Thursday, September 17, 2020

-Panukalang badyet ng DFA na P21.96 bilyon, tinalakay na sa Kamara

Nagkakahalaga ng P21.96-bilyon ang panukalang pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa susunod na taon na tinalakayng Committee on Appropriations ng Kamara sa pamumuno ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go.


Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa hearing na nakatuon ang pondo ng kagawaran sa kapakanan at pagpapabalik ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.


Ayon kay Locsin, napabalik na ng kanilang tanggapan ang may 178,000 OFWs sa bansa at mayroon pang 177,000 OFWs ang umaasa na makakauwi na sila ng bansa sa pamamagitan ng mga inarkilang eroplano ng gobyerno at iba pang commercial flights.


Nagdesisyon umano ang kagawaran na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng kanilang Foreign Service Posts (FSPs) at iba pang proyekto, at ilaan ang pondo para dito bilang savings na magagamit ng pamahalaang nasyunal para tugunan ang nararanasang pandemya.


Idinagdag pa ni Locsin na hindi na sila hihirit pa ng karagdagang pondo at ilalaan na lamang umano nila ang bahagi ng kanilang badyet para sa pambansang pagpapaunlad ng ekonomiya habang tinitiyak ng kagawaran ang integridad ng ating mga teritoryo at seguridad, at ang pagsusulong ng kultura ng bansa at nang katayuan ng Pilipinas sa pandaigdigang pamayanan.

Free Counters
Free Counters