-IMPLEMENTASYON NG MGA BATAS SA ARCHITECTURE AT INTERIOR DESIGN, SINIYASAT NG KOMITE
Sinimulan na ang pagsisiyasat ng Special Committee on Creative Industry sa Kamara de Representantes kahapon hinggil sa kalagayan ng implementasyon ng Republic Act 9266 o ang Architecture Act of 2004, RA 10350 o ang Philippine Interior Design Act of 2012, kabilang na ang ilang mga batas na may kaugnayan sa propesyunalismo ng pagdidisenyo.
Sinabi ni Pangasinan Rep. Christopher de Venecia, Chairman ng Komite at may akda ng House Resolution 1668 kung saan ibinatay ang pagsisiyasat, ang kahalagahan ng pagsusuri kung gaano at umaayon ang mga kasalukuyang batas sa bansa hinggil dito.
Ipinaliwanag ni de Venecia na ang pagsusuri sa kalagayan ng industriya ay makakatulong sa mga propesyunal na mapaunlad ang malawak na pagdidisenyo, at umangkat ng mga kalidad na materyales na angkop sa mga pangangailangan ng mga Pilipino, lalo na sa gitna ng pandemya, na hindi mailalagay sa alanganin ang pangangalaga ng mga makasaysayang lugar.
Dahil dito, iminungkahi ni De Venecia na talakayin din ng Komite ang mga huling kaganapan sa implementasyon ng National Building Code of the Philippines, Government Procurement Reform Act, at ang Natural Cultural Heritage Act.