-Pagbuo ng isang AIPA Committee para matugunan ang epekto ng pandemya sa kalikasan, ipinanawagan
Sa kabila ng mga usapin hinggil sa iligal na kalakalan ng hayupan at pabayang pagtatapon ng mga basurang medikal sa gitna ng pandemya sanhi ng COVID-19, isinusulong ni Rep. Josephine Ramirez-Sato ang pagbuo ng Committee on Biodiversity and Environment Matters sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA).
Iminungkahi ni Ramirez-Sato sa pamamagitan ng video conference ang kanyang panukala matapos niyang iulat ang report ng delegasyon ng Pilipinas sa 41st AIPA General Assembly Committee on Social Matters.
Sinabi ng mambabatas na sa pagtatatag ng environmental sustainability at biodiversity protection, dapat ay tinutugunan ito ng ibat ibang sektor, kaakibat ang disiplina.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan upang ito ay mapakinabangan ng mga susunod na henerasyon.
Samantala, kumatawan naman si Committee on Inter-Parliamentary Relations and Diplomacy Chairperson Rep. Divina Grace Yu sa delegasyon ng Pilipinas sa virtual meeting ng AIPA Committee on Organizational Matters.
Ang 41st AIPA General Assembly virtual meeting ay kaunaunahan sa kasaysayan ng AIPA na pinangunahan ng Vietnam na ginanap noong ika-8 hanggang ika-10 ng Setyembre sa Hanoi International Convention Centre.
Ang mga miyembrong parlyamento ng AIPA ay ang mga bansang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao People’s Democratic Republic, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnam.
<< Home