Wednesday, September 30, 2020

-Speaker Alan Cayetano, nag-resign ngunit hindi tinanggap ng Kamara

Mayorya sa Kamara de Representantes ang hindi sang-ayon sa alok na pagbibitiw sa pwesto bilang house speaker ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.


Nagkakaroon ng nominal voting ang mga kongresista upang ipawalang-bisa ang inihaing resignation ni Cayetano, base na rin sa privilege speech ni AnaKalusugan party list Rep. Mike Defensor.


Napabalitang naglabas ng pahayag ang kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na sa October 15 ito uupo bilang speaker, sa halip na sa katapusan pa ng October ang takdang petsa ng palitan.


Sa kanyang privilege speech sinabi ni Cayetano na hindi siya indispensable bilang pinuno ng Kamara kaya magbibitiw na lamang siya sa puwesto.


Nauna rito, mismong ang mga ka-partido ni Rep. Velasco sa Laban ng Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan o PDP-Laban ang nakiisa sa panawagang ikansela ang term-sharing deal at hayaang si incumbent Speaker Cayetano ang mamuno sa Kamara hanggang matapos ang 18th Congress.

Tuesday, September 29, 2020

-P22.4 billion budget ng DTI, tinapos nang balangkasin sa plenaryo

Tinapos na sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon ang pagbalangkas sa panukalang P22.4-bilyong badyet ng Department of Trade and Industry (DTI) at ang mga ahensyang nasa ilalim nito para sa susunod na taon.

Ngunit, sa pangunguna ni Committee on Appropriations Vice Chairman at Bukidnon Rep. Manuel Zubiri, na nagsulong ng badyet ng DTI sa plenaryo, kasama ang iba pang mga mambabatas ay nanawagan sila ng karagadagang pondo upang tugunan ang mga pangangailangan sa pag-ahon ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) mula sa nararanasang pandemya.


Sinabi ni Zubiri na ang MSMEs ang pangunahing tagasulong ng lokal na ekonomiya na kinabibilangan ng 90 por syento ng lahat ng negosyo sa buong bansa.


Ayon pa sa kanya, ang panukalang 2021 badyet ng DTI ay maaaring magsilbing tagapagligtas ng MSMEs, ngayong 40 por syento ng mga negosyo sa panahon ng lockdown ay “nagsara na, kasalukuyang nagsasara o malapit nang magsara.”


Para sa taong 2021, layunin ng DTI na isulong ang e-commerce at plano nilang buksan ang ekonomiya sa 100 por syentong kapasidad at maseguro ang pag-unlad ng mga maliliit na negosyo, habang umaayon sa new normal.

Monday, September 28, 2020

-Panukalang 2021 budget, sinimulan nang balangkasin ng Kamara sa plenaryo

Sa pagsisimula ng pagbalangkas kahapon sa plenaryo ng Kamara de Representantes sa House Bill 7727 o ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) sa gitna ng nararanasang pandemya sanhi ng COVID-19, nanawagan si Committee on Appropriations Chairman at ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap sa mga kapwa niyang mambabatas ng suporta para sa maagang pagpasa ng P4.506-trilyon na panukalang badyet para sa susunod na taon.


Sa paghahain ni Yap ng panukalang HB 7727, ginamit niya ang mga katagang isinusulong ng Kamara na – “rebound, reset and recover” mula sa mga naranasang hirap ng mga mamamayang dulot ng pandemya, at umahon sa lugmok na ekonomiya.


Ang pag-apruba aniya ng 2021 GAB sa tamang panahon ay magtitiyak sa pamahalaan, sa pamamagitan ng mga proyekto at programa na makabawi sa mga layunin nito.


Ang pondong ito, ayon kay Yap, ay sumasalamin sa mga hangarin ng mga mamamayan na makaahon sa hirap na idinulot ng pandemya at makabawi sa mga pangyayari para sa ating kabuhayan, gayundin sa kaunlaran ng ating ekonomiya.


Samantala, tinalakay naman ni Committee Vice Chairman Rep. Joey Salceda ang General Principles ng 2021 GAB sa plenaryo.


Nang tinanong si Salceda hinggil sa kung kinakailangan pa bang baguhin ang badyet, lalo na sa mga inisyatibo na direktang makakaapekto sa pag-ahon sa ekonomiya, iginiit niya na, sa pananaw niya aniya, sapat na umano yung kinakailangang suporta ng national budget, bilang instrumento ng national policy, at instrumento ng pagpapalago ng ekonomiya.


Idinagdag pa ni Salceda na ang oversight agencies, kasama ang Department of Finance (DOF) at ng National Economic and Development Authority (NEDA) ay mayroong mandato na iulat ang lahat ng mga utang panglabas ng bansa sa panahon ng krisis pangkalusugan.

-Hindi makikialam si DS Pulong sa usaping speakership — Cong Yap

Iginiit ni House Committee on Approprations Chairman Eric Go Yap na hindi makikialam si Deputy Speaker Paolo "Pulong" Duterte sa usapin ng Speakership.


Ito ay matapos makipagkita sina Speaker Alan Peter Cayetano at Taguig Rep. Lani sa nakababatang Duterte nitong weekend dito sa Maynila.


Ayon kay Yap, mananatiling neutral si DS Pulong sa usapin at ipapaubaya sa institusyon ang usapin hinggil sa liderato ng Kamara.


Nauna nang kumalat ang litrato ng mga opisyal na may location na "Davao City" sa instagram post ni Yap subalit nilinaw nito na dito lamang sa NCR ang naganap na pagtatagpo.


Ani Yap, walang pulitikang napag-usapan sa halip COVID-19 at usapin sa buhay-buhay ang natalakay ng magkabilang panig.

Sunday, September 27, 2020

-Pagka-antala ng mga proyektong pang-irigasyon, siniyasat sa Kamara

Inimbestigahan ng Committee on Agriculture and Food sa Kamara na pinamunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga ang pagkaantala ng mga proyektong pang irigasyon ng National Irrigation Administration (NIA) batay sa iilang mga resolusyong inihain ng mga mambabatas.


Ayon sa Commission on Audit (COA), hindi anila nasunod ang maayos na plano at pagpapatupad ng mga proyekto na umaabot sa 299 projects ng irigasyon na nagkakahalaga ng P20.704-bilyon, batay sa mga ulat na hindi maayos na pagganap ng mga kontratista, naglalakihang kontrata na hindi natapos, at ang pagdaragdag ng oras para sa kontrata.


