-Pagpapaigting ng proteksiyon laban sa pag-abusong sekswal sa gitna ng pandemya
Pasado na sa Kamara ang substitute bill ng mga panukala na naglalayong paigtingin ang proteksyon laban sa sekswal na pag-abuso sa pamamagitan ng pagtataas ng edad sa mga biktima ng statutory rape.
Sa isang joint decision ng Committee on Revision of Laws sa pamumuno ni Zambales Rep Cheryl Deloso-Montalla, kasama ang Committee on the Welfare of Children na pinamumunuan naman ni Tingog Sinirangan Rep Chairperson Yedda Marie Romualdez inaprubahan nila ang bill.
Layunin ng panukala na amiyendahan ang Republic Act 3815 o ang Revised Penal Code; Republic Act 8353 o ang Anti-Rape Law of 1997; at RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Nilinaw ni Agusan del Norte Rep Lawrence Fortun, Chairman ng Technical Working Group (TWG) na pinag-isa nila ang mga magkakatulad na mga panukala na inaamiyendahan ng substitute bill ang kahulugan ng rape na isinasama ang “certain acts of perversion for sexual gratification.”
Itinataas din nito ang edad ng statutory rape mula sa mas mababa sa 12 taong gulang tungo sa mas mababa sa 16 na taong gulang.
Ayon sa ilang probisyon, sinasabi na hindi lamang sa mga kababaihan maaaring mangyari ang rape kungdi maging sa mga kalalakihan din at sa iba pang kasarian anuman ang kagustuhan ng nanghalay at sa mga bata anuman ang kanilang kasarian.
Sinabi ni Deloso-Montalla na isinama ng TWG ang dalawang mahahalagang probisyon sa substitute bill, ito ay ang 1) Hindi papayagan ang pag-aatras sa kaso habang ito ay nililitis ng hukuman, at 2) Hindi papayagan ang kasunduan sa pagitan ng magkabilang panig habang nililitis ang kaso sa hukuman.
<< Home