala at ibinahagi niya bilang halimbawa ang kanyang lalawigan na mayroong Carabao Center na nasa loob ng University of Southern Minadanao (USM).

Ang Carabao Center sa kanilang lugar ay nakapagdudulot ng kasagutan para sa paglaganap ng kalabaw at pagbibigay ng mataas na kalidad na gatas galing sa kanilang lalawigan.

Idinagdag ni Tejada na wala pa noon ang mga carabao center ay mayroon nang ugnayan sa pagitan ng mga state universities at ang kanilang distrito, kasama na rito ang mga lugar na maaaring paggamitan ng kalabaw at gayun na rin sa usapin ng pondo.

Naniniwala si Tejada na hindi magtatagal ay maisusulong at uunlad ang Carabao Center sa Bicol region at makatutulong ito ng malaki sa panig ng lokal na komunidad gayun na rin sa pangkalahatan ng bansa.

Monday, January 30, 2017

* Menor de edad, hindi sakop sa parusang kamatayan

Maingat na tinatalakay ngayon ng Kamara ang usapin hinggil sa pagbababa ng edad ng isang inaakusahang kriminal sa siyam na taong gulang mula sa labinlimang taong gulang matapos na ihain ni Speaker Pantaleon Alvarez ang panukala na naglalayong amyemdahan ang “Juvenile Justice and Welfare Act of 2006” o Republic Act 9344.

Nilinaw ni Speaker Alvarez na hindi ipapataw ang parusang kamatayan sa mga menor de edad kahit pa mapagtibay ang panukalang nagbababa ng edad sa criminal responsibility ng isang akusado. Kasabay nito ay tinatalakay din ang pagbabalik ng parusang kamatayan na siya rin ang pangunahing may-akda subali’t magkahiwalay aniya ang layunin ng dalawang panukala. Sa pagpapababa ng edad ng criminal responsibility sa siyam na taong gulang mula sa kasalukuyang 15 anyos, hangad lamang nito na maitanim sa isipan ng mga menor de edad na mayroon na silang pananagutan sa batas bukod sa obligasyon at responsibilidad sa lipunan.

“Dadaan sila sa proseso ng rehabilitasyon para itanim sa kanilang isipan na meron silang obligasyon at responsibilidad sa lipunan at hindi rin isasama sa mga talamak na kriminal ang mga menor de edad na papanagutin sa batas kapag nahatulan na ng korte”, ayon kay Alvarez.

Bilang ama ay nangangamba rin si Speaker Alvarez para sa mga kabataan dahil ginagamit na kasabwat ng mga sindikato ang mga menor de edad lalo na sa drug trafficking dahil sa umiiral na batas na hindi maaaring papanagutin sa krimen ang mga menor de edad. “Ito na marahil ang tamang panahon para maging crime at drug-free ang buong bansa upang maging maganda ang kinabukasan ng susunod pang henerasyon,” dagdag pa ni Alvarez.

Sa kanyang panig, sinabi ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na pabor siya sa pagpapataw ng parusang kamatayan sa isang nahatulan ng karumal-dumal na krimen lalo na ang may kaugnayan sa droga. Matapos na maihayag sa mga imbestigasyon ng Kamara ang New Bilibid drug trade ay naghain din si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ng panukala na magbabalik ng capital punishment sa mga kriminal dahil patuloy pa rin ang mga convicted drug lords sa kanilang illegal business kahit na nasa loob pa sila ng bilangguan.

* Batas sa lupang pang-agrikultura, aamiyendahan

Ipinasa ng House committee on natural resources ang mungkahing pagaanin ang pamamaraan sa pagsasaayos ng public agricultural lands upang mapadali ang proseso ng pagbebenta sa nagnanais makabili nito.

Inaprubahan ng komite sa pamumuno ni Bayan Muna Partylist Rep Carlos Isagani T. Zarate ang House Bill 691 na iniakda ni Camiguin Rep Xavier Jesus D. Romualdo, na naglalayong amyendahan ang Section 24 of  Commonwealth Act No. 141, o mas kilala bilang "The Public Land Act."

Ayon kay Romulado, kailangan repasuhin ang patakaran sa ilalim ng batas upang makatugon sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon para lalong mapabuti ang pagsisilbi ng gobyerno sa mamamayan.