Ipinaliwanag ni NIA Administrator Ricardo Visaya na ang kanilang mga proyekto ay labis na naapektuhan ng ibat ibang kadahilanan tulad ng: 1) Pagapapairal ng ECQ,  2) Kakulangan o pagtaas ng presyo ng mga materyales, 3) Usapin ng ‘Right of Way’, 4) Pagkaantala ng pagpapalabas ng Environmental Compliance Certificates (ECC), 5) Problema sa rebelyon, 6) Pagkaantala ng pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM), at 7) Paiba ibang taunang badyet ng ahensya na nakakaapekto sa pagpapanatili ng kanilang proyektong pang-irigasyon.


Dahil dito ay inirekomenda ni Isabela Rep. Antonio Albano na dagdagan ang badyet ng NIA para sa 2021 upang hindi maantala ang mga prayoridad na proyekto na lubhang napakahalaga sa kaseguruhan ng pagkain sa buong bansa lalo na sa panahon ng pandemya.


Sinimulan ding talakayin ng Komite ang HR 672 na inihain ni Committee Vice Chairperson at Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing na magrerepaso sa usapin kung naniningil ba ang NIA ng mataas na presyo sa halagang P3.45 kada kubiko metro sa CE Casecnan Water and Energy Company, Inc., samantalang nagbebenta naman sila ng tubig sa First Gen Hydro Power Corporation sa halagang P0.062 kada kubiko metro.


Nakatakdang talakayin ng magkasanib na Committee on Agriculture and Food at Committee on Energy sa Kamara ang usapin sa susunod nilang pagdinig.

Wednesday, September 23, 2020

-Pagdideklara ng BTVWW2 bilang pampublikong tanggapan, inaprubahan na sa Kamara

Inaprubahan na sa Committee on Veterans Affairs and Welfare na pinangunahan ni Bataan Rep. Geraldine Roman ang substitute bill sa House Bill 2603 na naglalayong ideklara ang Board of Trustees for the Veterans of World War II (BTVWWII), bilang isang pampublikong tanggapan at ang kanilang pondo bilang pampublikong pondo.


Ang panukala ay iniakda ni Antipolo City Rep. Resurreccion Acop na nagsabing wala nang dahilan pa para hindi payagan ang Commission on Audit (COA) para tuusin o eksaminin ang pondo at paggasta ng board sa ngalan ng transparency at public accountability. 


Ang Republic Act 3518 ang nagtatag sa BTVWWII bilang isang pribadong tanggapan kaya’t ang pondong inilaan dito ay kinonsiderang pribadong pondo.


Inaprubahan din ng Komite ang House Resolution 1157 na nagbibigay parangal kay Quartermaster 2nd Class (QM2) Raymond Joseph Olley sa kanyang kabayanihan sa Pilipinas noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig.


Ipinaganak si Olley noong ika-2 ng Abril, 1923 sa Hillsdale, New Jersey, United States at lumahok siya sa US Navy noong 1942.


Sa kasagsagan ng digmaan, siya, kasama ang iba pang mga beteranong Amerikano, habang sakay ng Landing Ship 311 ay kanilang binaybay ang Leyte, Mindoro, Bataan, Corregidor, Pangasinan at Mindanao.


Sa Battle of Leyte ay nagpakita siya ng katapangan habang nakikipag bakbakan sa mga Hapon para sa mga Pilipino.


Nang siya ay mamalagi sa Pilipinas matapos ang digmaan ay madalas niyang ikwento kung gaano niya kamahal ang Pilipinas.


Dahil sa kanyang kabayanihan ay nagkamit siya ng ibat ibang pagkilala at medalya ng katapangan tulad ng Philippine Liberation Ribbon W/2 Stars, at World War II Victory Medal.


Ang resolusyon ay iniakda ni San Jose del Monte City Rep. Florida Robes.

-2021 badyet ng DA, siniyasat ng mabuti ng Kamara

Masusing siniyasat ng Committee on Agriculture and Food ng Kamara ang mga programa, proyekto at mga plano ng Department of Agriculture (DA) sa susunod na taon sa gitna ng krisis pangkalusugan na nararanasan ng bansa.


Ngunit tiniyak ni Agriculture Secretary William Dar sa Komite na malaki ang pag-asa at paniniwala ng kagawaran sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pangingisda, dahil sa antas na 1.6 por syentong pagpapalawak simula nang second quarter ngayong taon, sa kabila ng nararanasang pandemya at pagsasara ng sistema ng mga produksyon at pamamahagi ng pagkain sa mamamayan.


Sinabi ni Secretary Dar na patunay ito na kayang umangat ng sektor ng sakahan at pangisdaan sa bansa basta’t nabibigay ng tama at mabilis ang tulong at suporta ng kagawaran na nakalaan para sa kanila katuwang ang ating mga kaagapay sa kaunlaran.


Ipinagbigay-alam ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing sa DA na ang pamamahagi ng abono at pananim sa mga magsasaka ng palay ay labis na naantala.


Ang mga magsasaka ay napipilitang mangutang o magsangla ng mga pananim at abono na siya nilang ikinalulugi, ayon pa kay Suansing.


Tumugon naman si Dar sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa Kamara, sa pagtatatag ng “integrity circles” upang maiwasan ng mga magsasaka ang pagbebenta ng mga ayudang natatanggap nila mula sa pamahalaan.


Ang “integrity circle” ay kabibilangan ng mga kinatawan ng gobyerno, pribadong sektor, mga samahan sa komunidad at iba pang may kaugnayan sa pagseseguro at pagpapalakas ng mabuting pamamahala sa industriya.


Samantala, sinabi ni Bataan Rep. Geraldine Roman na ang paglahok ng Kamara sa lahat ng mga inisyatiba ng DA ay dapat na maging malinaw.


Ayon kay Roman, kailangan umanong gampanan ng Kongrso ang oversight functions nito upang matiyak na ang mga proyekto ng kagawaran ay kapakipakinabang, hindi napo-politika at talagang makakatugon sa mga pangangailangan ng ating mga nasasakupan.


Ang pagdinig sa pamamagitan ng online ay pinamunuan ni Committee Chairman at Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga.

Sunday, September 20, 2020

-Panukalang pagpapaibayo ng propesyunalismo sa pamamahayag, aprubado na sa Kamara

Ang mga mamamahayag at iba pang manggagawa sa media ay nalalapit nang magkakaroon ng buong proteksyon sa kanilang pagta-trabaho matapos aprubahan ng House Committee on Labor and Employment House ang House Bill 2476.

Pinapurihan ni ACT-CIS Partylist Representative Rowena Niña Taduran, may-akda ng panukalang batas na tinatawag na Media Workers Welfare Act, ang kanyang mga kasamahan sa Kongreso sa mabilisang aksyon sa naturang panukala na magbibigay ng dagdag lakas sa tinatawag na Fourth Estate. 


