-Nambabato ng mga sasakyan, may mabigat na kaparusahan
Pasado na sa Committee on Justice sa Kamara na pinamumunuan ni Rep. Vicente S.E. Veloso III ang inamyendahang bersyon ng panukalang batas na naglalayong patawan ng mabigat na kaparusahan ang mga nambabato ng mga sasakyan o nagtatapon ng mga bagay na nakakaapekto sa pagtanaw ng isang tsuper.
Kasama sa panukalang iniakda ni Rep. Ria Christina FariƱas ang parusa ng pagsasawalang bisa ng lisensya sa pagmamaneho ng isang lumabag sa naturang panukala sa sadaling ito ay maging isang batas at pagbabawal sa pag-aaplay ng panibagong lisensya.
Tinalakay na rin ng Komite ang HB 7588 na iniakda ni Deputy Speaker Ferdinand Hernandez at HB 6348 ni Committee Vice-Chairperson Jonathan Keith Flores na parehong naglalayon na gawaran ng survivorship benefits ang mga nabubuhay at lehitimong asawa at mga kwalipikadong dependent children ng isang yumao at nagretirong Taga-Usig mula sa National Prosecution Service.
Nilinaw ni Flores na sa kasalukuyang sistema ay wala ng natatanggap na survivorship benefits ang mga nagretirong prosecutor dahil sila ay hindi na mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS), at nais lamang ng panukala na matugunan ang kawalan nila ng benepisyo.
Samantala, inaprubahan ng Komite ang Committee Report ng substitute bill sa HBs 4461, 4683 at 4655 na magtatatag ng hiwalay na maximum-security facility sa mga prisonerong nahatulan ng heinous crimes.
<< Home