Luma o lipas na ang Commonwealth Act No 141 na ipinatupad noong 1936, partikular ang nasa Section 24, na kailangan amiyendahan para i-update ang proseso ng pagsasaayos sa pagbebenta ng public agricultural lands sa mga nagnanais makabili nito. Sakaling maisabatas ang mungkahing pag-amiyenda, sinabi ni Romualdo na dalawang magkasunod na Linggo ang paglalathala sa mga pahayagan ng notices of sale, sa halip na anim na magkakasunod na Linggo, at ilalathala ito sa wikang Inggles sa halip na Español o Filipino bukod pa sa mga kalatas na ipapaskil sa bulletin board ng Central Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa lugar na madaling makita sa mga gusali ng Kapitolyo o minusipyo kung saan naroroon ang lupang ibinebenta. Layon ng panukala na mapapagaan at mapapabuti nito ang sistema, pamamaraan at proseso ng gobyerno, dagdag pa ni Romualdo, vice chairman ng mga
committee on energy at trade and industry.

* Imprastraktura sa kanayunan, prayorid ng House

Isinusulong ng maraming mambabatas sa Kamara ang pagtatatag ng mga tanggapan ng engineering district partikular na sa rehiyon ng Mindanao dahil ang kakulangan nito ang nagpapabagal sa pagtatayo ng mga imprastraktura na siyang kaakibat ng kaunlaran sa bansa.

Sa pamumuno ni Zamboanga City Rep Celso Lobregat bilang chairman ng House committee on public works and highways, ang mga inaprubahang panukala ay ang House Bill 364 na akda ni Compostela Valley Rep Ma. Carmen Zamora na magtatayo ng second district engineering
office sa Compostela Valley; HB 640 ni Camarines Norte Rep Renato Unico, para sa first district engineering office ng Camarines Norte; ang HB 1188 na akda ni Lanao del Norte Rep Mohamad Khalid Dimaporo na gagawing dalawang regular district ang dating Lanao del Norte engineering office; at ang HB 2052 ni Zamboanga del Norte Rep Isagani Amatong na magkakaroon naman ng fourth district engineering office sa bayan ng Siocon, Zamboanga del Norte.

Layunin ng mga panukala na magtatag ng pitong bagong tanggapan sa iba’t-ibang panig ng bansa matapos aprubahan sa ang mga panukala ng mga kongresista upang maiayos ang mga pampublikong imprastruktura sa kanilang mga nasasakupan.

Kasama din ang House Bill ni Cotabato Rep Jose Tejada para sa third district engineering office; HB 2438 ni Sorsogon Rep Deogracias Ramos para sa Sorsogon second district engineering office; at ang HB 2552 ni Bukidnon Rep Rogelio Neil Roque para naman sa fourth district engineering office ng Bukidnon.

Ang mga nasabing panukala ay dadaan sa committee on appropriations para mapag-aralan ang mga probisyong nakasulat tungkol sa paglalaan ng pondo para sa mga gagawing bagong posisyon.

Sinabi ni Unico na nararapat nang magdagdag ng isa pang engineering district office sa kanyang lalawigan dahil hindi na kayang tugunan pa ang mga proyektong imprastraktura ng tanging engineering district office. Sinabi pa ni Unico na dahil malimit daanan ng bagyo ang Region 5 o Bicol region ang madalas na pag-ulan ang sumisira sa mga kalsada.

Sinabi naman ni Zamora na para mabawasan ang mga maling paggawa sa mga imprastraktura at iba pang proyekto sa kanilang lugar, kailangan din nilang magkaroon ng isa pang tanggapan para sa lalawigan ng Compostela.

Para naman kay Dimaporo ang kasalukuyang second engineering district office sa Lanao del Norte ay hindi sapat ang tauhan para tugunan ang malaking pangangailangan ng dalawang distrito sa lalawigan na nagdudulot ng pagkabalam ng mga proyekto na nakakaapekto sa kaunlaran ng kanyang lalawigan.

* Draft substitute FOI bill, tatalakayin na sa plenaryo


Iprenisenta na ng House committee on public information na pinamunuan ni ACT Teachers partylist Rep Antonio Tinio ang kanilang draft substitute bill patungkol sa Freedom of Information (FOI), isang consolidation ng 33 mga panukala, isang resolution at isang privilege speech, na may layuning palakasin ang karapatan ng mga mamamayan sa impormasyon o people’s right to information.

Pinagsikapan ng technical working group (TWG) na naturang Komite sa loob ng dalawang buwang pag-aaral upang mabuo ang nabanggit na panukala na kanilang iprenisenta sa isang pagdinig bago magkaroon ng holiday break ang Kongreso para sa mga comment at discussion hinggil sa mga inilatag na probisyon sa panukala.

