‘One-stop shop’ website para sa lahat ng mahahalagang impormasyon patungkol sa COVID-19
Pinalilikha ni Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng ‘one-stop shop’ website para sa lahat ng mahahalagang impormasyon patungkol sa COVID-19.
Ayon kay Herrera, ang ‘one-stop shop’ website na maglalaman ng lahat ng impormasyon sa coronavirus disease ay magsisilbing countermeasure laban sa mga maling impormasyon at fake news.
Ang ‘one-stop shop’ website ang magiging single source na mapagkukunan ng publiko para sa tama at totoong government data kaugnay sa COVID-19.
Maiiwasan na rin ang kalituhan dahil sa dami ng sources mula sa mga grupong gumagawa ng mga page at website na nagkakalat sa social media ng mga false information sa virus.
Tinukoy ng kongresista na dahil sa mga naglipanang maling impormasyon at pekeng balita kaugnay sa virus ay nagiging sanhi pa ito sa mabagal na pag-contain sa sakit.
Ang isinusulong na ‘one-stop shop’ website ng lady solon ay maglalaman ng lahat ng issuances, updates, notices, advisories, instructions, at iba pang mahahalagang impormasyon mula sa lahat ng ahensya ng gobyerno kasama na dito ang data mula sa Department of Health, mga direktiba ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases at weekly reports ni Pangulong Rodrigo Duterte.
<< Home