Sunday, May 31, 2020

Pasado na sa Kamara ang bike bill bilang alternatibong transportasyon

Pinahayag ni Marinduque Rep Lord Allan Velasco ang pagkakapasa sa komite ng Kamara ng ‘bike bills’ bilang alternatibong transportasyon ng publiko sa ‘new normal’.
Pinasalamatan ng mambabatas ang House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Samar Rep Edgar Mary Sarmiento sa pagkakaapasa ng bike bills kung saan kabilang dito ang isinulong nitong HB04493 o ang pag-establisa ng Bike Lanes para sa kaligtasan ng mga nagbibisikleta bilang alternatibong pamamaraan ng transportasyon.
Sinabi nito na sa pamamagitan ng bisikleta ay mapananatili sa ‘new normal’ ang social distancing  at makakasunod sa safety protocols bukod pa sa iwas polusyon ang sistema.
Samantala ang Department of Transportation (DOTr ) naman ang magsisilbing lead agency sa pagpapatupad ng mga bike lanes para sa mga nais gumamit ng bisikleta sa pamamagitan ng National Bike Program.
Alinsunod din sa panukala ang ‘Pasig River Overhead Bike Lane’ ay maaaring tumawid sa pagbibisikleta sa mga lungsod ng Maynila, Makati, Taguig, Mandaluyong at Pasig tulad sa Netherlands, Denmark, United Kingdom at ma­ging sa Estados Unidos na pawang mga tinaguriang ‘bike friendly communities“.

Gulayan sa paaralan isinusulong sa Kamara

Isinusulong ni Las Piñas Rep Camille Villar ang “Gulayan sa Paaralan’ sa gitna na rin ng pandemya sa bansa na dulot ng COVID-19 upang mahubog ang mga mag-aaral sa kahalagahan ng pagtatanim ng mga gulay at iba pang pananim na pagkain.
Sinabi ni Villar na mahalagang maituro sa mga mag-aaral ang konsepto ng pag-cultivate ng sarili nilang mga campus farm sa loob ng kanilang mga eskuwelahan sa mura pa nilang mga edad dahil marami na umano ang mga nagbago ngayon tungo sa isang new normal sa panahon ng pandemic.
Sa sandaling mapagtibay ang kayang panukala, ang HB06472, ang mga lokal na pamahalaan ay may mandato na bigyan ng insentibo ang ‘urban agriculture’ sa mga lugar na kanilang nasasakupan.
Ayon kay Villar, importante ang school gardening upang makabawas sa matinding epekto ng COVID-19 lalo na at mag-aani sila ng mga masustansyang gulay sa mga urban areas.
Idinagdag pa niya na kapag umuwi na sila ng bahay, ‘yung mga pinagtabasang gulay tulad ng kangkong, alugbati at iba pa ay maaari nilang itanim.
Binigyang diin ni Villar na base sa pagsasaliksik ay may positibong epekto ang gardening o paghahalaman sa mga estudyante kumpara sa mga campus na walang halamanan.

Accelerated recovery and investment stimulus for economy o ARISE, itinutulak sa Kamara

Pinahayag ni House Ways and Means Chair Albay Rep. Joey Sarte Salceda na itulak at palakasing muli ng P1.3 trilyong pondo ng Accelerated Recovery and Investment Stimulus for the Economy (ARISE) ang gulong ng ekonomiya ng bansa upang makabawi sa pagkalugmok dulot ng pananalasa ng COVID-19.
Sinabi ni Salceda na ang ARISE na dating Philippine Economic Stimulus Act o PESA ay isa sa may mga pinakamalaking suporta sa mga batas na inihain sa mababang kapulungan kamakailan, dahil sa umabot sa 267 ang co-authors nito.
May P586 bilyon sa pangkalahatang halaga ang nakatoka para sa taong 2020 at P10 bilyon naman nito ay gagastahin sa malawakang ‘testing’, upang pawiin ang alinlangan at takot ng publiko, lalo na sa hanay ng mga manggagawa.
Inaprubahan kaagad ng Defeat COVID-19 ADHOC panel ng nagdaang linggo ang ARISE para sa plenaryo.
Ayon kay Salceda, co-chair ng Economic Stimulus Package subcommittee ng Defeat COVID-19 panel, ang proposal ay naglalaman ng mahahalagang pamamaraan upang  makabangon ang ekonomiya at malunasan ang takot ng mga mamamayan sa pamamagitan ng  mga kongkretong pagkilos tungo sa matatag na kabuhayan.

Thursday, May 28, 2020

Pumasa na sa pangatlo at pinal na pagbasa ang Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center bill

Ipinasa na sa Kamara de Representantes sa pangatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na magdadagdag sa kabuuang 500 bed capacity sa Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center (LPGHSTC) mula sa kasalukuyang 200 beds lamang.
Nagpahayag ng pasasalamat si Las Piñas lone district Rep Camille Villar sa kanyang mga kasamahang mambabatas sa pagkakapasa ng HB03314 kanina sa plenaryo dahil aniya, ang naturang aksiyon nila ay naakma sa inisyatibo ng pamahalaan sa paglaban nito sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Villar na sa panahon ng isang krisis sa kalisugan, kailangan umano natin ng fully equipped na may sapat na resources at manpower ang ating mga ospital na pampubliko at dapat dagdagan ang kanilang mga bed capacity upang makapag-accommodate ang mga ito ng marami pang mga pasyente.
Idinagdag pa ng solon na kahit noong hindi pa tayo nasadlak sa coronavorus pandemic, ang nabanggit na ospital ay nag-iexperience ng overflow o naguumapaw ang mga pasyente nitong nakaraang limang taon pa kahit limitado ang bilang ng mga higaang pang-pasyente.
Ang LPGHSTC ay naitatag noong taong 1977 bilang Las Piñas Emegency Hospital, isang out-patient lamang na clinic at nagiisang ospital na pinatatakbo ng estado sa southern part ng Metro Manila.