Sinabi ni Tinio na kinosidera rin ng TWG ang Executive Order No. 2 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-23 ng Hulyo na nag-oope3rationalize sa executive branch ng constitutional rights ng mga mamamayan sa impormaswyon at sa mga polisiya ng estado para sa ganap na disclosure at transparency sa public service at paggagawad ng guidelines nito.

Sinabi naman ni Bukidnon Rep. Manuel Zubiri na sa sandaling ang FOI bill ay maging ganap na na batas, ito ay maging epektibong pananggalang laban sa kurapsiyon sapagkat ang public disclosure sa lahat ng mga government transaction hinggil sa public interest ay maging mandatory na na sasaklawin ang lahat ng public officials at employees.

* Dagdag sahod ng pulis, sundalo tiniyak

Siniguro ng Malacañang na nakapaloob na sa susunod na sweldo ng mga pulis at sundalo ang dagdag sa kanilang sahod at allowance.

Sinabi ni Budget Sec. Benjamin Diok­no sa media briefing, kasama sa 2017 budget ang pondo para sa dagdag sweldo ng mga sundalo at pulis na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi naman binanggit ng DBM chief ang halaga ng umento sa mga sundalo at pulis.

Magugunita na nag-ikot sa mga kampo ng mi­litar at pulis noong nakaraang taon si Pa­ngulong Duterte at ipinangako ang dagdag-sweldo sa mga ito.

Wika ni Diokno, ma­dodoble ang sweldo ng mga pulis at sundalo sa 2018 gaya ng pangako ni Pangulong Duterte.

* Bus parang nakawala sa kural

Para na namang nakakawala sa kural ang mga pampasaherong bus na bumibiyahe sa kahabaan ng Commonwealth Ave. sa Quezon City.

Noong maraming mata ang nagmamatyag sa Commonwealth Ave. ay pumipila sa yellow lane ang mga bus, pero ngayon ay kanya-kanya sila ng arangkada sa lane na para sa mga pribadong sasakyan.

At dahil wala sa yellow lane, bigla na lamang kakabig ang mga driver ng mga bus na ito pabalik sa outermost lane kapag mayroon silang nakitang umpukan ng tao o kaya ay mayroong bababa— sa hindi tamang babaan.

Muli na naman nilang ipinakikita na sila ang hari ng kalsada.

Gaya na lamang ng ginawa ng driver ng bus ng Jayross na may plakang TXK 920 noong Disyembre 27.
Bigla na lamang itong kumabig pakanan kaya nagprenuhan ang mga sasakyan na kanyang mababangga bago sumapit ang Litex Area sa Brgy. Commonwealth.

Wala namang magawa ang mga maliliit na sasakyan na tiyak na babaliktad kapag nabangga ng bus na ito.

At kung anong bilis niyang kumabig palabas ay siya ring bilis nitong kumabig palabas ng yellow lane para maunahan ang iba pang bus na magsasakay sa kanyang unahan.

Para namang mga bulag ang mga traffic enforcer na dinaraanan ng mga bus na ito kaya hindi tuloy maiwasang may mag-isip na nakatanggap sila ng pamasko mula sa mga bus company.

O baka naman nautusan sila na magbulag-bulagan sa ginagawa ng mga ito.

Kadalasan din ay wala nang traffic enforcer sa Commonwealth Ave., at kung meron man ang kanilang binabantayan ay ang mga pribadong sasakyan na lalagpas sa 60 kilometer per hour limit.

Pero ang mga overspeeding na bus ay hindi nila pinapansin.

Inilagay ang yellow lane matapos ang sunod-sunod na aksidente na kinasasangkutan ng mga bus sa Commonwealth Ave. na minsan nang binansagang killer highway.

Ano kaya ang hinihintay ng mga otoridad na mangyari para muli silang maghigpit sa mga bus sa Commonwealth Ave. ang mayroon nanamang magbuwis ng buhay.

Bukod sa pasaway na mga pampasaherong bus, mayroon ding mga pampasaherong jeepney, taxi at tricycle na parang siyam ang buhay.

Masyado silang nagtitipid ng gasolina at sa halip na mag-U turn sa tapat ng tanggapan ng Commission on Audit ay tumatawid na lamang sila sa tapat ng Commonwealth Elementary School.