Sa ilalim ng panukalang batas, lahat ng manggagawa sa media ay mabibigyan ng suweldong naaayon sa batas, magkakaroon ng security of tenure o hindi basta matatanggal sa trabaho, bibigyan ng karampatang hazard at overtime pay kasama pa ang benepisyo ng insurance, at iba pang benepisyo. 


Ayon pa kanya, kailangang umanong matanggal na sa industriya ng media ang contractual services na walang katapusang nire-renew lang kahit matagal nang nagta-trabaho ang isang media worker, dahilan para hindi siya magkaroon ng mga benepisyong naaayon sa batas.


Idinagdag pa niya na kailangan din daw bigyan sila ng dagdag na bayad kapag naaatasang magtrabaho sa mga delikadong pangyayari at dapat may mga equipment na bibilhin ng kumpanya para masiguro ang kanilang kaligtasan, hindi ‘yung kanya-kanya ng bili o sariling gawa lang ang mga media workers para maprotektahan ang kanilang sarili.

Thursday, September 17, 2020

-Panukalang badyet ng DFA na P21.96 bilyon, tinalakay na sa Kamara

Nagkakahalaga ng P21.96-bilyon ang panukalang pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa susunod na taon na tinalakayng Committee on Appropriations ng Kamara sa pamumuno ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go.


Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa hearing na nakatuon ang pondo ng kagawaran sa kapakanan at pagpapabalik ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.


Ayon kay Locsin, napabalik na ng kanilang tanggapan ang may 178,000 OFWs sa bansa at mayroon pang 177,000 OFWs ang umaasa na makakauwi na sila ng bansa sa pamamagitan ng mga inarkilang eroplano ng gobyerno at iba pang commercial flights.


Nagdesisyon umano ang kagawaran na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng kanilang Foreign Service Posts (FSPs) at iba pang proyekto, at ilaan ang pondo para dito bilang savings na magagamit ng pamahalaang nasyunal para tugunan ang nararanasang pandemya.


Idinagdag pa ni Locsin na hindi na sila hihirit pa ng karagdagang pondo at ilalaan na lamang umano nila ang bahagi ng kanilang badyet para sa pambansang pagpapaunlad ng ekonomiya habang tinitiyak ng kagawaran ang integridad ng ating mga teritoryo at seguridad, at ang pagsusulong ng kultura ng bansa at nang katayuan ng Pilipinas sa pandaigdigang pamayanan.

-Social assistance program sa 2021 budget ng DSWD, palalakasin at pabibilisin sa gitna ng krisis pangkalusugan

Matapos tiyakin ng mga opisyales ng  Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang kanilang mga social assistance programs, kasama na ang Social Amelioration Program (SAP) ay kanilang palalakasin at mamadaliin sa susunod na taon, nirepaso ng Committee on Appropriations sa Kamara ang panukalang badyet ng kagawaran na nagkakahalaga ng P171.22-bilyon para sa 2021.


Kasama sa kanilang badyet ang pondo na nakalaan para sa kanilang mga kaakibat na ahensya na tumaas ng 4.39 percent kumpara sa kasalukuyang badyet na nagkakahalaga ng P164.02-bilyon.


Sinabi ni DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista na bahagi ng panukalang badyet ng kagawaran sa 2021 ay nakatuon sa ilang pagbabago sa programa para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Sustainable Livelihood Programs, Supplemental Feeding Programs at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services, Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay (KALAHI-CIDDS-KKB).


Ang programang 4Ps ang may pinakamalaking pondo sa mga pangunahing programa ng DSWD na nagkakahalaga ng P113.8-bilyon, upang patuloy na magawaran ng ayuda ang may 4.4 milyong mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng tulong-pinansyal, edukasyon at ayuda para sa pangkalusugan.


Kinuwestyon ng ilang miyembro ng Komite ang mga opisyales ng kagawaran sa pagkaantala ng pamamahagi ng ikalawang yugto ng SAP 2.


Nilinaw naman ni DSWD Usec Danilo Pamonag na sa kasalukuyan ay nakapamahagi na sila ng may kabuuang P82-bilyon sa 13 milyong pamilya sa buong bansa at umaasa ang DSWD na ang lahat ng mga benepisaryo ay matutulungan matapos na makumpleto ang kanilang talaan sa pagpoproseso ng mga kinakailangang dokumento.

Wednesday, September 16, 2020

-Badyet ng CHED para sa taong 2021, itutuon sa usaping pagtugon sa flexible learning

Sa pagtalakay ng panukalang pondo ng Commission on Higher Education (CHED) sa Kamara para sa susunod na taon, napag-alaman na nagkakahalaga ng P50.9-bilyon, o mas mataas ng 6.39 percent sa kanilang 2020 budget ng kagawaran na nagkakahalaga ng P47.9-bilyon lamang.


Sinabi ni Deputy Speaker Dan Fernandez na malaki ang maging epekto nito sa mga estudyante ng new normal at sa kahalagahan ng pagbabago sa mga pamamaraan ng pagtuturo.


Ayon kay Fernadez, ang mga mag-aaral ay hindi maka-focus at tandaan daw natin na hindi lamang ang pagbabahagi ng karunungan ang ating tinitiyak subalit pinaiiral din natin ang wastong disiplina.


Sinabi naman ni  CHED Chairman Prospero de Vera na dapat seryosong pag-aralan ang epekto ng teknolohiya sa flexible learning.


Ayon kay de Vera, wala naman talagang daw eksperto dito at ginagawa umano nila ang lahat ng paraan para mapag-aralan ito nang may pagkakaisa.


Aniya, kailangan daw nilang tiyakin na yung mga wastong pamamaraan ang pinaiiral at yung mga hindi tama ay iwasan.


Samantala, may panawagan sa CHED sa naturang pagdinig na pag-aralan din ang mga babayarin sa internet upang hindi ito maging pabigat sa mga estudyante at mga guro sa panahon ng pandemya.


Sa kanyang tugon, sinabi ni de Vera na masusuing nakikipag-ugnayan ang komisyon sa Department of Information and Communications Technology upang gumawa ng pagtaya sa aktwal na koneksyon ng internet sa ibat ibang paaralan para makagawa ng pamamaraan ang pamahalaang nasyunal ng wastong solusyon.


Gagamitin din ng CHED ang mga datos na ito sa pagpapaunlad ng iba pang koneksyon sa mga state universities at colleges na nakatanggap ng P3-bilyong alokasyon mula sa pondo ng Bayanihan to Recover as One Act.

Tuesday, September 15, 2020

-Pinaluwag na physical distancing sa transportasyon sa gitna ng pandemya, kinuwestyon sa Kamara

Sa naging pahayag ng mga opisyales ng Department of Transportation (DOTr) na luwagan ang pagpapairal ng physical distancing na pinaiiral sa mga pampublikong transportasyon, kinuwestyon ng Committee on Appropriations sa Kamara de Representantes ang desisyon ng kagawaran.


