-IMBESTIGASYON SA PROYEKTONG KALIWA DAM, IPINAGPATULOY NG KAMARA
Ipinagpatuloy kahapon ng Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenois Peoples sa Kamara de Representantes ang kanilang imbestigasyon batay sa HR 15 at HR 309, hinggil sa New Centennial Water Source – Kaliwa Dam Project.
Sa kanyang pambungad na pananalita, nagpahayag si committee chairman at Kalinga Rep. Allen Jesse Mangaoang ng kahalagahan ng Free Prior and Informed Consent (FPIC) ng Indigenous Cultural Communities (ICC) at Indigenous Peoples (IPs) sa proseso ng pagpapasya tungkol sa usapin.
Binigyang-diin ni Mangaoang na ang FPIC ay idinambana sa “The Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997”, na naggagawad sa ICCs at IPs ng boses para pangalagaan ang kanilang mga interes, kung ang pinag-uusapan ay ang nagkakaisang pagpapasya.
Kinuwestyon ng isang mambabatas ang National Commission on Indigenous People (NCIP) sa ginawa nilang pagpapadali sa negosasyon ng Memorandum of Agreement, sa pagitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Indigenous People (IPs), sa kabila ng pinaiiral na FPIC.
Sa kanyang tugon, sinabi ni NCIP Engineer Katherine Gullunan na walang natanggap na anumang “Resolution of Non-consent” ang komisyon mula sa mga apektadong IPs sa mga lalawigan ng Quezon at Rizal.
Sinabi Gullunana na nakatanggap lamang daw sila ng Resolution of Consent na isinumite ng FPIC Team at iyon ang naging basehan ng NCIP upang magpatuloy sa susunod na proseso ng NCIP.
Hinimok ni Zarate ang NCIP na pahintulutan ang Komite na tapusin ang kanilang imbestigasyon, bilang kortesiya sa Kapulungan sa dalawang resolusyon bago ipagpatuloy ang mga negosasyon.
Nanawagan si Mangaoang sa mga katutubo na magkaisa, lalo na sa mga usapin ng pagpapasya para sa kinabukasan ng kanilang susunod na henerasyon.
Nagtakda ang Komite ng panibangong pagdinig upang ipagpatuloy ang imbestigasyon sa usapin.
Layon ng HR 15 na inihain ni BAYAN MUNA Rep. Eufemia Cullamat, na imbestigahan ang umano’y krisis sa patubig at ang pagbabalik at mga epekto ng konstruksyon ng mga proyektong Kaliwa Dam at Laiban Dam.
Samantala, ang HR 309 ay inihain ni Rizal Rep. Juan Fidel Felipe Nograles, na naglalayong imbestigahan ang Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project, at ang mga umano’y maanomalyang paggagawad ng kontrata sa China Energy Engineering Co. Limited.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
<< Home