-Bicam report sa Bayanihan 2, ratipikado na ng Kamara
Niratipikahan na Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon ang bicameral conference report sa House Bill 6953 at Senate Bill 1564 o ang “Bayanihan to Recover as One Act.”
Ang emrolled form ng panukala ay ipadadala na sa Malacanang upang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para maging ganap na na batas.
Sa ilalim ng panukala, popondohan ng pamahalaan ang nasabing batas ng halagang P165.5 Bilyon bilang subsidiya para sa pag-ahon ng bansa sa ekonomiya na lubhang naapektuhan ng pandemya sanhi ng COVID-19.
Ayon kay Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte Jr., isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, bagamat limitado lamang ang pondong inilaan sa Bayanihan 2 ay magkakaroon ito ng ginhawang epekto sa ekonomiya dahil sa karagdagang pondo sa COVID-19 tests, programang cash-for-work, pagpapabalik at pagbibigay suporta sa mga OFWs, subsidiya sa transportasyon, turismo, ayuda sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs), kasama na rito ang agrikultura, at ang sektor ng mga mahihirap.
Higit sa lahat, mapopondohan na rin ang karagdagang benepisyo para sa mga publiko at pribadong manggagawa sa sektor ng kalusugan, gayundin ang ating mga guro.
<< Home