Trans fat contents sa mga produktong pagkain, dapat isiwalat sa mga etiketa
Ipinasa na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang panukalang magbibigay ng proteksiyon sa mga mamimili laban sa panganib ng atripisyal na taba o ang tinatawag na trans fatty acids sa mga pagkaing prinoproseso.
Sa HB00615, sinabi ni Camarines Sur Rep Luis Villafuerte na dapat lamang na nakapaskel sa etiketa ng mga produkto ang nilalamang taba at langis na nagsasangkap ng trans fatty acids at dapat maghanap na lamang ng mga alternatibong sangkap na may mas mababang trans fats tulad ng paggamit ng matika.
Sinabi ni Villafuerte na ang mga toxic trans fats ay lubhang mapanganib sa kalusugan ng tao batay sa mga pagsasaliksik at ang mga ito ay nakapagdudulot umano ng iba’t ibang karamdaman tulad ng obesity, diabetes, cancer, arthritis, eczema, psoriasis, Parkinson's disease at iba pang sakit, kasama na ang mabilis na pagtanda.
Isinusulong ng mambabatas ang paggamit ng mantika na galing sa bunga ng niyog bilang alternatibong mantika kapalit ng inangkat na hydrogenated vegetable oil sa paggawa ng prinosesong pagkain.
Ipinaliwanag niya na mahigpit na umano ang mga batas at patakaran na ngayon ay ipinatutupad sa iba’t ibang bansa tulad ng Estados Unidos, Denmark at Canada hinggil sa paggamit ng trans fat, kaya’t magiging mas pabor sa mga nasa industriya ng niyog kapag ipinagbawal din sa Pilipinas ang paggamit nito.
<< Home