Dapat ibigay na ng SSS ang P1,000 na dagdag sa pensiyon ng mga retirado, apela ni Rep Rodriguez
Umapela si Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez kay Pangulong Rodrigo Duterte na atasan na ang Social Security System (SSS) na ibigay na ang P1,000 dagdag sa pensiyon ng mga retirado.
Kasabay nito ang pag-endorso ng kongresista sa liham ng mga senior citizens na ipinadala sa Malakanyang na humihiling na ibigay na ang ikalawang installment ng kanilang P2,000 pension increase.
Una nang ibinigay ang P1,000 noong 2017 habang dapat ay noong nakaraang taon pa dapat ibibigay ang natitirang isang libong dagdag sa pensyon ng mga retirees na hindi rin natupad dahil humahanap pa ng pondo para dito ang SSS.
Tinukoy ng kongresista na hindi kasama sa social amelioration program ng DSWD ang mga retirado na nakakatanggap ng SSS at maging ng GSIS pension.
Sinabi ni Rodriguez na malaking tulong para sa mga retirado na senior citizens ang dagdag na P1,000 sa kanilang natatanggap na pensyon.
Karamihan na rin aniya sa mga retirees ay may maintenance medicines bukod pa sa vulnerable at sensitibo na rin ang mga ito sa pagkakasakit ng COVID-19.
Kaya naman, malaki aniya ang maitutulong ng dagdag na isang libo na pensyon sa SSS para sa gastusin at pangangailangan ng mga senior citizens.
<< Home