-Pagtatatag ng COVID-19 Solidarity Fund, panawagan ni Speaker Cayetano sa mga kapit-bansa sa ASEAN
Nanawagan kahapon si House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga bansa sa Timog Silangang Asya para sa pagtatatag ng regional fund upang mapondohan ang tulong para sa nga lugar na lubhang nasalanta ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Sa unang araw ng 41st General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) ngayong Martes ay iminungkahi ni Speaker Cayetano ang pagtatatag ng AIPA COVID-19 Solidarity Fund upang kagyat na makapamahagi ng pinansyal na tulong sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng pandemya sa Timog Silangang Asya.
Sinabi ni Cayetano na ang mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay dapat na magpatuloy sa pagkakapit-bisig upang mapangalagaan ang mga bansang nangangailangan ng tulong sa kabila ng pagsisikap ng bawat isa na makaahon sa ekonomiya.
Ayon pa sa House Leader na: “ASEAN through AIPA, shall heal and recover as one.”
Pinamunuan ni Cayetano ang delegasyon ng Pilipinas sa 41st AIPA General Assembly na kinabibilangan nina Deputy Speaker Raneo Abu, Committee on Foreign Affairs Chairperson Rep. Ann Hofer, Committee on Inter-Parliamentary Relations and Diplomacy Chairperson Rep. Divina Grace Yu, kasama si Rep. Samantha Louise Alfonso Vargas (2nd District, Cagayan).
Ang tema ng 41st AIPA General Assembly ay “Parliamentary Diplomacy for a Cohesive and Responsive ASEAN Community,” na isinagawa sa pamamagitan ng virtual meeting, ang kaunaunahan sa kasaysayan ng AIPA, na pinangunahan ng Vietnam simula ika-8 hanggang ika-10 ng Setyembre, 2020 sa Hanoi International Convention Centre.
Sa pamamagitan ng video-conference ay binigkas ni Speaker Cayetano ang kanyang mensahe sa mga kapwa miyembro ng parliyamento ng mga bansang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao People’s Democratic Republic, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnam.
<< Home