Friday, March 27, 2009
Bohol is an island province of the Philippines located in the Central Visayas region. Its capital is Tagbilaran City. It is the 10th largest island in the country, located in the heart of the Visayas. To the west of Bohol is Cebu, to the northeast is the island of Leyte and to the south, across the Bohol Sea is Mindanao.
Thursday, March 26, 2009
Karagdagang bayad sa text, sinuportahan ng mambabatas
Sinang-ayunan ni Camarines Norte Rep Liwayway Vinzons-Chato ang panukalang patungan ng sampung sentimong karagdagang bayad ang mga mensahe at tawag sa cell phones upang mapagkunan ng pondo ng pamahalaan.
Nauna nang inihain ni Quezon Rep Danilo Suarez ang panukala na naglalayong patungan ng sampung sentimong bayad ang text at tawag upang makaipon ng pondo ang gobyerno para sa edukasyon ng mga mahihirap na kabataan.
Sinabi ni Vinzons-Chato, dating hepe ng Bureau of Infernal Revenue (BIR), na maaaring gamitin ang pondo para sa mga computer subjects sa mga pampublikong paaralan, na mangangahulugang makakatapos ang mga mag-aaral na ito na may ganap na kaalaman sa computer.
Dapat ding pag-aralan ng pamahalaan, ayon pa sa kanya, kung papaano maipaiiral ang e-governance sa lahat ng tanggapan ng gobyerno dahil napakarami pa ring tanggapan ang walang computer, bagama’t mayroon nang tinatawag na business process outsourcing o BPO sa voice calls.
Ayon sa kanya, mula sa makakalap na pondo ay dapat na pagtuunan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng serbisyo ng BPOs upang ang mga regular na tawag at mga katanungan ay kagyat nang masasagot sa pamamagitan ng call centers at ang karagdagang bayad na ito ay ituturing ng pamahalaan na non-tax collection.
Wednesday, March 25, 2009
Philippine Revenue Authority o PRA , itatatag kapalit sa bubuwaging BIR
Isinulong ni Camarines Norte Rep Liwayway Vinzons-Chato, sa pamamagitan ng HB06007, ang pagkakatatag ng Philippine Revenue Authority o PRA na siyang may atas na magsasagawa ng koleksyon sa buwis na magpopondo sa pamahalaan at sa operasyon nito alinsunod sa taunang polisiya at target na koleksyon ng gobyerno.
Sinabi ni Vinzons-Chato na ang kanyang panukala ay tatawaging Philippine Revenue Authority Act na magsasanib ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue sa pamamagitan ng pagbubuwag ng mga ito upang matiyak ang isang mabisa at mapagkakatiwalaang operasyon sa lahat ng uri ng koleksyon sa buwis.
Ayon sa kanya, ipapatupad din ng tanggapan ang mahigpit na pagmamanman, pagpaparusa, pagmumulta, kasama na ang pagpapatupad ng mga hatol sa mga kaso hinggil sa buwis na ipinalabas ng Court of Tax Appeals at mga ordinaryong hukuman.
Idinagdag pa ni Vinzons-Chato na bagama’t maaaring isipin ng iba na masyadong mahigpit ang nilalaman ng panukala ay importante ang mga ito sa panahon ng pangangailangan ng isang epektibong sistema sa pangangasiwa ng pamahalaan at ito ang maging tugon sa pandaigdigang paligsahan ng mga gobyerno.
Iginiit pa niya na ang tagumpay sa pangangasiwa sa buwis ay pinakaepektibo kapag ipinairal ang malawakang pagsusuri sa kalakalan kumpara sa nakatutok lamang ang gobyerno sa pangangailangan ng buwis.
Tuesday, March 24, 2009
Suporta sa agham at teknolohiya, ipinanawagan
Sinabi ni Guingona na ang pinakamagagaling at pinakamatatalinong mga Pilipino ay umaalis ng bansa upang magpakadalubhasa sa ibayung dagat dahil wala namang mga pasilidad sa ating bansa.
Nauna nang sinabi ni Aurelio Montinola III, pangulo ng BPI Foundation, na ang mga pangunahing unibersidad at research facilities sa Estados Unidos ay puno ng mga matatalino at kabataang Pilipino na nahikayat na pumunta roon dahil sa generous funding at mas magandang pasilidad at kulturang kumikilala sa husay at talino.
Ayon kay Guingona, dapat umanong manguna ang pamahalaan sa paglikha ng mga bagong daan at pagkakataon upang pag-alabin ang pagiging makabayan ng mga kabataan sa pamamagitan ng agham at teknolohiya.
