Tuesday, January 31, 2017

* Walong bilyong pondo, inilaan para sa edukasyon

Bilang suporta sa krusada ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng libreng edukasyon sa mga karapat-dapat na mag-aaral sa lahat ng antas ay naglaan ng P8 bilyon-pisong pondo ang Kongreso para sa libreng matrikula sa state colleges and universities (SUCs).

Ayon kay Zamboanga Sibugay Rep Ann K. Hofer, chairperson ng House committee on higher and technical education, isa umano ito sa legislative priority ng Pangulo na binanggit nito sa kanyang mensahe nang lagdaan niya ang 2017 General Appropriations Act (GAA).

Gayunpaman, sinabi ni Hofer ang P8 bilyong pondo ay nakalaan lamang para sa isang taon at kailangan pa ng Kongreso na magpasa ng batas para matiyak na magpapatuloy ang implementasyon at pondohan ang programang libreng matrikula upang makinabang ang maraming mag-aaral.

Iilan sa mga panukalang may kahalintulad na layuning na magbibigay ng scholarship sa mga nagtapos sa mga pampublikong paaralan; mga mag-aaral na nabibilang sa marginalized sector; senior citizens at indigenous people; mga guro at mga miyembro ng PNP at AFP at kanilang mga anak; Filipino overseas graduate students; ang nasa highly technical o specialized courses tulad ng information and communications technology, medicine, midwifery, nuclear science at engineering ay tinalakay din.

Dahil dito, binuo ng House committee on higher and technical education ang isang technical working group (TWG) para pag-isahin at iayos ang 50 panukalang batas na inihain ng mga mambabatas na nauukol sa educational assistance ng mga mag-aaral.
Free Counters
Free Counters