Monday, August 31, 2020

-Designated successor bill, binawi na sa Kamara

Binawi ni Quezon City Rep Precious Hipolito Castelo ang inihain nitong panukalang batas na magtatakda ng kaniyang successor mula sa gabinete na papalit sa kaniyang puwesto.


Layon ng panukala ni Castelo na pangalanan ng Pangulo ang hahalili sa kaniyang puwesto sakaling hindi kayang gampanan ang apat na consitutional successor.


Sa kaniyang liham kay House Secretary General Jose Luis Montales, buong galang nitong binabawi ang House Bill No. 4062 na inihain ni Castelo Aug. 20, 2019 na ngayon ay hindi pa natatalakay sa committee level.


Rason ni Castelo, binawi nito ang panukala para maiwasan na magkaroon ng masamang impresyon na binabalewala nito ang constitutional line of succession sa pagka-pangulo.


Batay sa konstitusyon, ang Bise Presidente ang next inline sa succession na susundan ng Senate President, House Speaker, Chief Justice bago ang mga gabinete.

-Hinimok ng isang mambabatas ang DOH na huwag gumamit ng rapid anti-body test para sa Covid-19

Nanawagan si Cagayan de Oro City Rep Rufus Rodriguez sa  Department of Health (DOH) na huwag nang gumamit ng rapid anti-body test para sa Covid-19.


Ayon kay Rodriguez, inaccurate ito dahil antibodies lamang ang nadedetect ng rapid test at hindi mismo ang presensya ng virus sa katawan ng tao at banned aniya ito sa maraming bansa tulad ng Australia, Dubai at India.


Sa halip, inihain naman ni Rodriguez ang House Resolution No. 1146 para ipromote ang paggamit ng polymerase chain reaction (RT-PCR) swab test bilang 'gold standard' para sa covid test sa bansa.


Giit pa ni Rodriguez, ang virus mismo ang nadedetect ng RT-PCR test kaya mas tiyak aniya ang resulta nito.


Sa kabila ng inaccuracy ng rapid test, nababahala si Rodriguez na maraming business establishments ang gumagamit ng rapid test para masuri ang mga empleyado nitong magbabalik sa trabaho.

-Philhealth Senior Manager Rogelio Pocallan, nakalabas na matapos ipacontempt sa kamara

Kinumpirma ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na nakalabas na sa bakuran ng House of Representatives si Philhealth Internal Legal Affairs Department Senior Manager Rogelio Pocallan.


Ayon kay Defensor, alas 8:06 ng umaga kahapon ng palayain si Atty. Pocallan mula mahigit tatlong araw na pagkakadetine sa loob ng Batasang Pambansa.


Magugunita na pinacontempt si Pocallan ni Cavite Rep Elpidio Barzaga Jr. matapos igiit nitong huli na ang Philhealth bilang isanf quasi judicial body ay otorisadong baliktarin ang isang judicial decision.


Nag-ugat ito nang baliin ng Philhealth ang desisyon nito na patawan ng 3-month suspension ang Our Lady of Perpetual Succor Hospital na pinagtibay ng Court of Appeals o CA sa halip ay nagpasa ang state insurance company ng memorandum para pagbayarin nalamang ng multa ang nasabing ospital sa halip na suspendehin.


Sa Philhealth hearing noong nakaraang  linggo, nanindigan si Atty. Pocallan na legally justified ang hakbang Philhealth kahit na 'final and executory' ang desisyon ng CA sa suspension order laban sa Perpetual Succor.

-Paghalik ng Pangulo sa lupang pinangyarihan ng Jolo twin bombings, may malaking mensahe ayon sa lider ng Kamara

Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na may malaking mensahe ang paghalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mismong blast site ng naganap na kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu.


Ayon kay Speaker Cayetano, larawan ito ng nagluluksang Ama ng Bansa dahil sa kagimbal-gimbal na insidenteng kumitil sa buhay at sumugat sa mga sundalo at sibilyan.


Giit pa ng lider ng Kamara na ang pagmamahal ng Pangulo sa mga Pilipino ang siyang dahilan kung kaya mahal na mahal ito ng taumbayan.


Nagpasalamat naman ang mambabatas sa ipinakitang malasakit ng Pangulo na ayon sa kanya ay isang larawan ng totoong liderato lalo na ngayong panahon ng krisis.

Thursday, August 27, 2020

-Distribusyon ng SAP sa gitna ng pandemya, patuloy na ini-imbestigan sa Kamara

Ipinagpatuloy ng Committee on Good Government and Public Accountability sa Kamara ang masusing imbestigasyon sa umanoý anomalya sa distribusyon ng pondo ng Social Amelioration Program (SAP) na ipinamahagi ng pamahalaan sa panahon ng COVID-19 pandemic.


Ipinahayag ni Camarines Sur Rep LRay Villafuerte na layon ng imbestigasyon na maiwasan na sa hinaharap ang mga anomalya na maaaring maulit, gayundin ay para mapag-aralan kung papaano mapapabilis ang pamamahagi ng ayuda sakaling dumating muli ang anumang pandemya.


Sinabi ni DSWD Undersecretary Aimee Torrefranca-Neri na naisaayos na ng kanilang ahensya ang talaan ng pamamahagi at mas modernong financial integration para sa mga benepisaryo ng SAP.


Samantala, nanawagan si Committee Chairman Jonathan Sy- Alvarado sa DSWD na ayusin din ang kanilang hotline service upang epektibo itong makatugon sa mga pangangailangan at panawagan ng mga benepisaryo.


Habang isinasagawa ang imbestigasyon sa Kamara, sinubukang tawagan ni Villafuerte ang hotline number ng DSWD na kanilang ibinigay sa Komite subalit kagyat nilang nadiskubre na walang sumasagot sa telepono.

-Pasado na sa Kamara ang mga panukalang tree planting, pensiyon sa mga beterano at paglalagay ng blood type sa mga ID

Hinihikayat sa Kamara de Representantes ang bawat pamilyang Pilipino na makilahok sa pangangalaga ng kalikasan sa gitna ng pandemya sanhi ng COVID-19.


Ito ay sa pamamagitan ng isang panukalang batas na kakapasa pa lamang sa ikatlo huling pagbasa, ang HB06930 o ang “Family Tree Planting Act.”


Nagkakaisang ipinasa ng mga mambabatas sa plenaryo ang panukala na iniakda ni Parañaque City Rep Eric Olivarez.


Layunin ng panukala na atasan ang mga magulang na magtanim ng dalawang puno sa bawat ipapanganak na sanggol sa kanilang pamilya.