Pinagpaliwanag ni Iloilo Rep. Janette Garin sa pagdinig ng badyet ng departamento sa susunod na taon ang kanilang desisyon na luwagan ang distansya ng mga pasahero sa 0.3 metro mula isang metro sa mga susunod na buwan, samantalang tumataas ang bilang ng mga manggagawa na pumapasok na sa kani-kanilang mga trabaho at sumasakay sa mga pampasaherong sasakyan.


Sa kanyang sagot, tiniyak ni Transportation Arthur Tugade na ang desisyon nila ay hindi magiging dahilan para lumala ang sitwasyon at pagkalat ng COVID-19 kapag naipapatupad lang ng maayos ang pamantayan sa pangkalusugan.


Sinabi ng kalihim na maipapakita ng kagawaran na ang usaping pangkalusugan at pangangalaga sa kaligtasan ng mga mamamayan ay hindi malalagay sa panganib kapag mahigpit na ipinatutupad ang paggamit ng face mask, face shield, parating paghuhugas ng kamay, pagbabawal sa pag-uusap, pagkain at paggamit ng cellphones, pagbabawal sa mga asymptomatic at mga senior citizens sa mga pampublikong sasakyan.


Nilinaw niya na ang pagpapaluwag ng social distancing ay desisyon hindi lamang ng kagawaran, kungdi pati na rin ng Inter Agency Task force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).


Batay sa nakaraang presentasyon ng Development Budget Coordination Committee on the 2021 National Expenditure Program, ang ahensiya ay makakatanggap ng alokasyon na nagkakahalaga ng P143.6 bilyon o pampito sa mga kagawaran na may pinakamalalaking badyet para sa taong 2021.


Mataas ito kesa sa pambansang pondo nito na P100.6-bilyon ngayong 2020.

-2021 budget ng DepEd, nakatuon sa distance learning sa harap ng new normal

Sa pagtalakay ng panukalang badyet ng para sa taong 2021 ng Department of Education (DepEd) sa Kamara de Representantes kahapon, nakita na tumaas ng 9.5% o nagkakahalaga ng P605.74 bilyon kumpara sa P552.99 bilyon lamang na badyet para sa kasalukuyang taon ng kagawaran.


Tiniyak ni Education Secretary Leonor Briones na habang naninibago ang sektor ng edukasyon na mai-akma sa new normal ang kalagayan ng akademya ay kanilang itatakda ang plataporma upang mapag-aralan ang mga bagong teknolohiya para sa pagpapatupad ng distance learning.


Sinabi ni Secretary Briones na kanila umanong nakikinita ang kinabukasan ng ating edukasyon at a lam daw nila na ang ating mga gusali at mga kagamitan ay hindi na angkop sa makabagong sistema ng pag-aaral kapag tayo ay sumulong na sa new normal.


Hinikayat ni Majority Leader Juan Miguel Macapagal Arroyo ang DepEd na tiyakin ang wastong paggamit ng internet connection, lalo na sa mga paaralang nasa kanayunan.


Samantala, nangako si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo sa DepEd na tutulong siya sa pamamagitan ng pagsasabatas ng mga panukala upang magawaran ng ayudang pinansyal para sa internet connections ang mga guro sa pampublikong paaralan.

Monday, September 14, 2020

-Mga ISPs, binalaan ng isang mambabatas

Nagbabala si ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran sa mga Internet Service Provider bunga ng dumaraming reklamo sa social media kaugnay ng mga ISP na pumapalya sa kanilang serbisyo. 


Sinabi ng Taduran na ang kabiguan nilang maibigay sa publiko ang tamang serbisyo ay maihahalintulad sa pandaraya at maling patalastas.


Ayon sa kanya, mahalaga ang connectivity lalo na ngayon na karamihan sa mga transaksiyon ay isinasagawa na sa internet kagaya ng mga klase sa school at tutorials at sa mga trabaho.


Nanawagan ang mambabatas sa 

National Telecommunications Commission (NTC) at sa mga Kagawaran ng Information and Communications Technology atTrade and Industry na aksyunan ang napakalaking kakulangang ito ng mga ISP sa pagbibigay ng disenteng serbisyo. 


Dapat isuplay ng mga provider ang nararapat na serbisyo ayon sa nakasaad sa kontrata at hindi yung naniningil sila ng mahal sa gumagapang na serbisyo at kung ang kaya nila lang ay 5 mbps, huwag nila singilin ng para sa 75 mbps ang subscribers nila. 


Ang Pilipinas ang may pinakamabilis na lumalaking populasyon ng gumagamit ng internet pero ito rin ang may pinakamalalang serbisyo sa internet.

-Pinadadagdagan sa Kamara ang pondo ng OVP para sa taong 2021

Umapela ang ilang mga kongresista na dagdagan umano ang pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2021.


Personal na humarap si Vice President Leni Robredo kahapon sa pagdinig ng 2021 budget sa House Committee on Appropriations.


Ang pondo ng OVP sa susunod na taon ay ₱679.074 million na pinakamaliit na pondo sa 2021 national budget, higit na mababa kumapara sa budget nila ngayong taon na ₱708.01 million.


Inirekomenda ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na dagdagan umano ng 10% ang OVP budget dahil nakikita naman daw umano ang mga hakbang at dedikasyon ni VP Robredo na makatulong sa pamahalaan ngayong may pandemya.


Ang hiling naman ni Baguio Rep. Mark Go, doblehin ang budget ng OVP para marami pang magawa at matulungan ang tanggapan ng Vice President.


Ayon naman kay VP Robredo, kung madadagdagan ang kanilang pondo ay malaking tulong sa kanila para mas marami pa silang komunidad na mapagsilbihan.

Sunday, September 13, 2020

-Modelong contact tracing sa COVID-19 ng Baguio City, gagamitin sa Metro Manila

Gagamitin ng mga mayor ng Metro Manila ang pamamaraan ng contact tracing na ginawang modelo ng DOH upang makatulong sa pagpapahinto ng pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa kanilang mga nasasakupan.


Sinabi ni Baguio City Mayor at Contact Tracing Czar Benjamin Magalong na kanilang ginamit ang modelo ng DOH na ginamitan lamang nila ng digital at analytical tools, bilang tugon sa tanong ni Manila Rep. Edward Vera Perez Maceda kung maaari ba aniya nilang gamitin sa kanilang distrito ang pamamaraan ng Baguio City sa contact tracing.