Hindi nila alintana ang pakikipagpatintero kay kamatayan at para bang ang feeling nila ay pwedeng mag-ulitan na parang computer game kung sila ay mamamatay.

Hindi rin naman pinapansin ng mga traffic enforcer at ng mga tauhan ng barangay ang mga tricycle at motorsiklo na nagka-counter flow mula IBP o Litex Rd. patungo sa kalsada sa gilid ng barangay hall.
Mas maraming gasolina nga naman ang gagastusin nila kung sa tamang U-turn slot sila dadaan. Lalo na ngayon ay tumaas nanaman ang presyo ng produktong petrolyo.

* Hamon sa economic managers: mabuhay sa P40 kada araw na pensyon

Hinamon ni Bayan Muna Rep. Isagani Zarate at Chairman Neri Colmenares ang mga economic manager ni Pangulong Duterte na subukang mamuhay sa halagang P40 kada araw— ang halaga ng pensyon na natatanggap mula sa SSS.


Ayon kay Zarate kulang na kulang ang P1,200 na minimum na pensyon na natatanggap ng mga retirado kada buwan kaya hindi na dapat harangin ng mga economic managers ang P2,000 dagdag nito.

Idinagdag pa ni Zarate na ang dali umano para sa kanilang harangin ang pension hike dahil hindi naman daw sila yung nakakaranas na di makakain ng tama o mabili ang mga gamot para humaba pa ang buhay ng mga pensioners. Ilang milyong pensyonado po umano ang matutulungan ng pagtataas ng pensyon pero mukhang mas mahalaga pa sa kanila ang sinasabing credit ratings kesa sa buhay ng mga senior citizens natin.

Ayon pa sa kanya, ang P2,000 dagdag ay nangangahulugan lamang ng P66 kada araw na panggastos ng mag retirado.

Kinuwestyon naman ni Colmenares ang pabago-bago umanong datos ng SSS.

Noong una sinabi ng SSS na irks sa 2029 ang budget nito kapag ibinigay ang P2,000 dagdag. Pero nang magkasundo na P1,000 dagdag muna ang ibibigay, sinabi ng SSS na ang buhay nito ay magiging hanggang 2027 na lamang.

Sinabi ni Colmenares na noong Hunyo 2015, sinabi ng SSS na may utang itong P1.2 trilyon pero makalipas ang isang taon, sinasabi nito na P3.5 trilyon na ang utang ng kompanya.

Hindi umano mababankrupt ang SSS kung ayusin lang nila ang koleksyon nila dahilt, out of the 40.8 million employed labor force, ang contribution lamang ng 11.8 Million SSS members ang nareremit. Kung ang SSS ay makakolekta sa 16 Million members kaysa sa kasalukuyang 11.8 million, ang fund life ay madadagdagan para sa susunod na mga taon.

Hindi daw maba-bankrupt ang SSS kung ayusin lang ang collection ng SSS at dapat magkakaroon muna ng mga reporma sa SSS bago magkakapag-demand ang pamahalaan ng increase sa kontribusyon.

* Paglalagay ng LGBT help desk sa mga police station

Inaprubahan ng House committee on public order ang safety ang panukalang paglalagay ng help desk sa mga police station para sa mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, at transgender.

Ang panukala ay akda ni Batangas Rep. Vilma Santos-Recto na naglalayong gawin umanong neutral ang mga police station.

Ang itatayong LGBT desk ay maaaring isama sa kasalukuyang Women and Children desk na nasa mga istasyon na ng pulisya.

Inirekomenda ng National Police Commission na maglalabas na lamang ito ng memorandum para sa panukala pero sinabi ni Santos-Recto na mas makabubuti kung magpasa na lamang ng batas upang matiyak na magiging pangmatagalan ito.

* Kakulangan sa pabahay, tutugunan ng House

Mapapakinabangan na ang mga bakanteng lote na pag-aari ng gobyerno kapag naaprubahan sa Kamara ang panukalang batas na humihiling ng malawakang pagpapatayo ng socialized housing projects para sa mga mahihirap.

Ito ang paniniwala ni Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte, Vice Chairman ng Committee on Housing and Urban Development sa pagsisimula ng pagdinig sa House Bill 228 na iniakda ni Deputy Speaker at Ilocos Sur Rep. Eric D. Singson, HB 1724 ni Muntinlupa Rep. Rozzano Rufino Biazon, at HB 2125 ni Manila Rep. Rosenda Ann Ocampo, kung saan ang mga ito ay masusing iwinasto upang makapaglagay ng mekanismo para ma i- convert ang mga  lupang pag—aari ng pamahalaan bilang socialized housing.