Kaugnay nito, ipinasa rin ang HB06931 o ang “Graduation Legacy for Reforestation Act,” na iniakda ni Magdalo partylist Rep Manuel Cabochan III na may layuning atasan ang lahat na graduating high school at college students na magtanim ng dalawang puno bawat isa bilang isang makabayang tungkulin para sa proteksyon at pangangalaga ng kalikasan.


Samantala, ipinasa rin ng mga mambabatas ang HB07302 na iniakda ni Muntinglupa City Rep Rozzano Rufino Biazon na naglalayong patibayin ang disability pension ng mga beterano.


Gayundin ang HB07320 na iniakda ni Diwa partylist Rep Michael Edgar Aglipay na nag-aatas sa lahat na ahensya ng pamahalaan na ilagay ang tipo ng dugo o blood type ng bawat indibidwal sa lahat ng ligal na dokumento tulad ng Identification Cards, Certificates at mga lisinsiya.

Wednesday, August 26, 2020

-Paghahanda ng mga atletang Pilipino sa 2021 Tokyo Olympics, iniulat sa Kamara

Ipinahayag ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng Philippine Sports Commission (PSC) sa isang pagdinig sa Kamara na isinagawa na ang paghahanda ng mga manlalaro at atletang Pilipino na lalahok sa Tokyo Olympics na naudlot dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.


Iniulat ni POC Chief of Mission for Tokyo Olympics Mariano Araneta Jr. kay Committee on Youth and Sports Development Chairman Rep Eric Martinez na ang bansa ay may kabuuang 86 na manlalaro.


Apat na atleta ay kwalipikado nang lumahok sa Tokyo Olympics at ang natitirang 82 ay naghihintay na lamang ng pagpayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa muling pagpapatuloy ng pagsasanay na kakailanganin sa international multi-sport event.


Tinatayang matutuloy na ang Tokyo Olympics sa buwan ng Hulyo taong 2021 ayon sa mga nag-organisa ng palaro mula sa Tokyo at ng International Olympic Committee (IOC).


Inaprubahan din sa nabanggit na Komite ang HB04594 na iniakda ni Rep Lucy Torres-Gomez na naglalayong magtatatag ng mga programa sa larangan ng palakasan para sa mga kabataan hanggang kanayunan na ipapatupad ng mga lokal na pamahalaan.


Samantala, inaprubahan din sa Komite ang HB06339 o ang “Young Agriprenuers Act of 2020” na iniakda ni Rep Sharee Ann Tan, na maghihikayat sa mga kabataang Pilipino na lumahok sa agrikultura at pagni-negosyo.

Tuesday, August 25, 2020

-2021 panukalang badyet ng Malakanyang, tinanggap na ng Kamara

Tinanggap ni House Speaker Alan Peter Cayetano, sa ngalan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon mula kay Budget Secretary Wendel Avisado ang panukalang Fiscal Year 2021 National Expenditure Program (NEP).

Ang panukala ay naglalaman ng P4.506 Trilyon taunang pondo para sa susunod na taon na mas mataas ng 9.9% kesa sa kasalukuyang pondo para sa taong 2020 na P4.1 Trilyon.


Sinabi ni Avisado, ang 2021 na pondo ay may temang “Reset, Rebound, and Recover, Investing for Resiliency and Sustainability,” na nakatuon sa epektibong paggasta ng pamahalaan para sa pagpapaunlad ng sistema sa kalusugan, pagtiyak sa seguridad ng pagkain, pagtatatag ng mga trabaho para sa mahihirap, pamumuhunan sa mga proyektong pangkabuhayan, pagtutok sa mga makabagong teknolohiya at pagpapaunlad ng ekonomiya sa panahon ng kahirapang idinulot ng pandemya.


Binigyang-diin naman ni Speaker Cayetano sa kangyang acceptance speech na ang 2021 budget ay mangangahulugan ng “bigger Bayanihan and bigger sign of unity.”


Sinabi ng lider ng Kapulungan na kanilang ipamamalas sa ating mga mamamayan na maaari silang maging proactive at makapaglalatag sila ng pundasyon para sa susunod na adminsitrasyon at matapos ang pandemyang idinulot sa atin ng COVID-19.”


Idinagdag pa niya na tatapusin ng Kamara ang deliberasyon sa budget bago matapos ang buwan ng Setyembre.


Medyo ambisyoso ang pagtayang ito, dagdag pa niya, subalit naniniwala daw siya sa pagkakaisa ng bansa, at umaasa na agad nila itong maipapadala sa Senado upang pinal na malagdaan sa buwan ng Nobyembre.


Ayon pa sa Speaker, mahahalagang imprastraktura ang nilalaman ng budget tulad ng mass transportation, digital, pangkalusugan, turismo at agrikultura.


Tiniyak din ni Cayetano na mamanmanang mabuti ng mga mababatas ang pondo laban sa korapsyon at katiwalian.


Samantala, umaasa naman si Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na ang panukalang pondo ay makatutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan, makakapag-paangat ng kabuhayan ng mga mahihirap at makakapamahagi ng kinakailangang imprastraktura upang makaahon ang bansa sa kahirapan.


Nanindigan naman ang Chairman ng Committee on Appropriations sa Kamara na si Rep Eric Yap na bubusisiin nilang maigi ang budget upang matiyak na pakikinabangan ito ng husto ng taumbayan.


Ayon pa kay Yap, layunin nila sa budget na ito na mapatatag ang ating ekonomiya at patuloy na mapaunlad pa ito habang nilalabanan natin ang pandemya.


Idinagdag pa ni Yap na tinatiyak nila na umpisa sa araw na ito ay magtatrabaho sila para sa budget bilang mga tunay na public servants.

-Prangkisa para sa renewal ng pangatlong telco player na Dito, lusot na sa Kamara

Inaprubahan na sa pangatlo at pinal na pagbasa sa Kamara de Representantes ang franchise renewal ng Mindanao Islamic Telephonene Company, Inc. o ang Dito Telecommunity Corporation, ang pangatlong tele-communications o telco player sa bansa.


Sa boto na 240-7 at walang abstention, binigyan ng 25 taon pa ng House ang Dito Telecommunity na makapag-operate.


Ang HB07332 na magbibigay sa Dito ng 25 taong prangkisa ay magbabawal sa grantee ng leasing, transfering, selling o ang pag-aasign ng franchise o ang controlling interest nito na walang prior na pahintulot ng Kongreso.


Ang Dito ay pinamunuan ng negosyanteng si Dannis Uy, isang kilalang taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

-Sabwatan ng Philhealth at CIvil Service Commision lumutang sa pagdinig sa Kamara

Tahasang inamin ni Civil Service Commissioner Aileen Lizada na mayroong sabwatan sa pagitan ng PhilHealth at ng Civil Service Commission (CSC). 


