* Imprastraktura sa kanayunan, prayorid ng House
Isinusulong
ng maraming mambabatas sa Kamara ang pagtatatag ng mga tanggapan ng engineering
district partikular na sa rehiyon ng Mindanao dahil ang kakulangan nito ang
nagpapabagal sa pagtatayo ng mga imprastraktura na siyang kaakibat ng kaunlaran
sa bansa.
Sa
pamumuno ni Zamboanga City Rep Celso Lobregat bilang chairman ng House
committee on public works and highways, ang mga inaprubahang panukala ay ang
House Bill 364 na akda ni Compostela Valley Rep Ma. Carmen Zamora na magtatayo
ng second district engineering
office
sa Compostela Valley; HB 640 ni Camarines Norte Rep Renato Unico, para sa first
district engineering office ng Camarines Norte; ang HB 1188 na akda ni Lanao
del Norte Rep Mohamad Khalid Dimaporo na gagawing dalawang regular district ang
dating Lanao del Norte engineering office; at ang HB 2052 ni Zamboanga del
Norte Rep Isagani Amatong na magkakaroon naman ng fourth district engineering office
sa bayan ng Siocon, Zamboanga del Norte.
Layunin
ng mga panukala na magtatag ng pitong bagong tanggapan sa iba’t-ibang panig ng
bansa matapos aprubahan sa ang mga panukala ng mga kongresista upang maiayos
ang mga pampublikong imprastruktura sa kanilang mga nasasakupan.
Kasama
din ang House Bill ni Cotabato Rep Jose Tejada para sa third district
engineering office; HB 2438 ni Sorsogon Rep Deogracias Ramos para sa Sorsogon
second district engineering office; at ang HB 2552 ni Bukidnon Rep Rogelio Neil
Roque para naman sa fourth district engineering office ng Bukidnon.
Ang
mga nasabing panukala ay dadaan sa committee on appropriations para mapag-aralan
ang mga probisyong nakasulat tungkol sa paglalaan ng pondo para sa mga gagawing
bagong posisyon.
Sinabi
ni Unico na nararapat nang magdagdag ng isa pang engineering district office sa
kanyang lalawigan dahil hindi na kayang tugunan pa ang mga proyektong imprastraktura
ng tanging engineering district office. Sinabi pa ni Unico na dahil malimit
daanan ng bagyo ang Region 5 o Bicol region ang madalas na pag-ulan ang
sumisira sa mga kalsada.
Sinabi
naman ni Zamora na para mabawasan ang mga maling paggawa sa mga imprastraktura
at iba pang proyekto sa kanilang lugar, kailangan din nilang magkaroon ng isa
pang tanggapan para sa lalawigan ng Compostela.
Para
naman kay Dimaporo ang kasalukuyang second engineering district office sa Lanao
del Norte ay hindi sapat ang tauhan para tugunan ang malaking pangangailangan
ng dalawang distrito sa lalawigan na nagdudulot ng pagkabalam ng mga proyekto
na nakakaapekto sa kaunlaran ng kanyang lalawigan.
<< Home