Iginiit pa ng mambabatas na dapat ang mga guro sa science and technology ang magsisilbing intrumento upang paunlarin ang kasalukuyang estado nito para maipaabot sa mga komunidad ang mga bagong tuklas sa larangan ng agham at mga inobasyon sa teknolohiya at sila rin ang maging daan upang mapakinabangan ng mga komunidad ang mga bagong tuklas at inobasyon para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Ayon pa sa kanya, maaari lamang magkaroon ng inobasyon kapag matatag ang kultura ng agham at teknolohiya at ang ating mga guro ang mangunguna sa pagpapayabong ng diwa ng inobasyon sa ating mga mag-aaral.
Monday, March 23, 2009
Philippine Veterans Assitance Commission (PVAC), bubuwagin na
Ipinahayag ni Quirino Rep at Chairman at House Committee on Appropriations chairman Junie Cua na inaprubahan na ang panukalang batas na magbubuwag sa Philippine Veterans Assistance Commission (PVAC) ng kanyang komite na duminig hinggil sa probisyon ng pondo ng HB04907 na inihain nina Zambales Rep Antonio Diaz at Pasig City Rep Roman Romulo.
Malugod na sinuportahan ni Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) Undersecretary Ernesto Carolina ang pag-apruba sa HB 4907 na nagbubuwag sa komisyon dahil ginagampanan na aniya ng PVAO ang mga tungkulin ng naturang tanggapan.
Nilinaw ni Carolina na walang kawani ng nasabing tanggapan ang maaapektuhan ng pagbubuwag dahil matagal na umanong tumigil ito sa kanilang operasyon.
Ayon kay Diaz, ang PVAC ay wala nang silbing ahensya kaya’t ang mga ari-arian nito ay ililipat na sa pangangasiwa ng PVAO matapos ang pormal na pagbubuwag.
Sa ilaim ng panukala, lahat ng kawani ng PVAC, mga dokumento at talaan, ari-arian at mga pagkakautang ay isasailalim na sa pangangasiwa ng Philippine Veterans Administration.
Itinatag ang PVAC sa pamamagitan ng Presidential Decree 244.
Kaugnay nito, ang administrador ng PVAO ay gagawaran ng kapangyarihan na magpatupad ng pagsasanib ng mga tungkulin, pondo, mga dokumento at talaan, ari-arian at mga pasilidad, kasama na ang mga pagkakautang at mga kawani, batay sa pag-apruba ng Kalihim ng Tanggulang Pambansa.
Mga hybrid na bus, tipid sa gasolina
Iginiit ng mga kongresista ang paggamit sa bansa ng hybrid transit buses na may hybrid diesel electric drive system dahil malaki ang matitipid nito sa gasolina at environment-friendly technology.
Batay sa HB05859 na iniakda ni Ilocos Sur Rep Ronald Singson, layunin nito na gumamit ng mga hybrid na bus bilang pangunahing pampublikong sasakyan sa buong Metro Manila.
Ayon kay Singson, nanatiling mabenta ang mga hybrid na bus partikular na sa bansang Europa at Amerika at maging sa Asya at ang paggawa ng mga ito ay isang magandang hakbang para sa teknolohiya ng bus kung tibay ang pag-uusapan.
Isang uri ng bus ito na may teknolohiyang gamit ang diesel-powered internal combustions (IC) engine na may battery-powered electric motor at umani ito ng kataku-takot na publisidad dahil sa taknolohiyang tipid sa gasoline at nakakabawas ng emission
Kasabay nito, isa pang panukalang batas, ang HB05282 na iniakda ni Tarlac Rep Jeci Lapus na may layuning bigyan ng tax exemption at incentives ang pag-import, paggamit at pagsulong ng hybrid electric vehicles (HEV).
Corrupt na mga hukom, dudurugin
Sinabi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez na bagama’t kinokonsidera ang hukuman na isa sa mga haligi ng gobyerno sa kanilang tungkuling mangasiwa ng hustisya, kailangan pa rin umanong sugpuin ang korapsyon at iba pang anomalya sa kanilang hanay.
Ayon kay Rodriguez, kilala umano ang mga hukom sa pagtanggap ng suhol para lamang makapag-piyansa ang inaakusahan, kahit pinagbawalan ng batas ang magpiyansa at sa dinami-dami ng mga kaso, nagkakaroon ng suhulan sa pagitan ng akusado at abogado para lamang umusad ang kaso.
