* DAR, tinalikuran ang suporta sa LAD
Nagulat ang
mga miyembro ng House Committee on Agrarian Reform sa desisyon ng Department of
Agrarian Reform (DAR) na talikuran ang panukalang batas na naglalayong
palawigin ang hangganan ng panahon sa Land Acquisition and Distribution (LAD)
na bahagi ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) dahil hindi umano ito
makakatulong sa problema ng mga magsasaka.
Sinabi niya na tungkulin ng Kongreso na tulungan
ang mga magsasaka lalo na sa mga karapat-dapat na magbenepisyo sa ilalim ng
batas ng CARP.
Sa
isinagawang pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Ilocos Sur Rep Deogracias
Victor Savellano, kinuwestiyon ng mga miyembro ang nakabinbing panukalang batas
na naglalayong tiyakin sana ang riyalidad ng CARP na maitaguyod ang karapatan
ng mga magsasaka.
Tinanong
ni Savellano ang mga opisyal ng DAR kung paano nila ipaliliwanag na hindi nila
na kailangan ang panukalang batas na ito habang ang tanging dahilan para sa
ganitong mungkahi ay dahil sa maraming nakabinbing kaso at ang pag-kuwestiyon
ng mga land owners ng validity ng notice of coverage o petitions for coverage
dahil paso na ang pagpapatupad nito.
Layunin
ng House Bill 3051 na amiyendahan ang Section 30 ng Republic Act No. 9970
hinggil sa pag-iisyu ng DAR ng kalatas, pagtanggap sa boluntaryong alok para
magbenta ang mga may-ari ng lupang pangsakahan at ang pagreresolba ng mga isinampang
kaso sa ilalim ng Republic Act No. 6657 sa loob ng dalawang taon matapos na ito
ay maisabatas.
Ang mga
kalatas, boluntaryong alok para magbenta ng lupain at iba pang mga kasong
nakabinbin ng dalawang taon na hindi naresolba ng kagawaran ay papayagang
maresolusyonan ito kahit pa lumampas na ang dalawang taon.
Ipinaliwanag
ni Dinagat Island Rep Kaka Bag-ao sa kanyang sponsorship remarks para sa House
Bill 3051 na mandato ng estado na magpatupad ng mga programang pang-agraryo na
nagsusulong ng mga karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa
bukid na walang sariling lupa, na magkaroon o magmay-ari ng pangsarili o
pangmaramihan, ng mga lupang kanilang nililinang o sinasaka; at sa kaso ng mga
manggagawa, ay magkaroon sila ng ka-bahagi ng kanilang ani, na malinaw na
nakasaad sa Article XIII, Section 4 ng 1987 Constitution.
Idinagdag
pa ng mambabatas na para maipatupad ang isang makatarungang mandato ay naging
ganap na batas ang Comprehensive Agrarian Reform Law or the CARL noong taong
1988.
Sa panig
ni AKBAYAN Party-list Rep Tom Villarin, isa sa mga may akda ng HB 3051,
nanawagan siya sa komite para matiyak na maging ganap na batas na ang land
acquisition and distribution na bahagi ng CARPER dahil inalisan umano ng
karapatan ang mga magsasaka sa mga lupaing kanilang sinasaka.
Ayon pa
kay Villarin, tiwala umano siya na ang DAR at ang mga magsasaka ay magkakaroon
na ng kumpletong CARP sa loob ng anim na taong termino ni Pangulong Rodrigo
Duterte.
Idinagdag
pa nito na naghintay na umano ng napakahabang panahon ang mga tao kaya’t ang
mga magsasaka at kanilang pamilya ay dapat nang makinabang sa programa.
Sumang-ayon
naman si Camarines Sur Rep Gabriel Bordado sa posisyon nina Bag-ao at Villarin
para sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka na walang sakahang lupain.
<< Home