Isa si Magalong sa inanyayahang resource person sa isinagawang pagdinig ng Committee on Metro Manila Development sa Kamara na pinamunuan ni Chairman at Manila Rep. Manuel Luis Lopez para talakayin ang mga isinasagawang contact tracing, testing at quarantine efforts ng pamahalaan laban sa COVID-19.


Binigyang-diin ni Magalong ang kahalagahan ng analytical at digital approach sa contact tracing upang mapababa ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa sakit na dala ng COVID-19.


Idinagdag din niya para sa kabatiran ng mga lokal na pamahalaan, na ang dahilan kung bakit hindi nagtatagumpay ang pagsisikap ng ilang LGUs sa operasyon ng contact tracing ay dahil sa kakulangan ng pondo sa pagpapatupad nito, ang hindi pagtulong ng mga nagpapatupad ng batas, at ang kakulangan sa pagsasanay ng mga contact tracers.

-Nambabato ng mga sasakyan, may mabigat na kaparusahan

Pasado na sa Committee on Justice sa Kamara na pinamumunuan ni Rep. Vicente S.E. Veloso III ang inamyendahang bersyon ng panukalang batas na naglalayong patawan ng mabigat na kaparusahan ang mga nambabato ng mga sasakyan o nagtatapon ng mga bagay na nakakaapekto sa pagtanaw ng isang tsuper.


Kasama sa panukalang iniakda ni Rep. Ria Christina Fariñas ang parusa ng pagsasawalang bisa ng lisensya sa pagmamaneho ng isang lumabag sa naturang panukala sa sadaling ito ay maging isang batas at pagbabawal sa pag-aaplay ng panibagong lisensya.


Tinalakay na rin ng Komite ang HB 7588 na iniakda ni Deputy Speaker Ferdinand Hernandez at HB 6348 ni Committee Vice-Chairperson Jonathan Keith Flores na parehong naglalayon na gawaran ng survivorship benefits ang mga nabubuhay at lehitimong asawa at mga kwalipikadong dependent children ng isang yumao at nagretirong Taga-Usig mula sa National Prosecution Service.


Nilinaw ni Flores na sa kasalukuyang sistema ay wala ng natatanggap na survivorship benefits ang mga nagretirong prosecutor dahil sila ay hindi na mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS), at nais lamang ng panukala na matugunan ang kawalan nila ng benepisyo.


Samantala, inaprubahan ng Komite ang Committee Report ng substitute bill sa HBs 4461, 4683 at 4655 na magtatatag ng hiwalay na maximum-security facility sa mga prisonerong nahatulan ng heinous crimes.

Wednesday, September 09, 2020

-Pagbuo ng isang AIPA Committee para matugunan ang epekto ng pandemya sa kalikasan, ipinanawagan

Sa kabila ng mga usapin hinggil sa iligal na kalakalan ng hayupan at pabayang pagtatapon ng mga basurang medikal sa gitna ng pandemya sanhi ng COVID-19, isinusulong ni Rep. Josephine Ramirez-Sato ang pagbuo ng Committee on Biodiversity and Environment Matters sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA).


Iminungkahi ni Ramirez-Sato sa pamamagitan ng video conference ang kanyang panukala matapos niyang iulat ang report ng delegasyon ng Pilipinas sa 41st AIPA General Assembly Committee on Social Matters.


Sinabi ng mambabatas na sa pagtatatag ng environmental sustainability at biodiversity protection, dapat ay tinutugunan ito ng ibat ibang sektor, kaakibat ang disiplina.


Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan upang ito ay mapakinabangan ng mga susunod na henerasyon.


Samantala, kumatawan naman si Committee on Inter-Parliamentary Relations and Diplomacy Chairperson Rep. Divina Grace Yu sa delegasyon ng Pilipinas sa virtual meeting ng AIPA Committee on Organizational Matters.


Ang 41st AIPA General Assembly virtual meeting ay kaunaunahan sa kasaysayan ng AIPA na pinangunahan ng Vietnam na ginanap noong ika-8 hanggang ika-10 ng Setyembre sa Hanoi International Convention Centre.


Ang mga miyembrong parlyamento ng AIPA ay ang mga bansang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao People’s Democratic Republic, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnam.

-Prangkisa ng Bulacan International Airport, pasado na Kamara

Ipinasa na sa Kamara de Representantes ng Kongreso sa pangatlo at pinal na pagbasa ang panukalang maggagawad ng prankisa sa San Miguel Aerocity, Inc. para magtayo at magsilbi bilang domestic at international airport sa Bayan ng Bulakan, Lalawigan ng Bulacan.


Gagawaran din ng nasabing panukala ang San Miguel Aerocity, Inc. ng karapatan na paunlarin, paganahin at magmantine ng karatig na airport city.


Ang panukala ay iniakda ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado.


Samantala, aprubado na rin sa Kamara ang mga panukalang naglalayong magtatag ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Training and Assessment Centers sa ibat iba mga lugar sa bansa.


Ang pagtatatag ng mga TESDA Training and Assessment Centers ay pangunahing magbibigay ng technical-vocational education and training (TVET) programs sa mga estudyante mula sa mga mahihirap na pamilya at mga out-of-school-youth, kasama na ang mga may kapansanan at mga katutubo.


Layunin ng proyektong ito na sanayin ang mga kabataan na maging produktibo at kapaki-pakinabang sa panahong ng pandemya.

-Kalagayan sa mga lugar na may nagaganap na armadong pakikibaka, tinalakay sa Kamara

Tinalakay na sa Kamara ang maging tugon ng pamahalaan at ang kalagayan ng mga mamamayan sa mga lugar na may nagaganap na armadong pakikibaka sa pagitan ng pamahalaan at mga armadong grupo sa harap ng pandemya sanhi ng COVID-19.


Sa imbestigasyon na isinagawa ng Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity na pinamumunuan ni Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu, nagmungkahi ng mga pamamaraan ang tanggapan ng Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa pamamagitan ni Assistant Secretary Wilben Mayor.


Ang naturang tanggapan ay nakikipag-ugnayan sa mga nagsusulong ng usaping pangkapayapaan at mga Non-Government Organizations (NGOs) at ito ay kinabibilangan ng madalas na pagmo-monitor sa mga displaced individuals, pagsasaayos ng mga sistema para kagyat na makatugon sa mga nangangailangan, pamamahagi ng mga relief goods, pag-uulat ng mga pag-abuso sa mga karapatan at kapakanan ng mga kabataan at pagmamaltrato sa iba pang kasarian, gayundin ang paggagamot sa sikolohikal na pa-iisip ng mga biktima ng karahasan at pagbibigay ng payo.


Dahil sa pandemya ay nabinbin ang usaping pangkapayapaan para sa Bangsamoro kung kaya’t nagkaroon ng kahirapan sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan at tumaas din ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin, kasama na ang kakulangan sa pagkain at iba pang mga karaniwang bilihin.