Samantala, ang HB 2807 naman ni Quezon City Rep. Winston Castelo ay humihingi ng mandato na sampung porsyento (10%) sa lupa ng pamahalaan ay ibukod at gawing socialized housing projects sa mga ibebenta, isasalin o kaya ay itatalaga para sa development purposes.

Sinabi ni Belmonte na kailangan kumilos ang pamahalaan para mapunuan ang kakulangan sa pabahay dahil umaabot na sa 1.4 milyon ang informal-settler families (ISFs) na nakakalat sa ibat-ibang panig ng bansa. Sa nabanggit na numero, 500,000 na ISFs ay matatagpuan sa Metro Manila kung saan marami sa kanila ay nakatira sa mga mapanganib na lugar.

Idinagdag pa ng mambabatas na batay na rin sa ulat ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) ay aabot sa 5.6 million units na pabahay ang kakailanganin hanggang sa matapos ang taong 2016. Sang-ayon kina Singson, Ocampo at Biazon, layon ng kanilang mga panukala na gawing abot kaya ng mga kawaning nagmumula sa pribado at pampublikong tanggapan na may mababang sahod ang proyektong pabahay, kasama na rito ang mga informal settlers.

Ayon namna kay Singson, ang matinding suliranin ng bansa sa pabahay ay pinalala pa umano ng walang humpay na pag squat ng mga tao sa mga kalunsuran ang nagtulak sa sa kanila upang tugunan ang mga problemang ito.

Ang hangarin ng mga mambabatas ay suportado ng ibat-ibang sangay ng pamahalaan pati na rin ng mga non-government organizations (NGOs) tulad ng National Economic Development Authority (NEDA), Presidential Anti-Poverty Commission (NAPC), Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), 

Department of the Interior and Local Government (DILG), Home Guaranty Corporation (HGC), National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), at ng Organization of Socialized Housing Developers of the Philippines (OSHDP).

Thursday, January 12, 2017

* Abandonadong mga palaisadaan, gagawing forest lands

Ipinanukalang gawing forest lands na ang mga abandonado o hindi nagagamit na mga palaisdaan ng matagal na panahon upang mapakinabangan at makatulong sa masamang epekto ng pagbabago ng panahon.

Ang panukalang ito ay inaprubahan na ng House committee on natural resources kung saan papayagan dito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para ibalik sa forest lands ang mga palaisdaang hindi nagagamit o abandonado na ng tatlong taon.

Sinabi ni Bulacan Rep. Linabelle Ruth Villarica na lalong dumarami ang mga taong nakatira sa mga komunidad na madalas dumaranas at nagiging biktima ng pagbaha dahil sa nakakalbong kagubatan.

Dapat aniya umanong palakasin ang batas tungkol dito at mapakinabangan ang mga abandonadong palaisdaan at maaring magpalago ng mga mangrove upang matugunan ang mapangwasak na epekto sa pagbabago ng panahon o kaya’y para sa eco-tourism activities para ma-umpisahan ang pag-unlad ng ekonomiya ng isang komunidad.

Idinagdag pa ng kongresista na kailangang bigyan umano ng mandato ang Department of Agriculture (DA) para paghandaan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) joint guidelines sa pagtukoy sa abandonado o hindi nagagamit na mga palaisdaan.

Dito epektibong maipapatupad umano ang probisyon sa pagbabalik ng mga palaisdaan, maging ang Fishpond Lease Agreements (FLAs) na inisyu ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) na sumasakop sa mga palaisdaan.

Aniya, sinasaad din sa Presidential Decree No. 705, o mas kilala bilang Revised Forestry Reform Code para sa DENR na ibalik ang mga palaisdaan sa Fisheries Lease Agreements (FLAs) sa forest lands, kung ang palaisdaan ay abandonado at hindi na nagagamit sa loob ng limang taon mula sa panahon ito ay gamitin.

Inaprubahan ng komite sa pamumuno ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani T. Zarate ang House Bill 854 na iniakda Villarica bago nag adjourn ang Kongreso sa pagdiriwang ng pasko.