Wednesday, May 27, 2020

Legislative calendar ng Kongreso, dapat amiyendahan para maiwasan ang kontrobersiya sa ekstensiyon ng mga sesyon

Iminungkahi ng ilang senior administration leaders ng Kamara de Representantes na amiyendahan ng Kongreso ang legislative calendar nito upang maiwasan ang isang constitutional controversy na maaring mangyari kung ito ay magpatuloy pang mag-sesyon matapos ang June 24 validity ng Bayanihan to Heal as One act.
Mariing sinabi nina Anakalusugan partylist Rep Michael Defensor at Ako Bicol partylist Rep Alfredo Garbin na may pangangailangang i-extend ang batas na naggawad ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para matugunan ang banta ng COVID-19 pandemic.
Ngunit gahol na umano ang Kongreso sa oras upang ito ay makapag-hain at makapag-pasa ng panukalang magbibigay ng ekstensiyon sa panahon na saklaw lamang sa batas dahil kulang-kulang sa dalawang linggo na lamang silang makapag-plenary session.
Batay sa kalendaryo ng Kongreso na inaprubahan ng dalawang kapulungan, ang sine die adjournment ay mag-umpisa sa June 6, kaya bale sila ay may hindi na hihigit pa sa anim na sesyon ang nalalabi.
Ngunit sinabi ni Defensor na pabor din siya kung mangyaring may panawagan ang pangulo para sa isang special session.
Ayon naman kay Garbin, ang isang ekstensiyon ng kasalukuyang sesyon ay may pangangailangang amiyendahan muna ang legislative calendar.

Lusot na sa Kamara ang Financial Institution Strategic Transfer

Aprubado na rin ng House Defeat COVID-19 AdHoc Committee ang House Bill 6622 o ang Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Bill.
Sa ilalim ng panukala ay tutulungan nito ang mga bangko at iba pang financial institutions laban sa impact ng COVID-19 sa kanilang financial operations lalo pa’t sa kasagsagan ng pandemic ay maraming financial institutions ngayon ang delayed sa pangongolekta ng mga pautang at mas tumataas ang mga nagse-settle ng loan sa pamamagitan ng kanilang mga non-performing assets tulad ng mga real properties at ibang pag-aari.
Batay sa Bankers Association of the Philippines, tumaas sa 20% mula sa 5% ang non-performing loans sa loob lamang ng isang buwan.
Para maibalik ang pagiging financial intermediation ng mga financial institutions, hinihikayat ang mga ito na ibenta ang mga NPAs sa asset management companies sa ilalim ng Financial Institutions Strategic Transfer Corporations (FISTC) upang makapag-generate ng pera. 
Ang mga pribadong sektor, government financial institutions, at GOCCs naman ay hinihimok na mag-invest sa FISTC upang makatulong sa pagrehabilitate ng mga bumagsak na negosyo. 
Bibigyan naman ng mga insentibo tulad ng exemption sa pagbabayad ng buwis, at mababang halaga ng registration at transfer fees ang mga NPAs o non-performing assets na ililipat mula sa financial institutions papuntang FISTC.
Bukod dito, mabilis ding nakalusot sa mother committee ang HB 6676 o Anti-Discrimination Bill na layon namang protektahan ang mga confirmed, suspected, probable, unrecovered at survivors ng COVID-19 cases laban sa anumang uri ng pangaabuso at diskriminasyon.
Sa oras na maging ganap na batas ang mga lalabag ay mahaharap sa parusang pagkakakulong na isang taon hanggang sampung taon at multa ng hindi bababa sa P200,000 hanggang P1 million.
Bukod dito, mabilis ding nakalusot sa mother committee ang HB 6676 o Anti-Discrimination Bill na layon namang protektahan ang mga confirmed, suspected, probable, unrecovered at survivors ng COVID-19 cases laban sa anumang uri ng pangaabuso at diskriminasyon.
Sa oras na maging ganap na batas ang mga lalabag ay mahaharap sa parusang pagkakakulong na isang taon hanggang sampung taon at multa ng hindi bababa sa P200,000 hanggang P1 million.

P568 Billion pondo para sa Philippine Economic Stimulus Act, aprupado na sa Kamara

Inaprubahan na sa komite ng Kamara ang laang P568 bilyong pondo para sa Philippine Economic Stimulus Act (PESA).
Layunin ng panukala na protektahan ang nasa 30 milyong manggagawa sa bansa at mga maliliit na negosyo laban sa epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng PESA, maglalaan ng P110 billion wage subsidies sa Department of Labor and Employment (DOLE) at P30 billion Cash For Work sa ilalim ng DOLE-Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) para sa mga informal sector workers.
Maglalaan din ng P95 Billion para sa pautang ng Small Business Corporation’s (SBCorp) hanggang sa susunod na taon, P50 Billion na interest-free loan program para sa SMEs at agri-fishery sector, P40 Billion loan guarantee sa ilalim ng Philippine Guarantee Corp., at P10 Billion na dagdag na ayuda para sa mga MSMEs  na apektado ngayong taon ng pandemic.
Palalakasin din ang industriya ng turismo sa pamamagitan ng paglalaan ng P58 Billion para sa Department of Tourism, P75 Billion naman sa Department of Transportation, P44 Billion naman sa grants at technical assistance sa ilalim ng Board of Investments (BOI) para sa mga negosyong kabilang sa exporting at importing. 
Mayroon ding P66 Billion na ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda at P50 Billion para sa National Development Company (NDC) na ilalaan sa mga negosyong lubhang napabagsak ng epekto ng coronavirus disease.
Kasama rin sa PESA ang P650 Billion na pondo para sa Build, Build, Build Program para sa tatlong taon na sisimulan naman sa 2021.

Aaprubahan na ang iilang mga karagdagang panukala ng defeat COVID-19 ad hoc committee sa Kamara

Nakatakdang aaprubahan na ng Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee at ng Committee on Banks, ng Economic Stimulus Response Package Sub-committee, at ng Peace and Order Subcommittee ang mga report hinggil sa Financial Institutions Strategic Transfer Bill (FIST), ang Philippine Economic Stimulus Act (PESA), at ang Anti-Discrimination Bill.
Sinabi ni House Majority Leader at Leyte Rep Martin Romualdez na matapos talakayin ang mga nabanggit na panukala, ang mga committee report at ang mga rekomendasyon ay itatakda na ang iskedyul nito para sa  plenary deliberations upang matugunan ang ating kinakaharap na krisis.
Ayon kay Romualdez, sa ilalim ng liderato ni Speaker Alan Peter Cayetano, walang humpay at pursigedo ang Kamara na makapag-tatag ng isang ligtas, adaptive at resilient na bansang lalaban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagsagawa ng clear-cut at klarong pagsasabatas.
Idinagdag pa ng solon na nasa sa kanila nakaatang ang resposibilidad na isagawa ang misyong ito na yumayakap at maninilbihan sa mga may pangangailangan at ang pagbibigay liwanag ng pag-asa at mapalakas ang komunidad ng negosyo.
Ayon pa kay Romualdez, ang liderato ng Kapulungan ay committed na gumawa ng mabuti at makapag-likom ng sapat na lakas upang tayo ay makapanumbalik  na tumayo sa sarili nating mga paa.

