Palpak na programang computerisasyon ng GSIS, tinuligsa ng mambabatas
Palpak ang programang computerisasyon ng Government Service Insurance System (GSIS) matapos ang limang taong pagpapatupad nito na naglalayon sanang makapaghandog ng maayos at mas maasahang paglilingkod sa mga kasapi nito.
Ito ang binitiwang mga kataga ni Iloilo City Rep Raul Gonzalez, Jr ng kanyang sinabing patong patong na ang reklamo laban sa GSIS dahil sa pagkabigo nitong aksyunan ang mga pangako ng maayos na paglilingkod sa milyon-milyong mga myembro nito.
Ayon kay Gonzalez, sinimulan ng GSIS ang malawakang programa ng computerisasyon noong Mayo ng 2003 sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng computer hardware, paglalagay ng mga makabagong software programs, pagrerepaso ng sistema, pamamaraan at pagsasaayos ng talaan sa computer ng kontribusyon at pagbabayad sa utang ng mga kasapi, subali’t nabigo ang tanggapan na mapabilis ang transaksyon para sa mga myembro nito.
Idinagdag na nito na sa katunayan ay isinisisi pa nga ng mga opisyal ng GSIS ang kanilang kapalpakan sa problemang kanilang nararanasan sa ginagamit nilang computer program.
Iminungkahi ni Gonzalez sa pamamagitan ng HR01049 para siyasatin ang kapalpakan ng GSIS at ang ipinaiiral nitong programa sa computerisasyon na nagdulot ng pagkabigo at pagbagsak ng kalidad ng serbisyo ng naturang tanggapan.