Si Rodriguez, isang dating dekano ng law school, ay nagsabing maging sa sektor ng pagnenegosyo mababa ang tingin sa sistema ng hustisya sa bansa dahil sa alegasyon ng kurapsyon.
Pagkakalooban ng pabuya at proteksyon ang sinumang maglalakas ang loob na magsumbong sa ma-anomalyang gawain ng opisyal ng hukuman, batay sa panukalang batas na iniakda ni Rodriguez.
Edukasyon pa rin ang pinakamataas na prayoridad ng Kamara – Nograles
Ipinahayag kahapon ni House Speaker Prospero Nograles na umaabot sa 100 panukala na naglalayong magtatag ng mga bagong national high school sa buong bansa ang naghihintay na lamang ng pinal na lagda ni Pangunlong Gloria Macapagal Arroyo upang maging ganap na batas.
Sinabi ni Nograles na kahit pa umaasa ang bawat mamamayan sa mga solusyon na makapagsasalba sa nararanasang hirap sanhi ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya ay nananatili pa rin na edukasyon ang pinakamataas at pangunahing isinusulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon naman kay Marikina Rep Del de Guzman, chairman ng Committee on Basic Education, ang mga gusali ng mga bagong paaralan ay magiging bahagi ng mga imprastrakturang pangkaunlaran para sa edukasyon na inaasahang magdudulot ng trabaho at pagkakakitaan sa mga manggagawang karpentero at kita sa negosyo ng mga nagbebenta ng mga materyales sa larangan ng konstruksyon.
Ipinagmalaki ng Speaker at ni Iloilo Rep at Majority Floor Leader Arthur Defensor ang komiteng pinamumunuan ni de Guzman na isa sa pinakamasipag ng komite sa Kamara sa unang regular na sesyon ng Kamara kung susumahin ang mga panukalang naipasa at inaprubahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.
Pinuri naman ni Defensor ang liderato ni Nograles dahil sa bukod sa 25 panukalang naisabatas na, mayroon pang 10 panukala na may pambansang kahalagahan ang naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo upang maging ganap na batas.
Thursday, March 19, 2009
Karagdagang insentibo para sa mga kawal, isinusulong
Sinabi ni Biazon sa kanyang inihaing HB05844 na maliit lamang umano na benepisyo ang hinihiling nila para sa mga kawal subali’t malaking bagay ito upang maipaabot ng Kongrso sa kanila ang taos pusong pasasalamat at pagkilala sa nito sa pagiging tapat nila sa kanilang tungkulin at mga sakripisyo sa pagtatanggol nila sa ating kasarinlan.
Wednesday, March 18, 2009
Guingona, hindi ikinagulat ang negative rating ni GMA
Ipinayahag kahapon ni Bukidnon Rep Teofisto Guingona III na ang resulta ng pinakabagong survey ng performance ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay sumasalamin sa hindi nito epektibong pamamalakad.
Ayon kay Guinona, hindi na kailangang pagtalunan pa ang kinalabasan ng survey dahil mamamayan na ang nagsalita kung gaanong hindi mapagkakatiwalaan si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pamumuno ng ating bansa.
Ang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) mula ika-20 hanggang 23 ng Pebrero ay nagsasabi na 26% ng respondents ay satisfied at 59% ay hindi satisfied sa pamamahala ng administrasyong Arroyo, na may kabuuang marka na negative 32 (-32).
Idinagdag pa ni Guingona na palagi umanong pinagmamalaki at bukambibig ng administrasyon ang mga programang maka-mahirap at pampatatag ng ekonomiya ngunit nararamdaman ba talaga ng mamamayan na sila ang nakikinabang, pagtatanong pa ng mambabatas.
Regulasyon sa modernong kasanayan sa chemistry sa bansa, isinusulong
Isinusulong ngayon ni Iloilo City Rep Raul Gonzalez Jr sa Kamara ang HB05762 na kilalaning Chemistry Law of 2009 na naglalayong paunlarin at gawing makabago ang kasanayan sa chemistry sa bansa.
Sinabi ni Gonzales na layunin ng kanyang panukala na amiyendahan ang RA00754 dahil sa pag-unlad ng pandaigdigang pamantayan hinggil sa agham upang mabigyan ng bagong kahulugan ang kasanayan ng mga chemical analyst sa bansa at mailalatag ang mga bagong patakaran para maiangkop natin ang propesyong ito sa pandaigdigang kompetisyon.