Sa joint hearing ng House Committees on Public Accounts at Good Government at Public Accountability, ibinulgar ni Lizada na mayroong basbas mula kay CSC Chairperson Alicia Dela Rosa-Bala na walang magbibigay ng impormasyon kaugnay sa mga kaso ng PhilHealth na nakarecord sa komisyon. 


Ayon kay Lizada, matapos na lumabas ang memorandum ng Pangulo patungkol sa PhilHealth ay agad silang nagpulong at doon sinabi ni Chairperson Bala na huwag maglalabas ng kahit anong impormasyon tungkol sa PhilHealth cases sa kahit anong uri ng imbestigasyon. 


Sibabi ng opisyal na nakarecord din aniya ang statement na iyon ni Bala sa kanilang pulong pero ipinatanggal naman sa minutes ng kanilang meeting ang naging pahayag ng Chairman ngunit agad niya inutos na itama ang minutes of the meeting na ito kung saan ipinatatala ang mismong guidance o utos ni Bala na mariin namang pinabulaanan ni CSC Asst. Commissioner Ariel Ronquillo.


Ngunit agad namang kinontra ni Lizada ang pagtanggi ni Ronquillo at iginiit nito na kaharap mismo ni Chairman Bala si Ronquillo habang sinasabi ang utos nito.


Sa huli ay nanindigan si Lizada na nakahanda siyang patunayan ang kanyang mga ibinunyag sa mga kongresista dahil ito aniya ang katotohanan. 


Sa ngayon ay nasa 19 na PhilHealth related cases ang nakabinbin ngayon sa CSC na karamihan ay mga kasong administratibo.

Monday, August 24, 2020

-Bicam report sa Bayanihan 2, ratipikado na ng Kamara

Niratipikahan na Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon ang bicameral conference report sa House Bill 6953 at Senate Bill 1564 o ang “Bayanihan to Recover as One Act.”


Ang emrolled form ng panukala ay ipadadala na sa Malacanang upang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para maging ganap na na batas.


Sa ilalim ng panukala, popondohan ng pamahalaan ang nasabing batas ng halagang P165.5 Bilyon bilang subsidiya para sa pag-ahon ng bansa sa ekonomiya na lubhang naapektuhan ng pandemya sanhi ng COVID-19.


Ayon kay Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte Jr., isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, bagamat limitado lamang ang pondong inilaan sa Bayanihan 2 ay magkakaroon ito ng ginhawang epekto sa ekonomiya dahil sa karagdagang pondo sa COVID-19 tests, programang cash-for-work, pagpapabalik at pagbibigay suporta sa mga OFWs, subsidiya sa transportasyon, turismo, ayuda sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs), kasama na rito ang agrikultura, at ang sektor ng mga mahihirap.


Higit sa lahat, mapopondohan na rin ang karagdagang benepisyo para sa mga publiko at pribadong manggagawa sa sektor ng kalusugan, gayundin ang ating mga guro.

-Pagtatag ng OFW sovereign fund, inaprubahan na sa gitna ng pandemya

Ang House Bill 530 na iniakda ni Rep Joseph Stephen Paduano ng ABANG LINGKOD partylist na naglalayong buuin ang Overseas Filipino Workers (OFW) Sovereign Fund ay inaprubahan na ng Committee on Overseas Workers Affairs sa Kamara na pinamumunuan ni TUCP partylist Rep Democrito Mendoza.


Ayon kay Paduano, hinihikayat ng panukala ang lahat ng OFWs na ilaan ang bahagi ng kanilang kita sa pamahalaan sa pamamagitan ng remittance upang mabuo bilang pondo sa ilalim ng special fund na tatawaging OFW Sovereign Fund.


Layunin ng panukala na tulungan ang mga OFWs na makapag-impok ng bahagi ng kanilang kita lalo na sa panahon ng pandemya at upang makatulong na rin sa bansa dahil ang bahagi ng pondo ay ilalaan sa mga mahahalagang proyekto at programa ng gobyerno sa kapakinabangan ng mga OFWs.


Magiging bahagi ng “OFW Sovereign Fund Act” ang   lahat ng OFWs at mga dating OFWs, maging land-based and sea-based, at mga miyembro ng kanilang pamilya tulad ng magulang, asawa at mga anak.


Samantala, sa usapin ng mga OFW repatriation, iniulat ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Sarah Ariola sa Komite na umaabot na sa 146,360 ang mga OFWs na napabalik na sa bansa hanggang ika-23 ng Agosto, 2020.

-Hindi na pagbabayarin ng Meralco ang mga lifeline consumer sa harap ng pandemya

Tiniyak ni Meralco President at CEO Ray Espinosa sa Committee on Good Government and Public Accountability sa pagdinig nito na hindi na nila pagbabayarin ang mga lifeline consumers na kumukunsumo ng hindi lalagpas sa 100 kilowatt per hour kada buwan bilang pagtalima sa panawagan ni Speaker Alan Peter Cayetano sa mga nakaraang pagdinig na isinasagawa sa Kongreso para sa may 2.77 milyong kabahayan sa bansa.

Ang isinagawang pagdinig ay bilang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Komite na pinamumunuan ni Bulacan Rep Jose Antonio Sy-Alvarado hinggil sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng kuryente at madalas na pagkawala ng ilaw sa panahon ng pandemya dulot ng COVID-19, lalo na noong idineklara ng pamahalaan sa bansa ang enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ).


Dahil sa masigasig na pagtatrabaho ng Kongreso ay hindi na rin magpuputol ang Meralco ng koneksyon ng kuryente mula ika-30 ng Setyembre hanggang ika-31 ng Oktubre, 2020 upang bigyan pa ng panahon ang mga consumer na mabayaran ang kanilang konsumo noong mga nakalipas na buwan.

-Ayuda para sa micro, small at medium enterprises, inaprubahan na sa Komite sa Kamara

Aprubado na sa Committee on Ways and Means sa Kamara ang panukalang Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE) na naglalayong mamahagi ng ayuda na nagkakahalaga ng P55 Bilyong pondo ang mga government financial institutions para sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).


Ang mga MSME ay ang lubhang naapektuhan ng pandemya sanhi ng COVID-19.


Sinabi ni Quirino Rep Junie Cua, pangunahing may-akda ng panukala, na mas maiging magsabatas ang Kongreso na may layuning makabubuti sa MSMEs kesa sa maghintay na lamang ng tamang panahon para makaahon ang maliliit na negosyo.


Idinagdag pa ni Cua na nakahanda siya sa anumang debate sa plenaryo sakaling talakayin na ang mga usapin hinggil sa ayuda sa mga kalakalan upang matugunan ang usapin ng ekonomiya.


