Wednesday, September 09, 2020

-Kalagayan sa mga lugar na may nagaganap na armadong pakikibaka, tinalakay sa Kamara

Tinalakay na sa Kamara ang maging tugon ng pamahalaan at ang kalagayan ng mga mamamayan sa mga lugar na may nagaganap na armadong pakikibaka sa pagitan ng pamahalaan at mga armadong grupo sa harap ng pandemya sanhi ng COVID-19.


Sa imbestigasyon na isinagawa ng Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity na pinamumunuan ni Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu, nagmungkahi ng mga pamamaraan ang tanggapan ng Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa pamamagitan ni Assistant Secretary Wilben Mayor.


Ang naturang tanggapan ay nakikipag-ugnayan sa mga nagsusulong ng usaping pangkapayapaan at mga Non-Government Organizations (NGOs) at ito ay kinabibilangan ng madalas na pagmo-monitor sa mga displaced individuals, pagsasaayos ng mga sistema para kagyat na makatugon sa mga nangangailangan, pamamahagi ng mga relief goods, pag-uulat ng mga pag-abuso sa mga karapatan at kapakanan ng mga kabataan at pagmamaltrato sa iba pang kasarian, gayundin ang paggagamot sa sikolohikal na pa-iisip ng mga biktima ng karahasan at pagbibigay ng payo.


Dahil sa pandemya ay nabinbin ang usaping pangkapayapaan para sa Bangsamoro kung kaya’t nagkaroon ng kahirapan sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan at tumaas din ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin, kasama na ang kakulangan sa pagkain at iba pang mga karaniwang bilihin.


Bingyang-diin ni Mayor na ang OPAPP ay nakapagtatag na ng mga mekanismo na magpapatupad ng maayos na Transitional Justice and Reconciliation Program sa Katimugang Mindanao.

Free Counters
Free Counters