Sunday, May 24, 2020

‘No vaccine, no classes’ policy ang isinusulong ng isang mambabatas

Tinutulan ni Quezon City Rep Precious Hipolito Castelo ang balak ng Department of Education (DepEd) na mag-resume ang mga klase sa paaralan sa ika-24 ng Agosto ng kanyang sinabi na hindi dapat umpisahan muli ang pisikal na mga klase hangat ang isang vaccine laban sa corona virus disease (COVID-19) ay matuklasan at available na bansa.
Sinabi ni Castelo na base sa mga karanasan ng mga bansang kumakaharap ng pandemic ay nagpapakita lamang na lahat ng mga indibidwal ay vulnerable sa naturang sakit.
Idinagdag pa ng lady solon na hindi dapat i-expose ang mga mag-aaral sa nakamamatay na virus.
Makapaghihintay naman umano tayo hanggat mayroon nang bakuna o kung krisis ay tapos na para makabalik ang mga bata sa esluwelahan.
Idinagdag pa ni Castelo na dapat seguruhin natin na ligtas sa coronavirus ang ating mga bata pati na rin ang mga guro at iba pang mga school petsonnel.

Bawasan ng 30% ang budget ng pamahalaan upang makalikom ng para sa COVID-19

Itinutulak ngayon ni House Committee on Public Accounts Chairman at Anakalusugan party-list Rep Mike Defensor na bawasan ang  non-essential expenditures sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng national budget na aabot sa P1.6 trilyon.
Sinabi ni Defensor na layon ng itinutulak niyang budget cut sa P4.1-trillion na laang pondong nasyunal na makalikom ng para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) response at social amelioration program (SAP).
Kabilang dito ang pondo sa travel na nasa P19.4 billion; training at scholarship, P32.9 billion; supplies and materials, P108.3 billion; at representation, o dining out and entertainment para sa mga opisyal at bisita na nasa P5.2 billion.
Ayon kay Defensor, kung pagbibigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ang across the board reduction sa MOOE, maaaring makakolekta ang gobyerno ng P480 billion na ilalaan para sa mga panukala sa COVID-19 at financial assistance sa mga mahihirap.

Thursday, May 21, 2020

Walang pressure galing sa Palasyo hinggil sa ABS-CBN franchise - Cayetano

Binigyang-diin ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi siya sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan o huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN Nerworks. 
Sa isang panayam, sinabi ni Cayetano na ang tanging habilin sa kanya ng pangulo ay maging patas sa gagawing pagdinig ng House committee on legislative franchises sa pangunguna ni Palawan Rep Franz Alvarez sa susunod na Linggo.
Hindi rin sang-ayon si Cayetano sa sinabi ni Bayan Muna party list Rep Carlos Isagani Zarate na nakialam ang Malacanan sa pagbawi o pag-abandona sa House Bill 6732, ang panukalang batas kung saan nakapaloob ang prangkisa ng Kapamilya networks. 
Aniya, ipapasa niya sa komite ang lahat ng mga katanungan dahil meron na itong full autonomy at malaya ang mga member panel na mag-isip at magbintang ang kabilang panig.
Nagtataka naman si Cayetano kung bakit lumalabas na 18th Congress ang may problema samantalang sa 16th Congress, 2 taon na nabinbin ang nasabing prangkisa taong 2014 hanggang 2016, sa 17th Congress, 3 years din na hindi gumalaw, at sa kanyang panahon, wala pang 10 buwan nakapila na ang mga panukala.

Hakbang na amiyendahan ang Saligang Batas, ibasura na sa Kamara

Itutugil na sa Kamara de Representantes ang hakbang na amiyendahan ang 1987 Constitution.
Naniniwala si House committee on constitutional amendment chairman at Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez na aaprubahan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang kanyang rekomendasyon.
Sinabi ni Rodriguez na balak niyang irekomenda sa Speaker ng Kamara de Representantes na isantabi na muna pansamantala ang hakbanging Chacha o Charter change upang sila ay makapag-pokus sa mga panukala para sa paglaban sa COVID-19 pandemic, patulong sa mga naapektuhang mga mamamayan at paghanda ng bansa para sa post-lockdown at post-corona virus disease o ang tinatawag na new-normal na buhay.
Sinuspendi na umano ni Rodriguez ang konsiderasyon sa anumang panukala kaugnay ng Charter change.
Ginawa ni Rodriguez ang pahayag sa gitna ng mga ulat na may mga opisyal ng lokal na pamahalaan at iba pang suporter ng Chacha na may kaugnayan sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang nangangalap ngayon ng pirma pabor sa pagbabago sa Saligang Batas.
Iginiit ni Rodriguez na hindi makatwiran na bigyan ng prayoridad ang Chacha habang maraming tao ang naghihirap dala ng epekto ng COVID-19.

Pagdinig ng 14 pang legislative franchise bills, isasagawa ng komite ng Kamara sabay sa pagdinig ng para sa ABS-CBN

Ipinahayag ni Speaker Alan Peter Cayetano na maari nang umpisahan ng House Committee on Legislative Franchises ang sunod-sunod na mga pagdinig sa susunod na linggo.
Inaasahan din na ang Kamara de Representantes ay magpasya na sa magiging kahihinatnan ng media giant na ABS-CBN sa darating na Oktubre.
Ibinunyag ni Cayetano na ang komite ay inaasahang makapagsumite ng rekomendasyon nito hinggil sa congressional franchise ng ABS-CBN sa unang linggo ng Agosto.
Ang schedule ay magbibigay ng puwang sa Lower Chamber na makapagsagawa ng mga plenary debate at botohan sa maging rekomendasyon ng komite bago mag-October break.
Ayon pa sa Speaker, si Palawan Rep Franz Alvarez na namuno ng komite ay patuloy na magsasagawa ng mga hearing tungkol sa panukalang prangkisa kahit naka-two-month break ang Kongreso at ito ay inaasahang mag-sumite ng report sa Agosto.
Itinakda nama ni Alvarez ang hearing ng komite sa pamamagitan ng video conferencing platform sa darating na Martes.

