-MAHUSAY NA PAGBABAKUNA SA ILALIM NG COVID-19 VACCINATION PROGRAM, TINIYAK NG MGA MAMBABATAS
Sa idinaos na pagpupulong kahapon ng Department of Health (DOH) at National Task Force Against COVID-19 na pinangunahan ng Committee on Trade and Industry at ng Committee on Health, tinalakay ng mga mambabatas ang kalagayan ng implementasyon ng Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.
Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Navotas City Rep. John Reynald Tiangco, chairman ng House Commttee on Trade and Industry na ang pagpupulong ay naglalayong linawin ang mga sumusunod: 1) mga responsibilidad ng bawat ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan at mga pribadong indibiduwal; 2) mga itinakdang panahon para sa pagbili ng mga bakuna at ang pagbabakuna; at 3) pagtukoy sa mga prayoridad na talaan kabilang na ang pagtitiyak sa kalinawan sa pagbili ng bakuna.
Samantala, binigyang-diin naman ni Quezon Rep. Angelina Tan ng Committe on Health na kailangang tutukan ng Kapulungan ang pagtitiyak ng malawakan at mabilisang implementsayon sa programa, pagsusulong ng pinaigting na pagsusuri ng risk-based COVID-19, gayundin ang pagpapaunlad ng mga pasilidad sa isolation at quarantine.
Iniulat ni Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na umaabot na sa 1,562,563 doses ng bakuna ang naiturok na hanggang ika-20 ng Abril 2021, na naglagay sa Pilipinas sa ikaapat na bansa sa Timog Silangang Asya sa vaccination rollout.
Idinagdag ni Galvez na ang pondo sa bakuna na nagkakahalaga ng P82.5-bilyon para sa 2021 ay nagmula sa mga utang sa multinational financial institutions, mga pondong natipid, mga pondong inilaan ng DOH, at pondo mula sa Bayanihan 2.
Tiniyak ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa mga mambabatas na dinagdagan ng pamahalaan ang mga tauhan sa kalusugan at mahigpit na nakikipag-ugnayan sa pribadong sektor upang maiayos ang pagka-episyente ng mga lugar ng pagbabakunahan, lalo na sa inaasahang pagdating ng mas maraming bakuna sa buwan ng Hunyo.
Binigyang-diin din ni Tiangco ang kahalagahan ng pribadong sektor, hindi lamang sa pagtulong sa programa, kundi maging sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa.
Para kay Food and Drug Administration Director General Eric Domingo, binanggit niya na anim na bakuna ang ginawaran na ng Emergency Use Authorization, ito ay ang BioNTech, AstraZeneca, Sputnik V, Coronavac, Covaxin at Janssen.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
<< Home