-Kahandaan sa serbisyong pangkalusugan sa panahon ng pandemya, binalangkas sa Kamara
Tinalakay sa Committee on Health sa Kamara na pinamumunuan ni Rep Angelina Helen Tan noong Miyerkules ang ibat ibang panukala na magtatatag sa Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC).
Nauna nang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na lubhang napakahalaga ng kahandaan sa pagtugon sa pagkalat ng ibat ibang sakit sa hinaharap.
Layon ng CDC na gawing moderno ng pamahalaan ang pagtugon nito sa pampublikong kalusugan sa pamamagitan ng pagtatatag ng science-based at data-driven organization para sa pagmamanman ng mga sakit, pag-iwas at pagkontrol nito, pag-iimbestiga sa epidemya at pagkalat nito, kasama na ang kahandaan sa pagtugon sa pandemya.
Sinabi ni Tan na kapag naitatag ang CDC ay papaunlarin at palalawakin nito ang paggamit ng mga dalubhasa sa Agham at pag-iibayuhin ang kahandaan sa pagtugon sa seguridad ng kalusugan laban sa kasalukuyang banta ng mga kumakalat na sakit.
Tutugunan din aniya nito ang posibleng epekto sa ekonomiya na dulot ng epidemya.
Inaprubahan din sa Komite ang House Bill 4093 na naglalayong isailalim ang lahat ng mga Pilipino sa isang libreng konsulta sa kalusugan kada taon.
<< Home