Samantala, aprubado rin ang substitute bills na naglalayong patatagin ang Commission on Higher Education (CHED), ang Philippine High School for the Arts System Act at ang General Tax Amnesty Act.

Sunday, August 23, 2020

-Passport act, aamiyendahan sa gitna ng pandemya

Inaprubahan na Committee on Foreign Affairs ng Kamara na pinamumunuan ni Zamboanga Sibugay Rep Ann Hofer ang substitute bill na mag-aamiyenda sa Republic Act 8239 o ang Philippine Passport Act of 1996, na naglalayong pangalagaan ang mga karapatan ng mga Pilipino sa malayang paglalakbay kahit pa nasa gitna ng pandemya ang ating bansa.

Layon ng panukala na limitahan ang mga pangangailangan para sa aplikasyon at pag-iisyu ng pasaporte at iba pang dokumento sa paglalakbay.


Igagarantiya rin ng panukala ang 32 porsyentong diskwento sa bayad para sa mga senior citizen at hindi na rin nila kakailanganin pa ang personal appearance para makapag renew ng pasaporte.


Ang ibang aplikante naman ay kailangan ng personal appearance at dapat na magsumite ng iba pang mga dokumento, ngunit ito ay ginawang simple na lamang bilang pagsunod sa pandaigdigang pamantayan at kahalintulad na mga lokal na batas. Passpost act, aamiyendahan sa gitna ng pandemya


Inaprubahan na Committee on Foreign Affairs ng Kamara na pinamumunuan ni Zamboanga Sibugay Rep Ann Hofer ang substitute bill na mag-aamiyenda sa Republic Act 8239 o ang Philippine Passport Act of 1996, na naglalayong pangalagaan ang mga karapatan ng mga Pilipino sa malayang paglalakbay kahit pa nasa gitna ng pandemya ang ating bansa.


Layon ng panukala na limitahan ang mga pangangailangan para sa aplikasyon at pag-iisyu ng pasaporte at iba pang dokumento sa paglalakbay.


Igagarantiya rin ng panukala ang 32 porsyentong diskwento sa bayad para sa mga senior citizen at hindi na rin nila kakailanganin pa ang personal appearance para makapag renew ng pasaporte.


Ang ibang aplikante naman ay kailangan ng personal appearance at dapat na magsumite ng iba pang mga dokumento, ngunit ito ay ginawang simple na lamang bilang pagsunod sa pandaigdigang pamantayan at kahalintulad na mga lokal na batas.

-Mga poste at kable, aayusin para sa kaligtasan ng publiko sa harap ng COVID-19

Inaprubahan na joint committees on Energy at ng Information and Communications Technology sa Kamara ang mga panukala na naglalayong atasan ang mga public utility providers na isaayos ang lahat ng mga poste at kable at ang maayos na pagmamantine ng mga ito para sa kaligtasan ng publiko lalo na sa panahon ng pandemya.

Iilang mga inihaing panukala ang tinalakay ng pinagsanib na hearing at kabilang dito ang House Bills 515, 646, 3960, 4222 at 5848.


Sinabi ni Baguio City Rep Mark Go, may akda ng HB 4222, nakakaalarma na ang mga nakalawit at sala-salabat na mga kable ng kuryente at mga nakatagilid na poste sa ibat ibang bahagi ng bansa, na bukod sa nakakasira ng tanawin ay nagudulot pa ito ng pangamba dahil sa panganib sa mga mamamayan na anumang sandali ay maaaring maging dahilan ng sakuna at sunog.


Dahil dito, nais pag-isahin ng magkasanib na komite ang mga probisyon ng mga nasabing panukala sa isang substitute bill at iulat na sa plenaryo.

-Underspending sa industriya ng asukal sa panahon ng pandemya, inimbistigahan

Kinuwestyon sa House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep Wilfrido Mark Enverga ang usapin hinggil sa mababang paggasta at underspending sa pondo ng tanggapan ng Sugar Regulatory Administration o SRA sa panahon ng pandemyang sanhi ng COVID-19.

Ang imbestigasyon sa SRA ay batay sa House Resolution 225 na inihain ni Deputy Speaker Deogracias Victor Savellano.


Ayon sa resolusyon, isinabatas ang Republic Act 10659 o ang Sugarcane Industry Development Act (SIDA) noong 2015 at pinondohan ang industriya ng asukal ng P2 bilyon.


Ngunit ang taunang pondo ng SRA ay bumaba ng P67 milyon sa kasalukuyang taong 2020 dahil sa underspending.


Ang hindi maayos na paggamit sa pondo ay labis na nakakaapekto sa produksyon at kakayahan ng industriya ng asukal sa bansa.


Dahil dito, nais ng mga mambabatas na magsagawa ng masusing pag-aaral sa ipinaiiral na Implementing Rules and Regulations (IRR) ng SIDA sa Technical Working Group (TWG) upang maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka ng asukal at mga manggagawa sa bukid sa pamamagitan ng inilaang pondo.


Ang salaping pondo ay napakahalaga para sa food security ng bansa sa harap ng kasalukuyang krisis sa pangakalusugan dulot ng COVID-19.


Samantala, inaprubahan sa naturang Komite ang House Bill 4626 na inihain  ni Bataan Rep Geraldine Roman na naglalayong magtatatag sa Dinalupihan Rice Development Center.

Thursday, August 20, 2020

-Eddie Garcia bill, aprubado na sa committe level ng Kamara

Lusot na sa House Committee on Labor Standards ang Eddie Garcia Bill o ang panukala na naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula, telebisyon at radyo sa bansa.

Pumasa ang substitute bill ng panukala matapos itong dumaan sa masusing deliberasyon at mga amiyenda na ibinatay din mula sa ibat-ibang panukala na inihain ng mga mambabatas kaugnay sa usapin.

Partikular ang HB 6157 na iniakda ni Pangasinan Rep. Christopher de Venecia bilang working measure sa inaprubahang substitute bill.

Kabilang sa mg probisyong nakapaloob dito ang hinggil sa oras ng pagtatrabaho at kondisyon ng mga manggagawa sa industriya na menor de edad at mga senior citizen.

Ang aprubadong Eddice Garcia Bill ay dadalhin na sa mother committee sa Kamara na pinamumunuan ni 1-Pacman partylist Rep Enrico Pineda para ipasa sa pangalawang pagbasa sa plenaryo.

Kasama rin sa mga may akda ng panukala sina Deputy Speakers Luis Raymund Villafuerte Jr. at Michael Romero, Reps Precious Hipolito Castelo at iba pang mga mambabatas.

