* Amnestiya para sa estate tax, aprubado na sa Kongreso
Inaasahang
makakakolekta ng mataas na buwis ang pamahalaan sa estate tax kapag naisabatas
ang dalawang panukala sa Kongreso na naglalayong magkaloob ng amnestiya at
pagbaba sa halaga ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Naniniwala din ang mambabatas na kung maibababa
ang halaga ng buwis ay darami ang mga magbabayad at sa kalaunan, ito rin ay
magreresulta ng mas mataas na revenue dahil ang mga pag-aari na ito ay
magagamit na pang komersyo, kung saan anumang business transactions ay
makakadagdag sa buwis.
Inaprubahan
ng House committee on ways and means sa pamumuno ni Quirino Rep. Dakila Carlo
E. Cua ang House Bill 1889 na iniakda ni Iloilo Rep. Arthur R. Defensor at HB
3010 na panukala naman ni Deputy Speaker Romero Quimbo.
Sinabi ni
Quimbo na katulad ng kay Defensor, gagamitin ng kanyang panukala bilang
mekanismo ang tax amnesty sa estate tax para makalikha ng malaking buwis para
sa pamahalaan.
Ang
estate tax ay isang buwis na binabayaran sa gobyerno upang maisalin ang lupang
pag-aari ng isang pumanaw tungo sa mga tagapagmana nito.
Ayon kay
Quimbo, sa kabuuang buwis na nakokolekta ng BIR, maliit lang na bahagi ang
nanggagaling sa estate taxes, sa katunayan aniya, sa taong 2013 meron lang 28,
634 ang narehistrong estate tax payers samantalang batay sa datos ng Philippine
Statistics Office (PSA), may kabuuang 531,280 ang pumanaw sa nasabing taon.
Idinagdag
pa ng mambabatas na pagkatapos ibawas ang mga narehistrong estate taxpayers sa
kabuuang bilang ng mga pumanaw noong 2013, lumalabas sa datos na 94 porsyento
ang hindi nagfile ng kaukulang estate tax return at kahit na ang isang estate
ay exempted o libre ay nangangailangan din ang pagpafile ng estate tax return
ayon sa National Internal Revenue Code (NIRC).
Sinabi ng
niya na kung pagbabasehan ang numero ng mga pumanaw sa nasabing taon at ang
nakapagfile ng estate tax, na dapat maisagawa sa loob ng 120 na araw, tanging
7.2 porsyento lamang ang nagfile ng estate tax sa BIR.
Ayon naman
kay Defensor, layunin ng kanyang panukala na hindi lang amnesty, kundi palitan
ang kasalukuyang tax base para sa estate taxes dahil sa taas ng singil.
<< Home