Wednesday, May 20, 2020

Dapat panagutan ng Meralco ang mataas nilang electric bills sa kabila ng krisis sa COVID-19

Binalaan si House Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Rep Bernadette Herrera ang Manila Electric Company (Meralco) na maaari itong sampahan ng kaso sa ilalim ng Republic Act 11469, o ang Bayanihan to Heal as One Act, kung hindi nila maipaliwanag ang “shocking electric bills” sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Sinabi Herrera na maipaliwanag ng Meralco kung bakit hindi sila dapat sampahan sa kanilang pagiging guilty sa paglabag ng Bayanihan to Heal as One Act ng mga kostumer nito habang ang bansa ay nasa ilalim ng isang state of public health emergency at milyun-milyong mga mamamayan ang nagdusa dahil economic fallout ng lockdown measures para ma-contain ang COVID-19.
Naglabas ng pahayag si Herrera kasunod ng dumaraming panawagan sa Energy Regulatory Commission (ERC) na imbestigahan ang biglang pagtaas ng singil sa koryente sa panahon ng malawakang enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.
Dahil dito, hinimok niya ang Meralco na sagutin ang reklamo ng mamamayan patungkol sa mga bill nito partikular na ang para sa buean ng Mayo.
Kung totoo ang mga sinasabi ng mga tao, lumabag ang Meralco sa direktiba ng ERC na huwag muna maningil sa panahon ng ECQ.

Tuesday, May 19, 2020

Pagpapaliban ng pagtalakay sa provisional franchise ng ABS-CBN para bigyan ng puwang ang deliberasyon ng 25-year franchise nito ng Komite ang naging pasya ng Kamara

Napag-pasyahan ng Kamara de Representantes kahapon na ipagpaliban at ihinto na lamang ang deliberasyon sa pagbibigay ng provisional franchise sa media giant na ABS-CBN sa plenaryo upang bigyang puwang para maipagpag-patuloy ang mga pagdinig ng Legislative Franchises Committee sa 25-year franchise ng naturang kumpanya kasabay ng ilan pang mga franchise application.
Sa privilege speech ni House Speaker Alan Peter kahapon sa plenary session ng Kapulungan, pinahayag ng lider ng mga mambabatas na didinggin na lamang ng komite ang 25-year franchise ng nabanggit na network imbes na ipagpapatuloy pa nila ang pagtalakay ng provisionary grant ng franchise nito, ang HB06732 sa plenaryo sa loob ng period of amendment.
Sinabi naman ni House Majority Leader at Leyte Rep Martin Romualdez na masyado na umanong masalimuot ang isyu para matutukan ng prangkisa kung kaya’t natatabunan na  rin ang ilang mga mahahalagang panukala hinggil sa pagtugon laban sa problemang COVID-19 pandemic.
Idinagdag pa ni Romualdez na suportado daw ito ng lahat ng partido ng mayoriya sa Kapulungan dahil ang komite naman daw ang may expertise sa pagtalakay ng mga franchise at isama na ring talakayin nito ang ilan pang mga franchise application dahil at dito naman ang nararapat na venue ng talakayan ng mga ito.
Sa parte naman ni Bulacan Rep Jose Antonio Sy-Alvarado, sinabi nito na siya ay umaasa na mabigyan ng patas na pagtingin ang mga pro at ang mga anti sa ABS-CBN franchise renewal, maging sa provisional man o sa 25-year franchise man.
Sa kasalukuyan, inaantabayan ng mga tagamasid sa House kung kailan magtakda ng mga padinig ang Legislative Franchises Committe na pinamumunuan ni Palawan Rep Franz Alvarez dahil kung ang pababatayan ang Schedule of Committee Meetings, wala pang nakatala para dito.

Monday, May 18, 2020

Approval sa pangalawang pagbasa ng panukalang ABS-CBN provisional franchise, ni-reconsider ng Kamara

Matapos maaprubahan ng plenaryo ang motion to reconsider the approval on second reading ng HB06732, nagkaroon muli ng deliberasyon sa panukalang magbibigay ng provisional franchise sa media giant ABS-CBN network sa pangalawang pagbasa.
Sinabi ni Deputy Speaker at Camarines Norte Rep LRay Villafuerte sa kanyang sponsorship speech, layunin nilang mapalawig pa ang diskusyon at deliberasyon ng naturang panukala at maKapag-hain ng kanilang amiyenda ang bawat mambabatas na angkop sa mga probisyon ng measure.
Sa parte naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano habang sinasagot niya ang interpellation ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez, sinabi ng House Leader na isa sa mga probisyon ng panukala ay ang sampung porsiyento ng oras sa pag-iere ng franchisee na ilalaang libre para gamitin ng pamahalaan, isang requirement sa mga franchise law, probisyon na nakasaad din sa renewed franchise ng GMA 7 at ABC 5.
May mga congressman pa na nagbigay ng suhestiyon na imbes na talakayin ang provisional franchise ay gawin na lamang ang pagtalakay para sa pagbibigay ng 25-year franchise sa network.
Kahit ang citizenship ni Mr Gabby Lopez, naging pangulo ng network, ay kinuwestiyon sa kanilang deliberasyon, batay sa katanungan ni Sagip Partylist Rep Rodante Marcoleta na mayroon umano silang nakuhang listahan ng mga biyahe ni Lopez na nagpapakita ng paggamit niya ng banyagang pasaporte.
Pansamantalang isinuspend muna ang deliberasyon ng tinatalakay na panukalang batas upang mabigyan ng pagkakataon ang iba pang mga miyembro na makapag-handa ng kanilang mga interpellation.

