Monday, August 24, 2020

-Pagtatag ng OFW sovereign fund, inaprubahan na sa gitna ng pandemya

Ang House Bill 530 na iniakda ni Rep Joseph Stephen Paduano ng ABANG LINGKOD partylist na naglalayong buuin ang Overseas Filipino Workers (OFW) Sovereign Fund ay inaprubahan na ng Committee on Overseas Workers Affairs sa Kamara na pinamumunuan ni TUCP partylist Rep Democrito Mendoza.


Ayon kay Paduano, hinihikayat ng panukala ang lahat ng OFWs na ilaan ang bahagi ng kanilang kita sa pamahalaan sa pamamagitan ng remittance upang mabuo bilang pondo sa ilalim ng special fund na tatawaging OFW Sovereign Fund.


Layunin ng panukala na tulungan ang mga OFWs na makapag-impok ng bahagi ng kanilang kita lalo na sa panahon ng pandemya at upang makatulong na rin sa bansa dahil ang bahagi ng pondo ay ilalaan sa mga mahahalagang proyekto at programa ng gobyerno sa kapakinabangan ng mga OFWs.


Magiging bahagi ng “OFW Sovereign Fund Act” ang   lahat ng OFWs at mga dating OFWs, maging land-based and sea-based, at mga miyembro ng kanilang pamilya tulad ng magulang, asawa at mga anak.


Samantala, sa usapin ng mga OFW repatriation, iniulat ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Sarah Ariola sa Komite na umaabot na sa 146,360 ang mga OFWs na napabalik na sa bansa hanggang ika-23 ng Agosto, 2020.

Free Counters
Free Counters