* Menor de edad, hindi sakop sa parusang kamatayan
Maingat
na tinatalakay ngayon ng Kamara ang usapin hinggil sa pagbababa ng edad ng
isang inaakusahang kriminal sa siyam na taong gulang mula sa labinlimang taong
gulang matapos na ihain ni Speaker Pantaleon Alvarez ang panukala na
naglalayong amyemdahan ang “Juvenile Justice and Welfare Act of 2006” o
Republic Act 9344.
Nilinaw
ni Speaker Alvarez na hindi ipapataw ang parusang kamatayan sa mga menor de
edad kahit pa mapagtibay ang panukalang nagbababa ng edad sa criminal
responsibility ng isang akusado. Kasabay nito ay tinatalakay din ang pagbabalik
ng parusang kamatayan na siya rin ang pangunahing may-akda subali’t magkahiwalay
aniya ang layunin ng dalawang panukala. Sa pagpapababa ng edad ng criminal
responsibility sa siyam na taong gulang mula sa kasalukuyang 15 anyos, hangad
lamang nito na maitanim sa isipan ng mga menor de edad na mayroon na silang
pananagutan sa batas bukod sa obligasyon at responsibilidad sa lipunan.
“Dadaan
sila sa proseso ng rehabilitasyon para itanim sa kanilang isipan na meron silang
obligasyon at responsibilidad sa lipunan at hindi rin isasama sa mga talamak na
kriminal ang mga menor de edad na papanagutin sa batas kapag nahatulan na ng
korte”, ayon kay Alvarez.
Bilang
ama ay nangangamba rin si Speaker Alvarez para sa mga kabataan dahil ginagamit
na kasabwat ng mga sindikato ang mga menor de edad lalo na sa drug trafficking
dahil sa umiiral na batas na hindi maaaring papanagutin sa krimen ang mga menor
de edad. “Ito na marahil ang tamang panahon para maging crime at drug-free ang
buong bansa upang maging maganda ang kinabukasan ng susunod pang henerasyon,” dagdag
pa ni Alvarez.
Sa
kanyang panig, sinabi ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na pabor siya sa
pagpapataw ng parusang kamatayan sa isang nahatulan ng karumal-dumal na krimen
lalo na ang may kaugnayan sa droga. Matapos na maihayag sa mga imbestigasyon ng
Kamara ang New Bilibid drug trade ay naghain din si Muntinlupa Rep. Ruffy
Biazon ng panukala na magbabalik ng capital punishment sa mga kriminal dahil
patuloy pa rin ang mga convicted drug lords sa kanilang illegal business kahit
na nasa loob pa sila ng bilangguan.
<< Home