* Amnestiya para sa estate tax, aprubado na sa Kongreso

Inaasahang makakakolekta ng mataas na buwis ang pamahalaan sa estate tax kapag naisabatas ang dalawang panukala sa Kongreso na naglalayong magkaloob ng amnestiya at pagbaba sa halaga ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Inaprubahan ng House committee on ways and means sa pamumuno ni Quirino Rep. Dakila Carlo E. Cua ang House Bill 1889 na iniakda ni Iloilo Rep. Arthur R. Defensor at HB 3010 na panukala naman ni Deputy Speaker Romero Quimbo.

Sinabi ni Quimbo na katulad ng kay Defensor, gagamitin ng kanyang panukala bilang mekanismo ang tax amnesty sa estate tax para makalikha ng malaking buwis para sa pamahalaan.

Ang estate tax ay isang buwis na binabayaran sa gobyerno upang maisalin ang lupang pag-aari ng isang pumanaw tungo sa mga tagapagmana nito.

Ayon kay Quimbo, sa kabuuang buwis na nakokolekta ng BIR, maliit lang na bahagi ang nanggagaling sa estate taxes, sa katunayan aniya, sa taong 2013 meron lang 28, 634 ang narehistrong estate tax payers samantalang batay sa datos ng Philippine Statistics Office (PSA), may kabuuang 531,280 ang pumanaw sa nasabing taon.

Idinagdag pa ng mambabatas na pagkatapos ibawas ang mga narehistrong estate taxpayers sa kabuuang bilang ng mga pumanaw noong 2013, lumalabas sa datos na 94 porsyento ang hindi nagfile ng kaukulang estate tax return at kahit na ang isang estate ay exempted o libre ay nangangailangan din ang pagpafile ng estate tax return ayon sa National Internal Revenue Code (NIRC).

Sinabi ng niya na kung pagbabasehan ang numero ng mga pumanaw sa nasabing taon at ang nakapagfile ng estate tax, na dapat maisagawa sa loob ng 120 na araw, tanging 7.2 porsyento lamang ang nagfile ng estate tax sa BIR.

Ayon naman kay Defensor, layunin ng kanyang panukala na hindi lang amnesty, kundi palitan ang kasalukuyang tax base para sa estate taxes dahil sa taas ng singil.

Naniniwala din ang mambabatas na kung maibababa ang halaga ng buwis ay darami ang mga magbabayad at sa kalaunan, ito rin ay magreresulta ng mas mataas na revenue dahil ang mga pag-aari na ito ay magagamit na pang komersyo, kung saan anumang business transactions ay makakadagdag sa buwis.

* Kaligtasan ng mga mag-aaral, patatatagin ng Kamara

Pinangunahan ng House committee on higher and technical education, sa pamumuno ni Zamboang Sibugay Rep. Ann K. Hofer ang pagpapatibay sa panukalang batas na naglalayong gawaran ng mandato ang mga unibersidad at kolehiyo na lumikha ng isang Safety and Security Council (SSC) para maprotektahan ang mga estudyante at mga kawani ng paaralan mula sa pagnanakaw, pang-uumit, pang-gagahasa at iba pang uri ng karahasan sa loob at labas ng campus.

Inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 4100 sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang “Campus Safety and Security Act” para itatag ang SSC hindi lamang sa mataas na paaralan kundi pati na rin sa technical-vocational institution upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga estudyante at mga kawani ng paaralan.

Dadalhin ng SSC ang mga programa, polisiya at mga gawain na magbibigay proteksyon sa paaralan mula sa panloob at panlabas na banta o pananakot.

Ilan sa mga pangunahing tungkulin at responsibilidad ng SSC ay ang mag- rekomenda sa paaralan, universidad at kolehiyo na magsagawa ng seminars at pagsasanay tungkol sa krimen at drug prevention at ang pakikipag-ugnayan sa National Police Commission (NAPOLCOM) regional office, local police station, o sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Mahigpit din nitong ipatutupad ang pagbabawal sa pagdadala o pagbebenta ng mga inuming nakalalasing, pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot sa loob ng paaralan at magsasagawa rin ang SSC ng drug at alcohol abuse education program para sa mga mag-aaral.

Ang kasalukuyang boards of the higher education institutions (HEIs), ang mga may-ari at administrador ng technical-vocational institutions ang siyang bubuo ng SSC.

Pinagsanib ng Kamara sa House Bill 4100 ang House Bill Nos. 572 at 2314 na iniakda nina Aurora Rep. Bellaflor Angara-Castillo at Sorsogon Rep. Evelina Escudero.
Free Counters
Free Counters