-Praybitisasyon ng PhilHealth, isinusulong sa Kamara

Isinusulong ngayon ni Marikina City Rep Stella Quimbo sa kamara na isapribado na ang PhilHealth itoy sa gitna na rin ng mga kinakaharap katiwalian ng ahesnsya.


Batay sa House Bill 7429 o Social Health Insurance Crisis Act na inihain ni Quimbo binibigyan nito ng kapangyarihan ang Pangulo na i-privatize ang buong PhilHealth o ang ilang segments nito.


Sinabi ni Quimbo na napakabigat na ng krisis na kinakaharap ngayon ng social health insurance kaya kailangan nang gamitin ang expertise ng private sector upang mapakinabangan naman ng maayos ang salaping ikinakaltas sa mga manggagawa.


Sa ilalim ng panukala ay bubuo ng isang Executive-Legislative Social Health Insurance Crisis Commission na siyang aatasan para ayusin ang loob ng korporasyon.


Bukod dito ay nakapaloob din sa panukala ang pagbuo ng Transition Management Team sa pagitan ng private corporation o management consultancy firm na siyang magpapatupad ng national insurance program salig sa Universal Health Care Law.


Binibigyan din ng kapangyarihan ang Pangulo na bumuwag o bumuo ng opisina sa PhilHealth, maglipat ng tungkulin, magtaas ng sahod kung nararapat, magpatupad ng mga polisiya upang makatipid at iba pang mga paraan na magpapahusay sa sistema ng social health insurance para sa mga Pilipino.


Dahi dito, hinimok ni Quimbo ang mga kasamahan nitong kongresista na suportahan at madaliin ang naturang panukala para agad maaprubahan.

-Bagong public assembly bill, aprubado na sa Kamara

Aprubado na sa Committee on  People’s Participation sa Kamara ang House Bill 6297 o ang “New Public Assembly Act” na naglalayong palakasin ang karapatan ng tao sa malayang pamamahayag, tahimik na asembliya at makapaghain ng mga reklamo sa pamahalaan para sa minimithing katarungan.


Hinikayat ni Rep Carlos Isagani Zarate, may akda ng panukala, ang kanyang mga kapwa mambabatas na tingnan ang pampublikong asembliya bilang isang pamamaraan para ang mga mamamayan ay makapag-pahayag ng kanilang mga saloobin at paniniwala, at ang kanilang mga hinaing laban sa mga kakulangan ng pamahalaan.


Tiniyak naman ni San Jose del Monte City Rep Florida Robes, Chairperson ng Komite, na isinama ng technical working group ang mga isinumiteng suhestyon na ipinanukala ng Departmeng of Interior and Local Government at Commission on Human Rights.


Ang naturang mungkahi ng dalawang nabanggit na mga ahensiyang pamahalaan  ang magiging basehan sa pagpapatupad ng implementing rules and regulations, kasama ang Pambansang Pulisya.

Tuesday, August 18, 2020

-Isususpendi na ang mandatory PhilHealth contribution ng mga OFW gitna ng pandemya

Sinupurtahan ng Joint Committees on Public Accounts and Good Government at ng Public Accountability sa Kamara ang pagsususpendi ng mandatory contribution ng mga OFWs sa PhilHealth upang pansamantalang bigyang-kaluwagan ang mga manggagawang Overseas Flipinos sa nararanasang hirap sa pandemyang dulot ng COVID-19.


Ang deliberasyon ay bilang pagpapatuloy ng pinagsanib na imbestigasyon ng dalawang komite sa umano’y katiwalian sa loob ng PhilHealth.


Naniniwala si Committee on Public Accounts Chairman Rep Michael Defensor na paninindigan ng dalawang komite ang kanilang suporta na huwag mangolekta at huwag piliting magbayad ang mga OFWs ng kanilang kontribusyon sa PhilHealth.


Dahil dito, aamiyendahan aniya nila ang Republic Act 1123 o ang Universal Health Care Act upang mas bigyang kahalagahan ang mga ito kesa sa ibang direct contributors.


Sa ilalim ng planong amiyenda, aatasan ng batas ang PhilHealth, sa pakikipag-uganayan sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA at iba pang konektadong ahensiya, kasama na ang mga pribadong tanggapan, na magpairal ng hiwalay na patakaran hinggil sa mga kontribusyon ng mga land-based at sea-based na manggagawa.


Ang nasabing patakaran ay dapat na magbibigay ng prayoridad sa mga OFWs at titiyaking makakamit nila ang pinakamahusay na benepisyong pang medikal.


Ang panukalang amiyenda ay dadalhin sa House Committee on Health para ito ay pinal na maaprubahan.

-Palugit sa pagbayad ng buwis sa lupa, pinalawig pa dahil COVID-19

Inaprubahan na sa Committee on Ways and Means sa Kamara na pinamumunuan ni Rep Joey Salceda ang House Bill 7068 na mag-aamyenda sa Republic Act 11213 o ang Tax Amnesty Act na naglalayong gawing apat na taon na ang palugit ng mga mamamayan sa pagbabayad ng buwis sa lupa mula sa kasalukuyang dalawang taon lamang.


Layunin ng panukala na palawigin pa ang palugit sa pagbayad ng buwis sa lupa dahil sa coronavorus pandemic.


Sinusuportahan ni Baguio City Rep Mark Go ang panukala na ayon sa kanya ay mabibigyan din ng panahon ang Bureau of Internal Revenue o BIR na maabot ang kanilang target na koleksyon.


Ang panukala ay isusumite na sa Committee on Rules para itakda ang deliberasyon sa plenaryo at tuluyang aprubahan sa ilalawang pagbasa.


Ang pangunahing may akda ng naturang panukala ay si Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez.

-Eddie Garcia bill, aprubado na sa Kamara

Inaprubahan na sa Committee on Labor Standards ni TUCP partylist Rep Raymond Democrito Mendoza ang Eddie Garcia Bill matapos itong dumaan sa masusing deliberasyon at mga amiyenda.

Pumasa na ang substitute bill ng panukala na naglalayong pangalagaan ang mga kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula, telebisyon at radyo sa ilalim ng mga probisyon hinggil sa oras ng pagtatrabaho at kondisyon ng mga manggagawang, menor de edad at mga senior citizen.


Ang panukala na naging sustitute bill ng iilang mga inihaing ay ang proposal na iniakda ng iilang mga mambabatas hinggil sa naturang usapin.


Ibinatay sa HB 6157 na iniakda ni Pangasinan Rep Christopher de Venecia ang inaprubahang substitute na panukala  bilang working measure.


Ang aprubadong Eddice Garcia Bill ay dadalhin na sa mother committee sa Kamara na pinamumunuan ni 1-Pacman partylist Rep Enrico Pineda para ipasa sa pangalawang pagbasa sa plenaryo.


