-Modelong contact tracing sa COVID-19 ng Baguio City, gagamitin sa Metro Manila
Gagamitin ng mga mayor ng Metro Manila ang pamamaraan ng contact tracing na ginawang modelo ng DOH upang makatulong sa pagpapahinto ng pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa kanilang mga nasasakupan.
Sinabi ni Baguio City Mayor at Contact Tracing Czar Benjamin Magalong na kanilang ginamit ang modelo ng DOH na ginamitan lamang nila ng digital at analytical tools, bilang tugon sa tanong ni Manila Rep. Edward Vera Perez Maceda kung maaari ba aniya nilang gamitin sa kanilang distrito ang pamamaraan ng Baguio City sa contact tracing.
Isa si Magalong sa inanyayahang resource person sa isinagawang pagdinig ng Committee on Metro Manila Development sa Kamara na pinamunuan ni Chairman at Manila Rep. Manuel Luis Lopez para talakayin ang mga isinasagawang contact tracing, testing at quarantine efforts ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Binigyang-diin ni Magalong ang kahalagahan ng analytical at digital approach sa contact tracing upang mapababa ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa sakit na dala ng COVID-19.
Idinagdag din niya para sa kabatiran ng mga lokal na pamahalaan, na ang dahilan kung bakit hindi nagtatagumpay ang pagsisikap ng ilang LGUs sa operasyon ng contact tracing ay dahil sa kakulangan ng pondo sa pagpapatupad nito, ang hindi pagtulong ng mga nagpapatupad ng batas, at ang kakulangan sa pagsasanay ng mga contact tracers.
<< Home