-Isasagawa sa Kamara ang kaunaunahang virtual AIPA caucus
Nakatakdang pangunahan ng Kongreso ng Pilipinas ang pagsasagawa ng kaunaunahang virtual meeting ng ika-11 ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) Caucus.
Bagamat naisagawa na sa mga nakaraang pagpupulong ng AIPA ang teleconference, ang nakatakdang meeting sa ika-14 ng Agosto ng kasalukuyang taon ang magiging kaunaunahang virtual confab ng buong AIPA Caucus.
Sa ilalim ng temang “We Heal As One: Parliamentary Cooperation Towards Mitigating Risks and Strengthening Economic Resilience in the Period of Pandemic,” layon ng nagkakaisang mga parliyamento sa ASEAN na matugunan ang problema sa pampublikong kalusugan at kahirapang idinudulot ng pandemya sa Timog-Silangang Asya.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na ang Pilipinas ay mangunguna sa pagsasagawa ng pagpupulong na ginanap sa bansa noong taong 2011.
Nakatakdang magpalabas ng mga video sa ika-11ng AIPA Caucus ang walong miyembro ng parliyamento na magpapamalas kung papaano tinutugunan ng kanilang mga lehislatura ang kanilang ginagawang paglaban sa pandemya na sanhi ng COVID-19.
Samantala, ang mga bansang Indonesia at Singapore ay hindi makakadalo sa pagpupulong dahil nakatakda pa lamang magbukas ang kanilang mga parliyamento sa ika-14 at ika24 ng Agosto.
<< Home