Kasama sa mga may akda ng panukala sina Deputy Speakers Luis Raymund Villafuerte Jr. at Michael Romero, Reps Precious Hipolito Castelo at iba pang mga mambabatas.

-34 na mga tinamaan ng COVID 19 sa Kamara, nakarecover na

Nakarekober na ang nasa 34 na mga empleyado at staff ng Kamara na nagpositibo sa COVID 19.

Sa statement na inilibas ni House Secretary-General Atty. Luis Montales, sa kasalukyan ay nasa 7 na lamang, ang aktibong kaso na tinamaan ng virus sa mababang kapulungan.

Kaugnay dito, inanusyo rin ng opisyal na may isang panibagong empleyado mula sa Journal Service ng kapulungan ang nadagdag sa bilang matapos itong magpositibo sa sakit.

Ang nasabing empleyado ay naka work-from-home set-up magmula pa noong March 23 at huli itong nagpunta sa kanyang opisina noong August 6 kung saan nagsimula itong makaramdam ng sintomas kinagabihan.

Sa kabuoan ay umabot na 46 ang naitatalang kaso ng COVID 19 na nag-positive sa House of Representatives.

Monday, August 17, 2020

-Katiwalian ng mga PhilHealth officials, nabulgar sa Kamara sa pagpapatuloy ng imbestigasyon nito

Ipinagpatuloy ng Committee on Public Accounts and Good Government at ng Committee on Public Accountability ang kanilang joint inquiry kahapon hinggil sa diumano’y katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporatio o PhilHealth, partikular na rito ang pamamaraan ng pagpapatupad ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Nagbanta si Committee on Public Accounts  Chairman at AnaKalusugan partylist Rep Michael Defensor na magsasampa siya ng kaso laban sa mga concerned PhilHealth officials kung kanilang mapatunayan na ang IRM ay ginagamit sa ibang kasong medikal gayung ito ay nakalaan lamang para sa mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.


Ayon naman kay Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers, ang paggamit umano ng pondo sa IRM para sa cash advances ay nangangahulugan ng isang technical malversation at ang paggamit ng pampublikong pondo upang ipambayad sa mga pribadong ahensya na hindi pa naman din nakakapagbigay ng serbisyo at nakakapag-deliver ng supplies ay isang malinaw na paglabag sa batas.


Samantala, kinuwestyon ng ilang mga mambabatas ang pagsama ng dialysis at panganganak sa IRM at dahil dito, ipinaliwanag naman ni PhilHealth Senior Vice President Francis Pagas na ang IRM ay inilaan lamang para sa pagtugon sa pandemya.


Sinabi naman ni Cavite Rep Elpidio Barzaga, Jr. na ang isinasagawang imbestigasyon ng Kamara ay nalalayon lamang na ayusin ang pamamalakad ng PhilHealth para maibalik ang tiwala ng sambayanan na nawala dahil sa usapin ng katiwalian sa naturang ahensya.

Sunday, August 16, 2020

-Online learning sa bagong normal, tiniyak

Inaprubahan sa Committee on Basic Education and Culture sa Kamara ang dalawang substitute bill na magtatatag ng “Public Schools of the Future in Technology (PSOFT) Act” at ng “Last Mile Public Schools Act" na magbibigay ng solusyon sa pangangailangan ng digital education sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Layunin ng dalawang panukala na gawin ang sistema sa pag-aaral na mas nakakatugon sa mga mag-aaral na makagamit ng makabagong teknolohiya, sapat na online learning modules at daan tungo sa mga paaralan, kasama rito ang Geographically Isolated Conflict-Affected Schools (GIDCAS) at ang mga nasa malalayong lugar.


Iniulat ng mga kompanya ng telekomunikasyon na ang pamahalaan ay tumutulong sa paglalatag ng imprastraktura sa komunikasyon para sa epektibong online education sa lahat ng mga mag-aaral sa nakatakdang pagbubukas ng klase.


Aprubado na rin sa Komite na pinamumunuan ni Pasig City Rep Roman Romulo ang House Bill 7189 na naglalayong isama na sa basic education curriculum ang flexible learning.

-Energy research institute, itatatag sa gitna ng pandemya

Habang nilalayon ng bansa ang katiyakan sa maayos at murang enerhiya sa panahon ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic, tinalakay ng House Committee on Energy ang panukala na naglalayong itatag ang Philippine Energy Research and Policy Institute (PERPI).


Ang PERPI ay itatatag sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo ng University of the Philippines (UP).


Tinalakay sa Komite na pinamumunuan ni Marinduque Rep Lord Allan Velasco ang lahat ng mga inirekomendang amyenda sa panukala tulad ng pagsasama ng kontribusyon ng pamahalaan sa pondo para sa research.


Ang gobyerno ay magbibigay ng subsidiya sa pamamagitan ng halaga na irerekomenda ng UP bilang bahagi ng pondong ilalaan sa pagsasaliksik ng PERPI.


Bukod dito, aatasan din ang mga ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa research para sa enerhiya na isama sa kanilang taunang pondo ang sapat na pondo para sa kanilang kontribusyon sa mga gagawing pagsasaliksik ng PERPI para sa kanila.

-Maituturing na tagumpay ang 11th AIPA caucus na ginanap sa ating bansa

Maituturing na tagumpay ang 11th ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) Caucus na ginanap noong Biyernes dito sa Pilipinas kung saan ay tinalakay ang mga usapin na nangangailangan ng aksyon ng lehislatura para patuloy na palakasin ang ekonomiya ng rehiyon kahit pa matapos na ang pandemya.

Ang Kamara de Representantes ng Kongreso na pinamumunuan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang nagsilbing host sa matagumpay na AIPA Caucus na nagtapos sa virtual signing ng inaprubahang 11th AIPA Caucus Working Group Report na naglalaman ng mga ulat ng bawat bansa kung papaano tinugunan ng kani-kanilang lehislatura ang suliraning idinulot ng COVID-19 pandemic. 


Ang ika-11 AIPA Caucus ay may temang “We Heal As One: Parliamentary Cooperation Towards Mitigating Risks and Strengthening Economic Resilience in the Period of Pandemic.”


Pinuri ni Chairperson ng Komite ng Foreign Affairs sa Kamara, Rep Ann Hofer ng Zamboanga Sibugay, Chairperson ng Working Group ang matagumpay na resulta ng caucus sa kabila ng mga limitasyon sa mga miyembro ng parlyamento na likha ng pandemya.


Humanga si Hofer sa malayang palitan ng mga impormasyon at mahahalagang suhestyon at ideya mula sa mga delegado.