Sunday, May 17, 2020

Hindi dapat sagutin ng PhilHealth ang nagka-COVID-19 dahil sa katigasan ng ulo

Ipinanukala ni PBA Rep Jericho Nograles na alisin sa coverage ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) ang mga mahahawa ng coronavirus disease dahil sa katigasan ng ulo.
Ito ay matapos dumagsa ang mga tao sa mall sa unang araw ng pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine.
Kung magpapatuloy ito, ayon pa sa kanya, posibleng magkatotoo ang pinangangambahang second wave ng COVID-19 sa bansa.
Kaya dapat bago sagutin ng PhilHealth ang gastos ng isang COVID-19 patient, aniya ay dapat magsagawa muna ito ng imbestigasyon at tukuyin kung paano nahawa ang pasyente.
Kung mapatutunayang nahawa ito dahil sa kanyang pagma-mall o paggagala kahit ipinagbabawal ay hindi dapat bayaran ng PhilHealth ang gastos nito.
Ang isang pasyente ng COVID-19 ay umaabot sa daang libo hanggang milyon depende sa lakas ng panlaban ng katawan nito.
Kailangan daw ng full disclosure ng pasyente na makatutulong din upang matukoy ang mga tao na posibleng nahawahan nito.

Full coverage sa mga pasyente ng COVID-19, ipinakiusap ni Defensor sa PhilHealth

Nakiusap ang isang House leader sa Philippine Health Insurance Corp o PhilHealth na sagutin nila ang buong gastusin sa pagpapa-ospital ng mga Filipinong tinamaan ng COVID-19.
Sinabi ni Anakalusugan Patylist Rep Michael Defensor na nais nilang i-apply ang ‘No Balance Billing (NBB) policy’ sa lahat ng mga COVID-19 patient, regardless sa PhilHealth’s packaging ng insurance coverage ng PhilHealth.
Iginiit pa ni Dfensor, kasalukuyang vice-chaiman ng House Committee on Health na hindi dapat mamroblema ang bawat pasyente ng COVID-19 tingkol sa pambayad nila sa pagpapa-ospital at pagpapagamot.
Matatandaang sinagot ng PhilHealth ang bayad sa pagpapa-ospital at treatment costs ng lahat ng pasyente ng COVID-19 para sa mga nagpa-admit bago ang Abril 15 at ilan pa nga sa mga bill nito ay naiulat pang umabot sa higit P1 milyon.
Subalit nagsimula itong magkaroon ng case rates para sa mga pasyente ng COVID-19 para sa mga nagpa-admit na epektibo sa Abril 15.
Aniya pa, dapat igarantiya ng PhilHealth ang pagbabayad sa lahat ng additional charges na lagpas sa maximum amount ng package.
Nanindigan si Defensor na maraming pondo ang state-run health insurer na naksama dito ang bilyon-bilyong annual national government subsidy upang bayaran ng buo ang pagpapa-ospital at paggamot sa mga pasyente ng COVID-19.

Otorisasyon na tukuyin ang mga recipient at i-disburse ang cash aid, dapat ibigay sa mga barangay

Iminungkahi ni Marikina City Rep Bayani Fernando na dapat bigyan ng kapangyarihan ang mag barangay sa bansa na tukuyin ang mga benepisyaryo ng emergency cash subsidy at i-disburse ang pera.
Sa inihain ni Fernando na House Resolution 807, layunin nito para mas mapabilis at maayos na maipatutupad ang Social Amelioration Program o SAP.
Sa isang panayam, sinabi ni Fernando na hindi dapat maliitin ang kapasidad ng barangay upang maabot ang mga tao nito, sa kabila ng pagiging pinakamaliit na unit ng pamahalaan.
Ayon kay Fernando, dapat hindi maliitin ang mga barangay at ang kapangyarihan ng mga ito ay napakalaki. 
Sinabi niya na ang barangay ay ang hustisya, iyan ang ehekutibo, at iyan ang tagapagpatupad at napakalaking ahensya niyan.
Aniya, ang dapat gawin ng mga opisyal ng barangay ay i-update ang listahan ng low-income na pamilyang sesertipikahan naman ng Sangguniang Barangay sa pamamagitan ng resolusyon.
Sinabi pa niyang dapat ipost sa pampublikong lugar sa barangay ang listahan, na ipadadala rin sa Department of the Interior and Local Government o DILG para sa sarili nitong pag-aaral, saka ito ipadadala sa Department of Budget and Management o DBM upang matukoy kung magkanong pondo ang ibibigay sa barangay.
Matapos ma-disburse ang pondo sa mga benepisyaryo, gagawa ng report ang barangay sa pamamahagi ng pondo at ibabalik sa pamahalaan ang sobrang pera, kung mayroon man.

Paumanhin, hiningi na ng NTC sa Kamara

Humingi ng paumanhin ang  National Telecommunications Commission (NTC) sa Kamara de Representantes sa pagtakas sa pangako na bibigyan nila ng provisional authority ang ABS-CBN habang dinidinig ng lehislatura ang aplikasyon ng media company para sa prankisa.
Matatandaang binigyan ng Kamara ang NTC ng 72 oras para magpaliwanag kung bakit naglabas sila ng cease-and-desist order na nagresulta sa pagsasara ng media network.
Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, nadiskaril ang ginagawa pagsugpo ng Kamara sa COVID-19 dahil sa ginawa ng NTC.
Inamin rin ng NTC na ikinonsidera nila ang sulat ni Solicitor General Jose Calida na ang pag-iisyu ng provisional authority ay labag sa Saligang Batas.
Pag-aaralan ng Kamara ang sagot ng NTC at magpapasya kung itutuloy ang contempt laban sa ahensiya.

Isang bagong prangkisa ng ABS-CBN ang ipinasa ng Kamara sa second reading, ayon kay DS Boyet Gonzles

Ipinaliwanag ni House Deputy Speaker at Mandaluyong Rep Neptali Boyet Gonzales II na isang bagong prangkisa para sa ABSCBN ang panukalang batas na ipinasa kahapon sa second reading ng Mababang Kapulungan.
Ayon kay Gonzales na isa sa may-akda ng House Bill 6732, iniratsada nila sa Kamara ang panukalang nagbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN hanggang October 31, 2020 matapos na hindi tuparin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang ipinangakong pagbibigay ng provisional authority para makapag-operate ang network.
Sinabi pa nito na hindi na maaaring i-extend ang isang prangkisa na napaso na kaya kinakailangan na ng panibagong franchise para dito habang dinidinig naman ng Kongreso ang labing isang panukalang batas para sa 25 years franchise ng ABSCBN.
Dagdag pa ni Gonzales, ang mahalaga ngayon ay mapapabilis pa ang gagawing pagdinig ng House Committee on Legislative Franchise sa mga nakabinbin na application para sa renewal ng prangkisa ng giant network dahil mayroon lamang sila hanggang October 31 para talakayin ito.
Sakaling nabigyan na ng provisional authority ng NTC ang ABS-CBN ay magiging kampante ang Kamara na gawin muna ang mga mas mahahalagang panukala at posibleng sa susunod na taon pa aaksyunan ang franchise renewal ng ABSCBN.

