Bagong standards at protocols para sa mga hotel para makabalik sa kanilang operasyon, iminungkahi ni Rep Aragones
Iminungkahi ni Committee on Tourism Chairman at Laguna Rep Sol Aragones sa Department of Tourism (DOT) at sa mga kinatawan ng hotel industry sa bansa na bumuo ng mga bagong standards at protocols para makabalik sa kanilang operasyon.
Sinabi ni Aragones na ang lumang nakasanayan at umiiral na standards ay hindi na nararapat ngayon sa hotel industry dahil sa COVID-19.
Iginiit ng kongresista, rebisahin ng DOT, hotel industry kasama ang Department of Health (DOH) ang mga umiiral na protocols upang maka-adapt ang hotel industry sa ‘new normal’ tulad ng paglalatag ng mga pamamaraan at mga pagbabago para maging outbreak-proof ang mga hotels.
Inirekomenda naman ni Aragones ang ilang protocols sa mga hotels tulad ng contact-less check-in, palitan ang breakfast buffets ng bento boxes, at pagpapalawak sa hotel kitchens at pagkakaroon ng espasyo sa mga dining areas upang maobserbahan ang social distancing.
Ipinahahanda din ng personal protective equipment (PPEs), rapid test kits, at face masks ang mga hotels.
Bukod dito, ipinapasailalim din sa training ang mga hotel staff upang alam na agad ang mga dapat na gawin sa oras na mayroong isang guest na magkasakit.
Para naman maging pamilyar ang mga guests sa bagong standards sa mga hotels ay pinahahanda din ang DOT ng mga information materials sa hotel at tourism industry.
<< Home