Sa pageawakas ng caucus, binigyang-halaga ni Rep Stella Luz Quimbo ng Marikina City, taga-ulat ng Philippine Country Report sa Caucus Working Group, ang pangangailangan ng data-driven at evidence-based policy and legislation sa harap ng krisis.

-Transport sector, handa na para sa pagbabalik ng GCQ

Tiniyak ng transport sector ang kanilang kahandaan sa napipintong pagbabalik ng bansa sa General Community Quaratine (GCQ) sa gitna ng pandemya sanhi ng COVID-19.


Ang sektor na binubuo ng panghimpapawid, paglalayag, panlupa at pangriles ay nagbigay ng kanilang paniniyak sa Committee of Transportation sa Kamara na pinamunuan ni Rep Edgar Mary Sarmiento ng Samar.


Hinikayat ni Sarmiento ang sektor na muling pag-aralan ang kanilang mga plano dahil sa pagkakabalam ng pampublikong transportasyon na lubhang nakaapekto sa ekonomiya ngayong taon.


Sa isinagawang pagpupulong sa Kapulungan, inaprubahan nila ang mga panukala na may layuning itatag ang mga karapatan ng mga pasahero ng taksi.


Aprubado rin nila ang mga bill na nagsusulong ng mas ligtas na paggamit ng pedestrian tulad ng mga daanan ng tao at mga tawiran.


Dahil karamihan sa mga Pilipino ay mga pedestrian, inirekomenda ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairmann Martin Delgra na isama sa basic education ang paksa para sa ligtas na lansangan.


Nagbuo ang komite ng mga Technical Working Group para pag–isahin ang mga magkaparehong panukala para sa mga pasahero ng taksi at sa kaligtasan ng mga pedestrian.

Thursday, August 13, 2020

-Kamara, nakahanda na para sa hosting ng 11th AIPA Caucus ‪‪sa Aug 14‬

Nakahanda na ang Kamara de Representantes ng Kongreso ng Pilipinas para sa gaganaping hosting nito ng kaunanunahang virtual meeting ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) Caucus sa darating na August 14.‬ 


Ang pagpupulong ay magsisimula ng alas 9 ng umaga kung saan si House Speaker Alan Peter Cayetano ang magbibigay ng opening address para sa ika-11 AIPA meeting na may temang “We Heal As One: Parliamentary Cooperation Towards Mitigating Risks and Strengthening Economic Resilience in the Period of Pandemic". 

 

Layon ng ika-labing-isang AIPA meeting na mas mapalalim pa ang parliamentary coordination ng mga bansa sa Southeast Asia lalo na sa epekto ng COVID 19 pandemic sa ekonomiya  sa timog silangang asya.


Bukod dito ay target din ng pagpupulong na magkaroon ng konsultasyon at diyalogo ang mga member parliaments para pagusapan ang mga economic recovery and resilience plans sa gitna ng COVID 19 pandemic at mga economic reforms para palakasin ang kapasidad ng Asian member nations para malagpasan ng mga kaparehong krisis na posibleng umusbong sa mga susunod na panahon.


Samantala inaasahan namang bibigyan diin ni Speaker Cayetano ang mga legsilative measures na ipinasa ng kamara para maibsan a ang epekto ng COVID 19 crisis sa bansa tulad ng House Bill 6616, na enacted bilang Republic Act No. 11469 na kilala rin sa tawag na “Bayanihan to Heal as One Act.”


Ang AIPA ay itinatag noong 1977 bilang ASEAN Inter-Parliamentary Organization (AIPO) ng mga lider at parliamentary delegations mula Indonesia, Malaysia,  Singapore, Thailand at Pilipinas.

-Desenteng tirahan para sa mahihirap na apektado ng pandemya, ikinasa na

Bumuo na ang Committee on Housing and Urban Development sa Kamara noong Miyerkules ng isang Technical Working Group (TWG) upang pag-isahin ang mga magkakatulad na mga panukala at ito ay pamumunuan ni Rep Francisco Benitez ng Negros Occidental.

Ang mga ito ay naglalayong 1) Magtatag ng National Housing Development, Production and Financing Program; 2) Dagdagan ang kapitalisasyon ng National Housing Authority; 3) Magtalaga ng mga resettlement, aid at serbisyong rehabilitasyon para sa mga mahihirap at mga walang bahay; at 4) Magsabatas ng panukalang Comprehensive Integrated Shelter Finance Act.


Ayon kay Committee Chairman Rep Strike Revilla (2nd District, Cavite), itinuon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA noong ika-27 ng Hulyo ang kahalagahan ng pamamahgi ng disenteng tirahan para sa mga mahihirap at walang bahay na mga Pilipino.


Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Director Myles Rivera, ang produksyon ng murang pabahay ng pamahalaan ay umaabot sa 140,000 kada taon subalit may 1.4 Milyon na mahihirap na pamilya ang nais pa na mabahagian nito.


Idinagdag ni Rivera na lubhang napakahirap magpatupad ng health safety protocols sa mga mahihirap na komunidad dahil sa nagsisiksikan ang mga pamilya na nakatira sa mga maliliit na kabahayan.

-Kahandaan sa serbisyong pangkalusugan sa panahon ng pandemya, binalangkas sa Kamara

Tinalakay sa Committee on Health sa Kamara na pinamumunuan ni Rep Angelina Helen Tan noong Miyerkules ang ibat ibang panukala na magtatatag sa Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC).


Nauna nang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na lubhang napakahalaga ng kahandaan sa pagtugon sa pagkalat ng ibat ibang sakit sa hinaharap.


Layon ng CDC na gawing moderno ng pamahalaan ang pagtugon nito sa pampublikong kalusugan sa pamamagitan ng pagtatatag ng science-based at data-driven organization para sa pagmamanman ng mga sakit, pag-iwas at pagkontrol nito, pag-iimbestiga sa epidemya at pagkalat nito, kasama na ang kahandaan sa pagtugon sa pandemya.


Sinabi ni Tan na kapag naitatag ang CDC ay papaunlarin at palalawakin nito ang paggamit ng mga dalubhasa sa Agham at pag-iibayuhin ang kahandaan sa pagtugon sa seguridad ng kalusugan laban sa kasalukuyang banta ng mga kumakalat na sakit.


Tutugunan din aniya nito ang posibleng epekto sa ekonomiya na dulot ng epidemya.


Inaprubahan din sa Komite ang House Bill 4093 na naglalayong isailalim ang lahat ng mga Pilipino sa isang libreng konsulta sa kalusugan kada taon.