Pagbibigay ng P100 libong cash gift para sa 80-anyos pataas, isinulong sa Kamara

Makatatanggap na ng P100 libong cash gift mula sa gobyerno ang mga senior citizens na nagkaka-edad ng 80-anyos pataas kung ang pagbabatayan ay ang mungkahing inaayos ngayon sa Kamara de Representantes.
Layunin ito ng isinusulong na panukalang batas sa huling bersiyon nitong pag-aamiyenda sa Centenarians Act na ipinanukala ni Senior Citizen Partylist Rep Francisco Datol Jr.
Ayon kay Datol, sa gusto niyang bersiyon para amiyendahan ang nasabing panukalang batas na isinusulong nila sa Kapulungan, ang mga senior citizen ay makatatanggap ng P25,000 sa ika-80 taong kaa­rawan ng mga ito at kada limang taon hanggang sa uma­bot ang mga ito sa 100 taon o kabuuang P100,000 cash gift.
Sinabi ng mambabatas na para hindi naman ma­ging mabigat para sa pamahalaan ay dapat hatiin sa apat na beses ang pagbibigay ng cash gift sa mga senior citizen at hindi ito maging isang buhos na biyaya na mas mabilis maubos ito sa parte naman ng mga benepisiyaryo.

Wednesday, May 13, 2020

Provisional franchise ng ABS-CBN, ang HB06732, na inihain ni Speaker Cayetano, inaprubahan na ng Kamara

Dagliang inaprubahan ng Kamara de Representantes ang kahahain pa lamang kahapon na panukala, ang HB06732, na isinusulong ni House Speaker Alan Peter Cayetano patungkol sa pagbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN network sa pangalawang pagbasa.
Ang naturang panukala ay magbibigay ng provisional franchise sa nabanggit na giant network hanggang sa ika-31 ng Oktubre nitong taong kasalukuyan.
Matapos talakayin ng Committee of the Whole ng Kamara ang house bill na ito sa pamamagitan ng paunang sposorship speech ni Cayeno, ito ay tuluyang inaprubahan na ng Kapulungan sa pangalawang pabasa.
Inaasahang ipasa ng House ang bill sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Lunes at tuluyang ipasa na ito kaagad sa Senado ng Pilipinas para sa kagyat na aksiyon nito.

Tuesday, May 12, 2020

NTC, pinapaliwanag kung bakit hindi sila dapat i-contempt ng Kamara

Tinaningan ng 72 oras ng House committee on legislative franchises ang National Telecommunication Comission o NTC upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat mai-cite for contempt kaugnay sa inilabas nilang cease and desist order para ipahinto ang operasyon ng ABS-CBN networks.
Sa pamamagitan ng electronic mail o email, nagpadala ng show cause order si House committee chairperson Rep Franz Alvarez para kina NTC Commissioner Gamaliel Cordova, Deputy Commissioners Edgardo Cabarios at Delilah Deles at NTC Legal Head Atty Ella Blanca Lopez.
Batay sa kautusan, ang pagkabigong sumunod ng NTC sa itinakdang oras ay magreresulta para sila ma-cite for contempt ng Kamara at nahaharap pa sa ibang legal action na nasa kapangyarihan ng Kongreso na ipatupad.
Batay pa rin sa kautusan, ang aksyon ng NTC ay bumubuo ng hindi nararapat na panghihimasok at pagsuway sa kapangyarihan at otoridad ng Kamara.
Matatandaang nagbigay ng katiyakan ang NTC sa hearing ng committee on legislative franchises noong March 10, 2020 na papayagan nilang magpatuloy sa operasyon ang ABS CBN hanggang sa panahong ilabas ng Kongreso ang franchise renewal nito.

Saturday, May 09, 2020

Pagkaantala sa pamamahagi ng P200-billion ayuda sa tamang panahon, iimbistigahan ng Kamara

Iimbistigahan ng Kamara de Representantes ang pagkaantala sa pamamahagi ng P200-billion financial aid o ayuda sa 18 million poor at near-poor household beneficiaries na target sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act na isinabatas ng Kongreso noong March 23.
Batay na rin ang isasagawang imbestigasyon sa napakaraming reklamo kaugnay sa pagkaantala at paraan ng pamamahagi ng tulong pinansyal.
Subalit nilinaw ni Anak Kalusugan Partylist Rep Mike Defensor, na hahayaan muna nila ang mga implementing agencies na tapusin ang kanilang tungkulin bago simulan ang imbestigasyon.
Hindi aniya maaring maantala pa ang suportang kailangan ng taumbayan.
Mainam din aniyang gumamit ng electronic money transfer bilang pamantayan upang maiwasan ang kontak, mahabang pilahan at grupo-grupo ng mga tao. 
Inatasan ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Defensor na isagawa ang imbestigasyon sa tamang panahon.

Speaker Cayetano: Gagawin Kamara ang kanilang trabaho kaugnay sa ABS-CBN broadcast franchise

Muling tiniyak ng liderato ng Kamara na gagawin nila ang kanilang trabaho kaugnay sa ABS-CBN broadcast franchise.
Binigyang-diin ni House Speaker Alan Peter Cayetano na magsasagawa ng public hearing ang House committee on legislative franchises sa pangunguna ni Palawan 1st District Rep Franz Alvarez sa paraang patas, walang kinikilingan, masinsinan at komprehensibo.
Wala na rin aniyang saysay kung magiging magulo pa ang isyu, subalit hindi nito nabago ang katotohanang nasa exclusive constitutional authority ng Kongreso na magbigay, tanggihan, pahabain, bawiin o baguhin ang mga broadcast franchises.
Sinabi ni Cayetano na ang panghihimasok ni Solicitor General Jose Calida ang bunga ng pagsuko ng National Telecommunications Commission (NTC) sa pag-issue nito ng isang cease and desist order sa ABS-CBN networks.
Ito'y sa kabila ng legal opinion ng Department of Justice, resolution mula sa Senado, assurance given under oath at ilang verbal and written assurances na ibinigay ng NTC sa Kongreso.

