Sa pagbalik-sesyon ng Kamara de Representantes kanina a las tres ng hapon, sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na nahaharap silang mga mambabatas na punong-puno ng tatalakaying mga panukala na pangungunahan ng Bayanihan 3, at iba pang kaugnay na mga panukala na nasa adyenda nito.
Sinabi ng pinuno ng Kapulungan, lulubusin ng lehislatura ang natitira nitong tatlong linggo ng second regular session ng 18th Congress, upang maipasa ang third phase ng COVID-19 relief package, at iba pang kaugnay na mga panukala.
Ayon sa kanya, kailangan umano nilang tiyakin na magkakaroon sila ng mga batas na magpapasigla sa ating ekonomiya upang makabawi ang ating bansa mula sa pandemyang ito.
Idinagdag pa ng Speaker na nakahandang makipagtulungan ang Kamara sa Senado para matiyak na maisasabatas ang mga panukala bago sila magtapos.
Magwawakas na ang ikalawang regular session ng 18th Congress sa ika-5 ng Hunyo at nakatakdang magsimula ang ikatlo at final na regular session sa a-26 ng Hulyo na sasabayan ng huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sinabi ni Velasco na hangad ng Kapulungan na tiyakin ang nasa wastong oras na pagpasa ng mga “natitira pang prayoridad na mga panukala sa ilalim ng Administrasyong Duterte.”
“Karamihan sa mga prayoridad na panukalang ito ay pasado na sa ikatlong pagbasa ng Kapulungan,” punto ni Velasco. “Maaaring sa susunod na tatlong linggo ay aantabayanan natin ang mga hakbang ng Senado sa mga panukalang batas na sinertipikahan ng ating Pangulo bilang ‘urgent’”.
Sinabi niya na ang mga panukala ay kinabibilangan ng Senate Bill 2094, na naglalayong amyendahan ang Public Service Act; SB 1156 o ang pag-amyenda sa Foreign Investments Act of 1991; at SB 1840 na mag-aamyenda sa Retail Trade Liberalization Act of 2000, sa pamamagitan ng pagpapababa sa kinakailangang puhunan para sa foreign capital enterprises.
Umaasa si Velasco na mamadaliin ng Senado ang pagtalakay nila sa panukalang Medical Reserve Corps Act, na inaprubahan ng Kapulungan sa huling pagbasa noong Marso.
“Pinatutunayan lamang ng COVID-19 ang ating pangangailangan ng pagkakaroon ng Medical Reserve Corps, na mabilis nating mapapakilos sa panahon ng krisis sa pampublikong kalusugan,” ani Velasco.
Sinabi ni Velasco na hinimok niya ang Komite ng Kalusugan sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na madaliin ang pagpasa ng panukala na bubuo sa Philippine Virology Institute, at ang mga panukala para sa pag-iimbak ng mga gamot bilang bahagi ng pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
Matatandaang kahit na nakabakasyon ang Kapulungan ay tuloy tuloy ang pagdaraos ng mga pagdinig ng mga Komite, hinggil sa mga panukala at mga usapin para sa publiko sa panahon ng pandemya.
Isa rito ay ang substitute bill sa maraming panukala para sa Bayanihan 3, kabilang ang House Bill 8628 o ang “Bayanihan to Arise As One Act,” na inihain nina Speaker Velasco at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo.
Kailangan na lamang ng pag-apruba ng Komite ng Appropriations ang substitute bill bago ito iulat sa plenaryo, upang aprubahan na ito sa ikalawa at ikatlong pagbasa.
Inaprubahan ng mga Komite ng Economic Affairs, Social Services at Ways and Means sa Kapulungan ng mga Kinatawan ang P405.6-bilyon Bayanihan 3, na kinabibilangan ng dalawang yugto ng pamamahagi ng pinansyal na ayuda, na nagkakahalaga ng P2,000 na ipamamahagi sa bawat Pilipino, anuman ang estado nila sa lipunan.
Habang nakabakasyon, nagdaos din ang Kapulungan ng mga imbestigasyon, bilang ayuda sa lehislasyon, para sa maayos na implementasyon ng programa sa pagbabakuna para sa COVID-19, at ang mga kautusan ng Kagawaran ng Kalusugan at Food and Drug Administration na umano’y nakakasagabal sa paghahatid ng serbisyo sa publiko, at ang nakakabahalang pagtaas ng halaga ng karne ng baboy at mga pangunahing bilihin.
Sa pagbabalik-sesyon ng Kapulungan, sinabi ni Velasco na aaprubahan sa plenaryo ang mga House Resolution na nagpapatibay sa proklamasyon ni Pangulong Duterte, na naggagawad ng amnestiya sa mga rebeldeng Muslim at Komunista, na nagpasyang isuko ang kanilang mga armas at bumalik na sa lipunan.
Nauna nang inaprubahan ng mga Komite ng Katarungan, at ng National Defense and Security ang apat na resolusyon na nagpapatibay sa proklamasyon ng Pangulo, na naggagawad ng amnestiya sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front, Moro National Liberation Front, Rebolusyunaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade at Communist Terrorist Group.
“Ang programang amnestiya ng pamahalaan ay isang malaking hakbang tungo sa pagkakamit ng makatarungan at tumatagal na kapayapaan sa bansa, at ang paggabay sa mga dating rebelde pabalik sa buhay-sibilyan,” ani Velasco.
Sinabi ni Velasco na ipagpapatuloy ng Kapulungan ang pagtalakay sa plenaryo ng Resolution of Both Houses No. 2, na naglalayong gawaran ang susunod na Kongreso ng kakayahang amyendahan ang mga mahihigpit ng probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Konstitusyon.
“Layon nating alisin ang mga mahihigpit ng probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Konstitusyon bilang pakikialam, upang pahintulutan ang mas maraming dayuhang pamuhunan, upang makabawi ang ekonomiya ng bansa mula sa COVID-19,” ani Velasco.
Sinabi ng pinuno ng Kapulungan na ang pagbabago sa 34 na taong Charter ay ilalatag sa ika-19 na Kongreso, matapos na aprubahan ito ng sambayanang Pilipino sa isang plebisito, na maaaring isabay sa pambansang halalan na gaganapin sa Mayo 2022.
Nanindigan si Velasco na ang mga panukalang pagbabago sa Konstitusyon ay “pawang pang-ekonomiya lamang,” at hindi bibigyan ng puwang ang mga “amyendang politikal.” #