Thursday, April 23, 2009

PHILCOA, bubuwagin na

Iminungkahi ni Anwaray Rep Florencio Noel na buwagin at palitan na ang Philippine Coconut Authority (PHILCOA) at itatatag ang Philippine Coconut Industry Development Authority (PHILCIDA) bilang kapalit nito para mas mapaunlad pa ang industriya ng niyog sa bansa,

Sa iniakda niyang HB06093, ang pagtatatag ng PHILCIDA ang siyang tanging daan lamang umano upang mabigyan ng solusyon ang mga suliraning kinakaharap ng industriya ng niyog.

Nagbabala si Noel na kapag hindi agad naaksiyunan sa pamamagitan ng sapat na pag-aaral at pagbibigay ng suporta ng pamahalaan, ay posibleng tuluyang bumagsak at mamatay ang lokal na industriya ng niyog.

Ayon sa kanya, 68 sa 79 na probinsiya sa Pilipinas ay natataniman ng puno ng niyog at halos apat na porsiyentong bahagi ng 12 milyong ektarya ng lupaing pang-agrikultura dito ay niyugan kaya dapat lamang na ang ating bansa ang manguna sa industriyang ito, ngunit nakakalungkot umano na taliwas ito sa dapat na mangyari.

Sa ilalim ng kanyang panukala, ipinaliwanag niya ang maigting na pangangailangan na magtatag ng isang ahensiya na siyang mamamahala at magbabantay sa industriya ng niyog upang mapakinabangan ng ito ng lubos ng sambayanan. Isasalin na ang lahat ng kapangyarihan at tungkuling ng PHILCOA sa PHILCIDA kasama na ang lahat ng mga talaan at dokumento, pondo at pinanggagalingan ng pondo, mga kagamitan at yaman, mga empleyado at opisyal nito.

Ayon kay Noel tungkulin ng PHILCIDA na pag-aralan, bumuo, at gumawa ng paraan kung papaano mapapaunlad, mapapalawig at makakasabay sa kumpetisyon ang lokal na produkto ng niyog upang mapakibnabangan ng lubos ang industriya.


Free Counters
Free Counters