Bingyang-diin ni Mayor na ang OPAPP ay nakapagtatag na ng mga mekanismo na magpapatupad ng maayos na Transitional Justice and Reconciliation Program sa Katimugang Mindanao.

-Mga nakabinbing kaso ng mga opisyal ng Philhealth sa Civil Service, binulatlat sa Kamara

Ipinagpatuloy ang imbestigasyon ng pinagsanib na Komite ng Public Accounts at Good Government and Public Accountability sa Kamara tungkol sa umanoý korapsyon at katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).


Inisa-isa ni Public Accounts Committee Chairman at AnaKalusugan Partylist Rep Michael Defensor ang mga naisiwalat na katiwalian sa PhilHealth tulad ng sobra-sobrang kabayaran sa ibat ibang institusyon at pamemeke sa mga kalagayan ng mga pasyente para lumaki ang bayad at mga ‘multong’ pasyente.


Dito isiniwalat ni Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada na 74 na kaso na ang naihain laban sa mga opisyales ng PhilHealth mula 2010 hanggang 2020 na kinabibilangan ng pagkakasangkot mismo sa katiwalian ng kanilang mga regional vice presidents


Idinagdag pa ni Lizada na 19 na resolusyon sa mga kaso ang nakabinbin pa hanggang ngayon sa CSC.


Samantala, pinasusumite ni Defensor sa CSC ang listahan ng mga kaso na isinampa laban sa mga opisyales ng PhilHealth na kanilang tatalakayin sa susunod na pagdinig na itinakda bukas, Huwebes.

Tuesday, September 08, 2020

-Pagtatatag ng COVID-19 Solidarity Fund, panawagan ni Speaker Cayetano sa mga kapit-bansa sa ASEAN

Nanawagan kahapon si House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga bansa sa Timog Silangang Asya para sa pagtatatag ng regional fund upang mapondohan ang tulong para sa nga lugar na lubhang nasalanta ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Sa unang araw ng 41st General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) ngayong Martes ay iminungkahi ni Speaker Cayetano ang pagtatatag ng AIPA COVID-19 Solidarity Fund upang kagyat na makapamahagi ng pinansyal na tulong sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng pandemya sa Timog Silangang Asya.


Sinabi ni Cayetano na ang mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay dapat na magpatuloy sa pagkakapit-bisig upang mapangalagaan ang mga bansang nangangailangan ng tulong sa kabila ng pagsisikap ng bawat isa na makaahon sa ekonomiya.


Ayon pa sa House Leader na: “ASEAN through AIPA, shall heal and recover as one.”


Pinamunuan ni Cayetano ang delegasyon ng Pilipinas sa 41st AIPA General Assembly na kinabibilangan nina Deputy Speaker Raneo Abu, Committee on Foreign Affairs Chairperson Rep. Ann Hofer, Committee on Inter-Parliamentary Relations and Diplomacy Chairperson Rep. Divina Grace Yu, kasama si Rep. Samantha Louise Alfonso Vargas (2nd District, Cagayan).


Ang tema ng 41st AIPA General Assembly ay “Parliamentary Diplomacy for a Cohesive and Responsive ASEAN Community,” na isinagawa sa pamamagitan ng virtual meeting, ang kaunaunahan sa kasaysayan ng AIPA, na pinangunahan ng Vietnam simula ika-8 hanggang ika-10 ng Setyembre, 2020 sa Hanoi International Convention Centre.


Sa pamamagitan ng video-conference ay binigkas ni Speaker Cayetano ang kanyang mensahe sa mga kapwa miyembro ng parliyamento ng mga bansang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao People’s Democratic Republic, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnam.

-Pagbibigay ng prangkisa sa isang SMC subsidiary para sa itatayong airport sa Bulacan, pasado na sa Kamara

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa kamara ang House Bill No. 7507 o panukala na layong bigyan ng prangkisa ang subsidiary ng San Miguel Corp. (SMC) na San Miguel Aerocity Inc. para sa itatayong 2,500 hectares na Bulacan Airport.


Sa datos ng mababang kapulungan 218 ang bomoto ng Yes , 6 ang No at 2 Abstention sa panukalang gawaran ang naturang kompanya ng prangkisa para construct , mag-develop, at mag-operate sa itatayong New Manila International Airport at adjacent aiport nito sa Bulakan.


Nakasaad din sa ilalim ng HB 7507 na walang babayaran na direct o indirect taxes ang SMC sa sa susunod na 10 taon gayundin ang pag extempt sa kompanya sa pagbabayad ng income taxes, VAT, customs duties, business taxes, franchise taxes at iba pang charges sa konstruktion at operasyon ng paliparan.


Bukod dito ay nakapaloob din sa profit-sharing agreement nang inaprubahang franchise bill na ang sobra sa 12% ng Internal Rate of Return (IRR) na na-generate na income ng Airport City ay ibibigay sa gobyerno.


Samantala aabot naman sa P735.6 billion ang pondong ilalaan para sa construction at operation ng nasabing international airport.

-Panukalang pagkakaroon ng patas na imbestigasyon kapag nagkaroon ng aksidente, suportado ng HPG, DOTr at LTO

Nagpahayag ng suporta ang Philippine National Police (PNP)-Highway Patrol Group (HPG) , Department of Transportation (DOtr) at Land Transportation Office (LTO) sa mga panukalang batas sa kamara na naglalayong magkaroon ng fair investigation at accountability kapag nagkaroon ng mga road accidents sa bansa.


Sa virtual deliberation ng House Committee on Transportation kaugnay sa Fair Road Crash Investigation and Accountability Act ipinahayag ni HPG  Operations Management Division  Chief Police Lt. Col. Oliver Tanseco na buo ang kanilang supporta sa nabanggit na mga panukala na inihain nina Batangas Rep. Mario Vittorio Mariño at Iligan City Rep. Frederick Siao .


Ayon kay Tanseco kung pagbabasehan ang datos ng WHO (World Health Organization) o WHO na 1.35 million deaths sanhi ng mga road crashes noong 2018  at ang naitalang 11,618 deaths ng (Philippine Statistics Authority) o PSA sanhi ng mga road accidents sa Pilipinas ay nangangahulugan aniya na mayroon 32 ang mga nasawi o isa kada 45 minuto ang namamatay sa bansa bunsod ng mga aksidente sa kalsada na ibig sabihin ay napapanhon narin aniya para amyendahan ng gobyerno ang naturang batas.


