-Desenteng tirahan para sa mahihirap na apektado ng pandemya, ikinasa na
Bumuo na ang Committee on Housing and Urban Development sa Kamara noong Miyerkules ng isang Technical Working Group (TWG) upang pag-isahin ang mga magkakatulad na mga panukala at ito ay pamumunuan ni Rep Francisco Benitez ng Negros Occidental.
Ang mga ito ay naglalayong 1) Magtatag ng National Housing Development, Production and Financing Program; 2) Dagdagan ang kapitalisasyon ng National Housing Authority; 3) Magtalaga ng mga resettlement, aid at serbisyong rehabilitasyon para sa mga mahihirap at mga walang bahay; at 4) Magsabatas ng panukalang Comprehensive Integrated Shelter Finance Act.
Ayon kay Committee Chairman Rep Strike Revilla (2nd District, Cavite), itinuon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA noong ika-27 ng Hulyo ang kahalagahan ng pamamahgi ng disenteng tirahan para sa mga mahihirap at walang bahay na mga Pilipino.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Director Myles Rivera, ang produksyon ng murang pabahay ng pamahalaan ay umaabot sa 140,000 kada taon subalit may 1.4 Milyon na mahihirap na pamilya ang nais pa na mabahagian nito.
Idinagdag ni Rivera na lubhang napakahirap magpatupad ng health safety protocols sa mga mahihirap na komunidad dahil sa nagsisiksikan ang mga pamilya na nakatira sa mga maliliit na kabahayan.
<< Home