Pagbebenta ng mga bahagi ng katawan ng tao, mahigpit na ipagbabawal
Masusi nang mamanmanan ng pamahalaan ang anumang pagsasagawa ng organ transplantation sa bansa upang mabawasan kung hindi man tuluyang mapigil ang patuloy na pagdami ng nagbebenta ng maseselang bahagi ng katawan ng tao ng sa gayon ay mabawasan na rin ang humahabang pila ng mga naghihintay sa human organs.
Sa ilalim ng HB05930 ni Pampanga Rep Anna York Bondoc, ipagbabawal na ang sinumang mag-alok, umupa ng tao o serbisyo, o magsagawa ng paraan upang ang pagbebenta ng maseselang bahagi ng katawan ay maisakatuparan, lalo na kung ito ay ginamitan ng dahas, pamimilit, pambubuyo, pananakot, panloloko o alok ng salapi upang makakuha ng bahagi ng katawan ng isang tao.
Sinabi ni Bondoc na libo-libong pasyente ang nangangailangan ng iba't ibang bahagi ng katawan ang namamatay habang naghihintay nito dahil na rin sa malaking kakulangan ng nag-aalay nito, subalit marami rin ang nabibiktima, naloloko, natutuksong magbenta ng parte ng kanilang katawan dahil na rin sa kakulangang ito, dahilan upang lumaganap ang human organs trafficking.
Ayon pa sa kanya, kakaunti lamang ang kusang nag-aalay ng parte ng kanilang katawan dahil na rin sa kakulangan sa impormasyon hinggil sa kabutihang naidudulot ng pagdo-donate ng human organs sa oras na yumao na ang isang tao.
Nakatakda ring pag-aralan ang mga polisiyang may kinalaman sa rasyunal, etikal at ang aspetong pagkakaroon ng sapat at pantay na impormasyon sa organ transplantation program sa bansa.
<< Home