Mga Amerikanong mambabatas, gagawaran ng Filipino citizenship
Iminungkahi ni Zambales Rep Antonio Diaz na gawaran ng Filipino citizenship ang apat na Amerkanong mambabatas dahil sa kanilang matinding pagsuporta sa panukalang naggagawad ng kabayaran sa mga Filipinong beterano ng ikalawang digmaang pandaigdigan.
Sa HR01012, HR01013, HR01014 at HR01015, nais ni Diaz na magawaran ng pandangal na pagkamamamayan ng Pilipinas ang mga Amerikanong Senador na sina Theodore Stevens, Daniel Inouye at Daniel Akaka, at Kinatawan Bob Filner.
Sinabi ni Diaz na ang pamumuno ng nabanggit na mga mambabatas sa dalawang Kapulungan ng Kongreso sa Amerika ay naghatid ng magandang balita at tagumpay sa mahigit na 18,000 Pilipinong beterano, na karamihan sa kanila ay nasa rurok na ngayon ng kanilang katandaan.
Iniakda nina Senators Stevens, Inouye at Akaka ang S1315 na kinilala bilang Filipino Veterans Equity Bill at sa Mababang Kapulungan naman ay naghain din si Rep Filner ng kahalintulad na panukala kung saan ang pagkakaapruba ng mga ito ang naghatid ng minsanan at kabuuang bayad sa mga Pilipinong beterano at nagsilbi itong basehan para sa komprehensibong probisyon na maisama ang mga sila sa Stimulus Package Bill na kamakailan lamang ay inaprubahan ng Kongreso ng Estados Unidos.
Ayon kay Diaz, matapos umano ang mahigit na animnapung taong pakikibaka upang kilalanin ng pamahalaan ng Estados Unidos ang kanilang naging bahagi sa ikalawang digmaang pandaigdig ay nagtagumpay din ang mga Pilipinong beterano.
Idinagdag pa ng mambabatas na sa pamamagitan ng mga resolusyong ito ay tatanawin natin umano na isang malaking utang na loob at pasasalamat sa mga kapwa natin mambabatas sa Amerika, ang kanilang ibinahagi para sa katarungan at hustisya ng sambayanang Pilipino.
<< Home