Otorisasyon na tukuyin ang mga recipient at i-disburse ang cash aid, dapat ibigay sa mga barangay
Iminungkahi ni Marikina City Rep Bayani Fernando na dapat bigyan ng kapangyarihan ang mag barangay sa bansa na tukuyin ang mga benepisyaryo ng emergency cash subsidy at i-disburse ang pera.
Sa inihain ni Fernando na House Resolution 807, layunin nito para mas mapabilis at maayos na maipatutupad ang Social Amelioration Program o SAP.
Sa isang panayam, sinabi ni Fernando na hindi dapat maliitin ang kapasidad ng barangay upang maabot ang mga tao nito, sa kabila ng pagiging pinakamaliit na unit ng pamahalaan.
Ayon kay Fernando, dapat hindi maliitin ang mga barangay at ang kapangyarihan ng mga ito ay napakalaki.
Sinabi niya na ang barangay ay ang hustisya, iyan ang ehekutibo, at iyan ang tagapagpatupad at napakalaking ahensya niyan.
Aniya, ang dapat gawin ng mga opisyal ng barangay ay i-update ang listahan ng low-income na pamilyang sesertipikahan naman ng Sangguniang Barangay sa pamamagitan ng resolusyon.
Sinabi pa niyang dapat ipost sa pampublikong lugar sa barangay ang listahan, na ipadadala rin sa Department of the Interior and Local Government o DILG para sa sarili nitong pag-aaral, saka ito ipadadala sa Department of Budget and Management o DBM upang matukoy kung magkanong pondo ang ibibigay sa barangay.
Matapos ma-disburse ang pondo sa mga benepisyaryo, gagawa ng report ang barangay sa pamamahagi ng pondo at ibabalik sa pamahalaan ang sobrang pera, kung mayroon man.
<< Home