-Katiwalian umano sa PhilHealth, sinimulan nang imbestigahan

Upang matiyak ang hayagang pamamahala sa pangkalusugan sa panahon ng pandemya na dulot ng COVID-19, nagsanib ang dalawang Komite sa Kamara, ang Public Accounts at ang Good Government and Public Accountability, upang pagpaliwanagin ang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa umano’y katiwalian sa pamamahala nito.


Kinuwestyon ni Rep Michael Defensor, Chairman ng Committee on Public Accounts sa Kamara ang Philhealth sa hindi magkakatugmang datos mula sa kanilang tanggapan at sa isinumiteng ulat ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) hinggil sa halaga ng paggagamot at bilang ng mga maysakit at nagkasakit.


Sa naturang imbestigasyon, sinabi ni Defensor na batay sa isinumiteng ulat ng Commission on Audit, kwestyonable ang sobrang binayaran ng Philhealth simula pa noong 2013 na nagkakahalaga na ng P153 Bilyon.


Dahil dito ay nais ng mambabatas na masampahan ng kasong plunder ang lahat ng mga opisyal at kawani ng naturang tanggapan na sangkot sa anomalya.


Samantala, sang-ayon naman ang mga opisyal at kawani ng Philheath na dumalo sa imbestigasyon na sumailalim sila sa waiver upang masilip ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC) ang kanilang mga transaksyon sa bangko at bank accounts.


Pinamunuan naman ni Rep Jose Antonio Sy-Alvarado ng lalawigan ng Bulacan ang Committee on Good Government at Public Accountability.

-Kamara all set na para sa hosting ng 11th AIPA Caucus ‪‪sa Aug. 14‬

Nakahanda na ang mababang kapulungan ng kongreso para sa gaganaping hosting ng kaunanunahang virtual meeting ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) Caucus sa darating na August 14.‬ 

Ang pagpupulong ay magsisimula ng alas 9 ng umaga kung saan si House Speaker Alan Peter Cayetano ang magbibigay ng opening address para sa ika-11 AIPA meeting na may temang “We Heal As One: Parliamentary Cooperation Towards Mitigating Risks and Strengthening Economic Resilience in the Period of Pandemic". 

 

Layon ng ika-labinisang AIPA meeting na mas mapalalim pa ang parliamentary coordination ng mga lugar sa Southeast Asia lalo na sa epekto ng COVID 19 pandemic sa ekonomiya  sa timog silangang asya.


Bukod dito ay target din ng pagpupulong na magkaroon ng konsultasyon at diyalogo ang mga member parliaments para pagusapan ang mga economic recovery and resilience plans sa gitna ng COVID 19 pandemic at mga economic reforms para palakasin ang kapasidad ng Asian member nations para malagpasan ng mga kaparehong krisis na posibleng umusbong sa mga susunod na panahon.


Samantala inaasahan namang bibigyan diin ni Speaker Cayetano ang mga legsilative measures na ipinasa ng kamara para maibsan a ang epekto ng COVID 19 crisis sa bansa tulad ng House Bill 6616, na enacted bilang Republic Act No. 11469 na kilala rin sa tawag na “Bayanihan to Heal as One Act.”


Ang AIPA ay itinatag noong 1977 bilang ASEAN Inter-Parliamentary Organization (AIPO) ng mga lider at parliamentary delegations mula Indonesia, Malaysia,  Singapore , Thailand at Pilipinas.

-Isasagawa sa Kamara ang kaunaunahang virtual AIPA caucus

Nakatakdang pangunahan ng Kongreso ng Pilipinas ang pagsasagawa ng kaunaunahang virtual meeting ng ika-11 ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) Caucus.


Bagamat naisagawa na sa mga nakaraang pagpupulong ng AIPA ang teleconference, ang nakatakdang meeting sa ika-14 ng Agosto ng kasalukuyang taon ang magiging kaunaunahang virtual confab ng buong AIPA Caucus.


Sa ilalim ng temang “We Heal As One: Parliamentary Cooperation Towards Mitigating Risks and Strengthening Economic Resilience in the Period of Pandemic,” layon ng nagkakaisang mga parliyamento sa ASEAN na matugunan ang problema sa pampublikong kalusugan at kahirapang idinudulot ng pandemya sa Timog-Silangang Asya.  


Ito na ang ikalawang pagkakataon na ang Pilipinas ay mangunguna sa pagsasagawa ng pagpupulong na ginanap sa bansa noong taong 2011.


Nakatakdang magpalabas ng mga video sa ika-11ng AIPA Caucus ang walong miyembro ng parliyamento na magpapamalas kung papaano tinutugunan ng kanilang mga lehislatura ang kanilang ginagawang paglaban sa pandemya na sanhi ng COVID-19.


Samantala, ang mga bansang Indonesia at Singapore ay hindi makakadalo sa pagpupulong dahil nakatakda pa lamang magbukas ang kanilang mga parliyamento sa ika-14 at ika24 ng Agosto.

Wednesday, August 12, 2020

Propesyon sa digital career at iba pang mga panukala tungkol sa pangangalakal, aprubado na sa Kamara

Ipinasa na ng Kamara de Representantes sa third and finalreading ang House Bill 6926 na may layuning paunlarin ang digital careers sa bansa.


Kasunod nito, ipinasa rin ang House Bill 6927 o ang E-Government Act sa botong 229, na naglalayong gamitin ang mga impormasyon at mga makabagong teknolohiya sa komunikasyon upang matiyak ang epektibo, maayos at hayagang transaksyon para sa mga Pilipino.


At ang pangaltong ipinasa rin ng Kamara sa huling pagbasa ay ang House Bill 6924 na naglalayong palawakin ang serbisyo ng mga bangko sa mas malalayo pang mga lugar sa bansa sa pamamagitan ng cash agents.


Ang mga naturang aksiyon ng kapulungan ay kaugnay na rin ng layunin ng pamahalaan na isaayos ang mga industriya lalo na sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya.

Pagtuturo sa mga out-of-school youth, naging hamon para sa alternative learning program

Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa pangatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 6910 na naglalayong gawing pagsasa-institusyon ng Alternative Learning System (ALS) sa pag-aaral ng mga out-of-school youth (OSY) at gayundin para mga may edad na mag-aaral.


Ito ay matapos maranasan ng bansa ang mga hamon sa pagbabahagi ng magandang edukasyon sa mga kabataan sa gitna ng nararanasang pandemya na dulot ng COVID-19.


Layunin ng naturang batas na bigyan ng oportunidad ang mga OSY, kasama na rin ang mga mag-aaral na Madrasah at mga Katutubo at sapat na edukasyon hinggil sa basic at functional literacy, life skills at mga katumbas na kaalaman na maaari nilang magamit sa pagtatrabaho at kabuhayan.

Free Counters
Free Counters