NTC at SG Calida, pina-iimbistigahan ni Rep Defensor kaugnay sa salungat na desisyon ng mga ito sa Kongreso

Inihain ni Anakalusugan Party list Rep Michael Defensor ang House Resolution 846 na layong magsagawa ng isang imbestigasyon at magsampa ng criminal cases laban kay Solicitor General Jose Calida at sa mga commissioners at officers ng National Telecommunications Commission o NTC.
Nilinaw ni Defensor na hindi ito kaugnay sa prangkisa ng ABS-CBN, o sa freedom of the press.
Binigyang-diin ng mambabatas na ito'y para sa mga taong nagsinungaling at nakipag-sabwatan upang linlangin hindi lamang ang Kongreso kundi pati na ang gobyerno.
Ang ikinilos aniya ng mga NTC Commissioners at mga opisyal nito sa pakikipagsabwatan sa Solicitor General ay malinaw na paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Dapat din aniyang panagutan ng mga NTC Commissioners ang paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Monday, May 04, 2020

Pagpapalawak ng target beneficiaries ng SAP para sa Mayo, inirekomenda

Inirekominda ni Sub-committee on Social Amelioration Co-chairperson Lucy Torres-Gomez na palawakin ang target beneficiaries ng social amelioration program (SAP) para sa buwan ng Mayo. 
Sa virtual hearing ng Defeat Covid-19 Committee ng Kamara, mula sa 18 million na target lamang ng SAP, umapela si Gomez na gawing 20 million ang target beneficiaries. 
Ipinarerekonsidera ni Gomez ang aniya'y “newly poor” na napapabilang sa 9 million low-income families at 6.4 million lower middle income families.
Giit pa ng lady solon, ang P100 billion allocation para sa buwan ng Mayo ay maaring hatiin sa 20 million beneficiaries.
Nangangahulugan lamang ito na magiging uniform na para sa lahat ng beneficiaries ang halaga na makukuha mula sa SAP kung saan magiging P5,000 na ang matatanggap ng lahat ng benepisyaro.
Inirekominda rin ng mambabatas na simplehan at gawing madali ang proseso sa pagkuha ng ayuda upang mapasama ang lahat ng beneficiaries.

‘One-stop shop’ website para sa lahat ng mahahalagang impormasyon patungkol sa COVID-19

Pinalilikha ni Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng ‘one-stop shop’ website para sa lahat ng mahahalagang impormasyon patungkol sa COVID-19.
Ayon kay Herrera, ang ‘one-stop shop’ website na maglalaman ng lahat ng impormasyon sa coronavirus disease ay magsisilbing countermeasure laban sa mga maling impormasyon at fake news.
Ang ‘one-stop shop’ website ang magiging single source na mapagkukunan ng publiko para sa tama at totoong government data kaugnay sa COVID-19.
Maiiwasan na rin ang kalituhan dahil sa dami ng sources mula sa mga grupong gumagawa ng mga page at website na nagkakalat sa social media ng mga false information sa virus.
Tinukoy ng kongresista na dahil sa mga naglipanang maling impormasyon at pekeng balita kaugnay sa virus ay nagiging sanhi pa ito sa mabagal na pag-contain sa sakit.
Ang isinusulong na ‘one-stop shop’ website ng lady solon ay maglalaman ng lahat ng issuances, updates, notices, advisories, instructions, at iba pang mahahalagang impormasyon mula sa lahat ng ahensya ng gobyerno kasama na dito ang data mula sa Department of Health, mga direktiba ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at weekly reports ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Locally stranded seafarers, dapat isama sa Balik-Probinsya Program ng pamahalaan

Ihinirit ni Marino Party-list Rep Sandro Gonzalez sa pamahalaan na isama ang mga locally stranded seafarers sa Balik-Probinsya Program at Malasakit Voyages. 
Ang apela ng kongresista ay kasunod na rin ng mga natanggap na sumbong mula sa mga distressed seafarers na stranded sa NCR na mula pa noong nagsimula ang enhanced community quarantine ay nananatili lamang sila sa mga dormitories sa Metro Manila. 
Ayon kay Gonzalez, marami silang natatanggap na request sa kanilang online platform na mga seafarers na humihingi ng tulong na mapauwi na lamang sa kanilang mga probinsya. 
Aniya, kung may programa man para sa pagpapauwi ng mga stranded na manggagawa ang pamahalaan ay para lamang ito sa mga OFWs at seafarers na nirepatriate mula sa ibang bansa at hindi kasama dito ang mga seafarers na stranded sa NCR at sa ibang bahagi ng Luzon. 
Marami na sa mga locally stranded na seafarers ang naubos na ang pantustos dahil sa natigil na trabaho. 
Kaya't panawagan nito sa gobyerno isama rin ang mga local seafarers sa programa na pagpapauwi sa mga probinsya habang naghahanap ng trabaho o habang naghihintay ng kanilang deployment.

Bagong standards at protocols para sa mga hotel para makabalik sa kanilang operasyon, iminungkahi ni Rep Aragones

Iminungkahi ni Committee on Tourism Chairman at Laguna Rep Sol Aragones sa Department of Tourism (DOT) at sa mga kinatawan ng hotel industry sa bansa na bumuo ng mga bagong standards at protocols para makabalik sa kanilang operasyon.
Sinabi ni Aragones na ang lumang nakasanayan at umiiral na standards ay hindi na nararapat ngayon sa hotel industry dahil sa COVID-19.
Iginiit ng kongresista, rebisahin ng DOT, hotel industry kasama ang Department of Health (DOH) ang mga umiiral na protocols upang maka-adapt ang hotel industry sa ‘new normal’ tulad ng paglalatag ng mga pamamaraan at mga pagbabago para maging outbreak-proof ang mga hotels.
Inirekomenda naman ni Aragones ang ilang protocols sa mga hotels tulad ng contact-less check-in, palitan ang breakfast buffets ng bento boxes, at pagpapalawak sa hotel kitchens at pagkakaroon ng espasyo sa mga dining areas upang maobserbahan ang social distancing.
Ipinahahanda din ng personal protective equipment (PPEs), rapid test kits, at face masks ang mga hotels.
Bukod dito, ipinapasailalim din sa training ang mga hotel staff upang alam na agad ang mga dapat na gawin sa oras na mayroong isang guest na magkasakit.
Para naman maging pamilyar ang mga guests sa bagong standards sa mga hotels ay pinahahanda din ang DOT ng mga information materials sa hotel at tourism industry.