Sinabi pa ni Tanseco na suportado nila ang imbestigasyon na hindi lamang nakatuon sa drivers’ culpability kundi maging sa iba pang aspeto tulad ng motor vehicle’s roadworthiness, road condition ,pag responde ng emergency service at maging ang presensya o kawalan ng mga batas na sisiguro sa road safety.


Bagay na suportado rin nina Land Transportation Office chief Assistant Secretary Edgar Galvante, at DOTr Assistant Secretary Steve Pastor.


Nabatid na kasalukuyan ay nakatuon lamang ang batas sa drivers culpabality o pananagutan ng driver kapag mayroong aksidente sa kalsada itoy kahit pa may pagkakamali din ang biktima tulad ng pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak o droga at hindi pagtawid sa tamang tawiran.

-Proposed 2021 budget ng Department of National Defense, isinalang na sa Kamara

Tinalakay na kahapon ng House Committee on Appropriations ang panukalang 283.2 Billion pesos na 2021 budget ng Department of National Defense.


Naunang magpresenta sa 2021 budget ng kagarawan si Defense Secretary Delfin Lorenza kung saan ipinaliwanag nito na 74% ng kabuuang budget ng DND o 208.7 billion ang inilaan para sa regular fund habang 26% o 74.5 billion ang para naman sa pension ng uniformed personnel na tumaas ng 8.85% mula sa 2020 budget na 191.7 billion.


Sinabi ni Seccretary Lorenzana na ang naturang increase ay bunsod ng dagdag na pondo para sa Personnel Services na nasa P2.4 Billion, Maintenance ang Other Operating Expenses (MOOE) na P7.6 Billion at Capital Outlay na nasa P6.89 Billion.


Bukod dito, naglaan din ng 500 million ang ahensya para sa quick response fund sa ilalim ng Office of the Civil Defense, habang mayroon pa ring nakapaloob na 1.1 billion at 440,000 para sa COVID-19 related programs and project.


Nagkaroon din ng 8.2% increase para sa AFP Retirees pension na nagkakahalaga ng 4.85 billion.


Habang napanatili naman sa 10.8 billion ang pension para sa mga world war 2 veterans na aabot sa 5,000 hangggang 20,000.


Sa ilalim din ng proposed 2021 budget, P96.8 Billion ang pondo para sa Army, P29.8 Billion naman sa Air Force habang P31.2 Billion naman sa Navy o kabuuang 203.26 billion pondo para sa Armed Forces of the Philippines.


Humihingi naman ng rekonsiderasyon ang DND para sa ilan sa kanilang mga programa na hindi naisama sa NEP na nagkakahalaga ng 8.73 billion.


Kabilang dito ang 15% na initial payment para sa pagbili ng karagdagang (5) C-130J, Operationalization ng 11ID, at Five-Year Acquisition Program para sa Mission-Essential Equipment ng Naval Sea Systems Command.

-Panukalang badyet ng DND, tinalakay na sa Kamara

Kabuuang 283.2billion pesos ang proposed 2021 budget ng Department of National Defense.

74% nito, o 208.7 billion ang inilaan para sa regular fund habang 26% o 74.5 billion ang para naman sa pension ng uniformed personnel.


Katumbas ito ng 8.85% na pagtaas mula sa 2020 budget na 191.7 billion ng ahensya.


Sa budget briefing na isinagawa sa Kamara, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na ang naturang increase ay bunsod ng dagdag na pondo para sa Personnel Services na nasa P2.4 Billion, Maintenance ang Other Operating Expenses (MOOE) na P7.6 Billion at Capital Outlay na nasa P6.89 Billion.


500 million naman ang inilaan para sa quick response fund sa ilalim ng Office of the Civil Defense, habang mayroong namang nakapaloob na 1.1 billion at 440,000 para sa COVID-19 related programs and project.


Nagkaroon din ng 8.2% increase para sa AFP Retirees pension na nagkakahalaga ng 4.85 billion.


Habang napanatili sa 10.8 billion ang pension para sa mga world war 2 veterans na aabot sa 5,000 hangggang 20,000.


Sa ilalim din ng proposed 2021 budget, P96.8 Billion ang pondo para sa Army, P29.8 Billion naman sa Air Force habang P31.2 Billion naman sa Navy o kabuuang 203.26 billion pondo para sa Armed Forces of the Philippines.


Humihingi naman ng rekonsiderasyon ang DND para sa ilan sa kanilang program ana hindi naisama sa NEP na nagkakahalaga ng 8.73 billion.


Kabilang dito ang 15% nainitial payment para sa pagbili ng karagdagang (5) C-130J, Operationalization ng 11ID, at Five-Year Acquisition Program para sa Mission-Essential Equipment ng Naval Sea Systems Command.

Sunday, September 06, 2020

-Pagpapaigting ng proteksiyon laban sa pag-abusong sekswal sa gitna ng pandemya

Pasado na sa Kamara ang substitute bill ng mga panukala na naglalayong paigtingin ang proteksyon laban sa sekswal na pag-abuso sa pamamagitan ng pagtataas ng edad sa mga biktima ng statutory rape.


Sa isang joint decision ng Committee on Revision of Laws sa pamumuno ni Zambales Rep Cheryl Deloso-Montalla, kasama ang Committee on the Welfare of Children na pinamumunuan naman ni Tingog Sinirangan Rep  Chairperson Yedda Marie Romualdez inaprubahan nila ang bill.


Layunin ng panukala na amiyendahan ang Republic Act 3815 o ang Revised Penal Code; Republic Act 8353 o ang Anti-Rape Law of 1997; at RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.


Nilinaw ni Agusan del Norte Rep Lawrence Fortun, Chairman ng Technical Working Group (TWG) na pinag-isa nila ang mga magkakatulad na mga panukala na inaamiyendahan ng substitute bill ang kahulugan ng rape na isinasama ang “certain acts of perversion for sexual gratification.”


Itinataas din nito ang edad ng statutory rape mula sa mas mababa sa 12 taong gulang tungo sa mas mababa sa 16 na taong gulang.


Ayon sa ilang probisyon, sinasabi na hindi lamang sa mga kababaihan maaaring mangyari ang rape kungdi maging sa mga kalalakihan din at sa iba pang kasarian anuman ang kagustuhan ng nanghalay at sa mga bata anuman ang kanilang kasarian.


Sinabi ni Deloso-Montalla na isinama ng TWG ang dalawang mahahalagang probisyon sa substitute bill, ito ay ang 1) Hindi papayagan ang pag-aatras sa kaso habang ito ay nililitis ng hukuman, at 2) Hindi papayagan ang kasunduan sa pagitan ng magkabilang panig habang nililitis ang kaso sa hukuman.