Dapat ibigay na ng SSS ang P1,000 na dagdag sa pensiyon ng mga retirado, apela ni Rep Rodriguez

Umapela si Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez kay Pangulong Rodrigo Duterte na atasan na ang Social Security System (SSS) na ibigay na ang P1,000 dagdag sa pensiyon ng mga retirado.
Kasabay nito ang pag-endorso ng kongresista sa liham ng mga senior citizens na ipinadala sa Malakanyang na humihiling na ibigay na ang ikalawang installment ng kanilang P2,000 pension increase.
Una nang ibinigay ang P1,000 noong 2017 habang dapat ay noong nakaraang taon pa dapat ibibigay ang natitirang isang libong dagdag sa pensyon ng mga retirees na hindi rin natupad dahil humahanap pa ng pondo para dito ang SSS.
Tinukoy ng kongresista na hindi kasama sa social amelioration program ng DSWD ang mga retirado na nakakatanggap ng SSS at maging ng GSIS pension.
Sinabi ni Rodriguez na malaking tulong para sa mga retirado na senior citizens ang dagdag na P1,000 sa kanilang natatanggap na pensyon.
Karamihan na rin aniya sa mga retirees ay may maintenance medicines bukod pa sa vulnerable at sensitibo na rin ang mga ito sa pagkakasakit ng COVID-19.
Kaya naman, malaki aniya ang maitutulong ng dagdag na isang libo na pensyon sa SSS para sa gastusin at pangangailangan ng mga senior citizens.

Paparating na panahon ng tag-ulan, pinangangambahang maging dahilan sa pagkalat na naman ng COVID-19

Pinangangambahan ng isang kongresista ang lalo pang paglala o pagkalat ng sakit na COVID-19 dahil na rin sa paparating na mga bagyo sa bansa ngayong panahon ng tag-ulan.
Dahil dito, nanawagan si House Deputy Speaker at Basilan Rep Mujiv Hataman sa pamahalaan na paghandaan ang mga bagyong darating sa bansa at gumawa na ng mga sistema sa paglilikas ng mga tao sa mga evacuation centers at tiyaking masusunod ang physical distancing para hindi na lumala pa ang epidemya.
Sinabi ni Hataman na tinatayang nasa 20 bagyo ang nararanasan ng bansa kada isang taon at lima dito ang nakasisira ng kabuhayan, imprastraktura, agrikuktura at mga kabahayan.
Kung paghahandaan aniya ang anumang bagyong darating, tayo ay 'panic-proof' na bansa habang nilalabanan ang COVID-19 pandemic.

Prayoridad na ipasa ng Kamara ang P700 billion economic stimulus package nitong pagbukas muli nila ng sesyon

Uunahing ipasa ng Kamara de Representantes na talakayin ang panulakang P700 billion economic stimulus package sa ilalim ng Philippine Economic Recovery Act (PERA), ang COVID-19 Unemployment Reduction Economic Stimulus (CURES) Act of 2020 o ang social amelioration program, ang New Normal bill, at iba pang kahalintulad na mga panukala.
Sinabi ni House Majority Leader at Leyte Rep Ferdinand Martin Romualdez, chairman ng powerful House Committee on Rules, na layon ng Kamara na resolbahin ang pag-angat ng buhay at kabuhayan ng bawat Filipino sa gitna na rin ng COVID-19 pandemic.
Samantala, inadap ng mga mambabatas ang new normal policy sa Kamara sa pagbukas kahapon ng kanilang sesyon may dakong alas 3:00 ng hapon.
Sa inilabas na polisiya ng Office of the Secretary General ng Kamara, kailangang sumunod ang bawat isa sa physical distancing protocols.
25 House Members lamang ang nasa loob ng plenary hall habang ang ibang mga kongresista naman ay lumahok sa deliberasyon sa pamamagitan ng video conference sa kani-kanilang mga tahanan at opisina.
Wala pang schedule ng regular meetings ng iba't ibang mga committee until further notice na ipapalabas ang House Secretariat.

Sunday, May 03, 2020

Estriktong pagpapatupad ng Kamara ang social distancing sa pagbabalik ng sesyon nito mamayang hapon

Maging tapat ang Kamara de Representantes sa naging pangako nito na maigting silang magpatupad ng social distancing measures sa pagri-resume ng sesyon nito mamayang hapon at sa mga vitual hearings at meeting sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa guidelines on operations na ipinalabas ng House Secretariat, ang mga committee hearing, technical working group at administrative meetings, political caucuses at mga press conference ay isasagawa sa pamamagitan ng mga video conference.
Hindi hihigit sa 25 mga mambabatas ang papayagan sa loob ng session hall habang sila ay nasa mga plenary sessions samantalang ang ibang mga miyembro naman ay lalahok sa deliberasyon ng plenaryo sa pamamagitan pa rin ng video conference.
Ang Majority at ang Minority Leaders ay mag-aadopt ng isang sistema para sa pag-pili ng kanilang mga miyembro na aatend physically sa mga sesyon, ayon pa guidelines.
Ang Kamara ay magpapatupad din ng general health rules, kasama na ang physical distancing na at least two-meter distance, regular temperature checks at face mask policy upang malabanan ang pagkalat ng nabanggit ng coronavirus disease.
Nauna nang ipinahayag ni House Speaker Alan Peter Cayetano na asahan ng mga mamamayan na kakaunti lang ang kanilang makikitang mga upuan at lamesa sa plenary hall kagaya ng nangyari noong March 23 nang kanilang ipinasa ang Bayanihan to Heal as One Act sa pamamagitan ng virtual conferencing.
Free Counters
Free Counters