-Maling paggamit ng IRM sa Philhealth, patuloy par rin inimbistigahan

Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng pinagsanib na Komite ng Public Accounts at Good Government and Public Accountability sa Kamara hinggil sa umano’y katiwalian sa PhilHealth, ginisa ng mga mambabatas ang mga opisyales nito dahil sa maling paggamit ng pondo ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na inilaan umano para sa mga biktima ng COVID-19.


Isiniwalat ni Marikina City Rep Stella Quimbo na 712 pasilidad na ang nakatanggap ng IRM funds, at 458 dito ay nai-liquidate na hanggang ika-10 ng Agosto, subalit 346 dito o kabuuang 75 porsyento nito ay walang kaugnayan sa sakit dulot ng COVID-19.


“Sa madali’t sabi, ang pondong inilaan para sa COVID-19 ay hindi nagamit ng wasto,” ayon pa kay Quimbo.


Binatikos ni Senior Deputy Majority Leader at Cavite Rep Jesus Crispin Remulla ang PhilHealth sa paglalaan ng pondo ng IRM sa mga pasilidad na hindi gumagamot ng mga kaso ng COVID-19 tulad ng mga dialysis centers.


“Bakit ninyo kailangan paghalu-haluin ‘yung pondo ng gobyerno? Itong pondong ito, dapat IRM pang-COVID. Itong pondong ‘to ay dapat pambayad ng utang . . . ngayon, hinalo-halo ninyo ang pondo. Technical malversation ‘yun, malinaw na malinaw,” ani Remulla naman.

-Bisa ng lisensiya ng mga baril, pinalawig sa gitna ng pandemya

Pumasa na sa komite ng Kamara ang House Resolution 1119 ni Rep Gavino Pancho na naglalayong palawigin ang bisa ng mga lisensya ng baril tulad ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) ng isang taon.

Hinihimok ng resolusyon ang Hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na pansamantalang isuspinde ang pagsumite ng mga kinakailangang dokumento para sa pagpoproseso ng renewal sa lisensya ng mga may-ari ng baril upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, at ang revocation ng mga lisensya at rehistro ng baril sa ilalim ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.


Inaprubahan ng Committee on Public Order and Safety na pinamunuan ni Chairman at Masbate Rep Narciso Bravo Jr. ang Committee Report tungkol sa HR 1119 habang hinihintay pa ang isusumiteng komento ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense (DND).


Samantala, nagkaisa namang sinuportahan ng mga kasapi ng LTOPF, PTCFOR, Philippine Shooters and Match Officers Confederation (PSMOC), Firearms Ammunition Manufacturers Association of the Philippines (FAMAP) at ang Philippine Practical Shooting Association (PPSA) ang HR 1119.

Saturday, September 05, 2020

-Mga panukala laban sa iligal na droga, aprubado na sa gitna ng pandemya

Ipinahayag ni Dangerous Drugs Committee Chairman at Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers na inaprubahan na nila sa komite ang iilang mga panukala para pag-ibayuhin ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga sa harap ng pandemya sanhi ng COVID-19.


Sinabi ni Barbers na kanilang ipinasa ang: 1) substitute bill ng mga panukala na naglalayong magtatatag ng anti-drug abuse councils (ADACs) sa lahat ng mga lalawigan, lungsod, bayan at mga Barangay sa buong bansa, at 2) ang substitute bill din ng mga panukala na may layuning palakasin ang pagpapatigil at pagkontrol sa droga sa pamamagitan ng pag-amiyenda ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


Inaprubahan din ng komite ang HB05627 na iniakda ni Rep Manuel Cabochan III na naglalayong ipairal ang regular na drug tests sa lahat ng mga kulungan, at ang HB06781 ni Rep Alexie Tutor na nagmu-mungkahing itatag ang National Anti-Illegal Drug Campaign and Research Program.


Tinalakay din ng Komite ang ulat ng technical working group hinggil sa pagtatayo ng drug rehabilitation and treatment centers sa buong bansa.


Inirekomenda rin ng TWG ang pag-amiyenda sa Section 75 ng RA 9165 na isailalim sa Department of Health (DOH) ang pamamahala at pagmamantine ng rehabilitation centers for drug dependents, sa dahilang ang usapin sa pag-aabuso sa droga ay problemang pangkalusugan.


Inendorso rin ng TWG sa komite ang paglalaan ng pondo sa Community Based Drug Rehabilitation Programs (CBDRPs) at ang pagbuo sa Drug Abuse Prevention and Control Bureau.

Thursday, September 03, 2020

-Pagtatatag ng mga development authorities sa buong bansa, lusot na sa dalawang komite ng Kamara

Inaprubahan na sa Kamara de Reresentantes ang apat na panukalang batas na naglalayong magtatatag ng mga development authorities sa buong bansa.


Aprubado sa dalawang Komite na pinamumunuan nina Ctte on Govt Enterprises and Privatization Chairman Parañaque City Rep. Eric Olivarez at Ctte on Local Govt Chairman Tarlac Rep. Noel Villanueva ang ibat ibang panukala sa ilalim ng mga sumusunod: House Bill 21 na magtatatag sa Mega Cebu City Development Authority at iniakda ni Cebu City Rep. Raul del Mar; HB 201 na magtatatag sa Metro-Bataan Development Authority ni Bataan Rep. Jose Enrique Garcia III; HB 432 na magtatatag sa Metro Cagayan De Misamis Development Authority ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez; at HB 7181 na magtatatag sa Metropolitan Davao Development Authority ni Davao City Rep. Isidro Ungab.


Ipinaliwanag ni Olivarez na ang mga naturang tanggapan ay may kahalintulad na tungkuling ginagampanan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na naglalayong lutasin ang mga karaniwan at katulad na suliraning nararanasan ng mga namumunong pulitiko at tagapamahala ng mga naturang lungsod at bayan.


Idinagdag pa ng mambabatas na hinihikayat ng mga panukala ang mga pagbabago at pagtatatag ng mga epektibong solusyon na napatunayan na sa lokal at pandaigdigang suliranin na may kaugnayan sa mabilis na pag-unlad tulad ng polusyon sa tubig at hangin, kapayapaan at kaayusan, kawalan ng trabaho, problema sa basura at ang paglaganap ng mga iskwater sa mga daanan ng tubig at liwasan.


Bilang isang kinatawan mula sa Metro Manila, sinabi ni Olivarez na may personal siyang kaalaman at karanasan kung papaano ang mabilis na pag-unlad sa kalunsuran ay nakakaapekto sa kaban ng bayan.


Naniniwala siya na sa pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan ay makakamit ang kaginhawaan hindi lamang sa direktang benepisyo at kita, kundi pati na rin sa mga programa at proyektong pangkaunlaran na ginagarantiya ng Local Government Code upang malutas ang karaniwang mga usapin.

Free Counters
Free Counters