Ayon sa kanya, ang Chemistry ay may dalawang mahahalagang aspeto, isa ay ang kahalagahan nito sa agham at pag-aaral, at ang ikalawa ay ang kapakinabangan nito sa ating pamumuhay para sa ating kaligtasan, pampublikong interes at ekonomiya ng ating bansa.
Sa ilalim ng panukala, patatatagin nito ang kapangyarihan ng Board of Chemistry upang mangasiwa sa mga laboratoryo at iba pang kaugnay nito na nagsasanay ng chemistry at upang masiguro ang kalidad ng pamantayan na pangangasiwaan ng bagong Professional Regulation Commission (PRC).
Halaga at taripa sa serbisyo ng telekomunikasyon, isasailalim sa regulasyon ng NTC
Inihain ni Cavite Rep Elpidio Barzaga Jr ang HB05852 na may layuning seguruhin ng deregulasyon sa telekomunikasyon na bumaba ang halaga at taripa ng mga serbisyo nito hindi lamang para sa mga mamamayan kundi gayundin sa mga kumpanya upang magkaroon ng epektibong kompetisyon sa industriya na nangangahulugang pagbababa ng halaga ng serbisyo at mga produkto nito.
Mahalagang probisyon na isinama sa panukala ni Barzaga ay ang pagtatakda ng National Telecommunications Commission (NTC) sa halaga at taripa ng mga serbisyong iginagawad ng mga kumpanyang pang-telekomunikasyon.
Sinabi ni Barzaga na dahil mayroong malusog na kompetisyon sa industriya, marapat lamang umanong hayagan na bayaran ang halagang karapatdapat ng mga kumukunsumo at kung ito umano ang pinakamagandang produkto sa halagang patas at makatarungan para sa publiko.
Nguni’t nakakalungkot umano,ayon pa sa kanya, na hindi ganito ang nangyayari dahil pare-pareho lamang ang mga kumpanya ng pagpresyo at walang epekto dito ang deregulasyon.
Batay sa tantiya ng NTC, aabot sa 65 milyong ang gumagamit ng celfone sa bansa at pangkaraniwan na lamang na nakakapagpadala ng 10 mensahe ang bawat isa kada araw.
Isiniwalat ng Globe telecom na noong 2008 ay umabot sa 500 milyon hanggang 700 milyon papasok at palabas na mensahe ang dumadaan sa kanilang network kada araw at ang kanilang sister company na Touch Mobile na may pinagsanib na subscribers ay aabot sa 23.7 milyon at ang Smart at ang Talk N' Text ng PLDT ay aabot sa 500 hanggang 600 milyong mensahe kada araw at mayroon silang pinagsanib na 43.2 milyong subscribers.
Ngunit walang kapangyarihan ang NTC na magtakda ng regulasyon sa halaga at taripa sa mga kumpanyang ito upang mabigyan ng iba’t ibang alternatibo ang publiko na makapamili sa pagitan ng mga naturang kompanya.
Tuesday, March 17, 2009
Pagdaragdag ng bilang ng mga Kongresista, nakababahala
Nagpahayag ng pagkabahala si Bukidnon Rep Teofisto Guingona III dahil sa mga napaulat na daragdagan ng isang distrito ang Camarines Sur na nasasakupan ng unang distrito ng lalawigan bilang preparasyon sa pagbabalik-Kongreso ni Budget Secretary Rolando Andaya na naging kinatawan dati ng naturang distrito bago ito naging miyembro ng Gabinete.
Sinabi ni Guingona na nakakaduda umanong tila ayaw yata ibigay ng pamahalaan ang dagdag na sahod ng mga guro at mga empleado ng gobyerno na dapat lang naman nilang matanggap dahil hindi raw sapat ang badyet samantalang sinang-ayunan kaagad ang panukalang magdagdag ng kinatawan sa Kongreso.
Ayon sa kanya, sa kasalukuyan, may 23 mga Senador at 238 mga Kongresista na at may panukala ring itaas ang suweldo ng mga Senador at Kongresista mula P48,915 hanggang P91,000 sa ilalim ng HJR0024.
Idinagdag pa niya na ang HJR0024 o ang Salary Standardization Law (SSL-3) na nakabinbin pa ay naglalayong maitaas ang sweldo ng lahat ng opisyal at manggagawa ng pamahalaan na isasakatuparan sa apat na installments mula July 2009 hanggang taong 2012.
Iginiit pa ng solon na sa sandaling maipasa ang SSL-3 at maging batas, malaki umano ang magiging implikasyon sa budget kung madaragdagan ng 100 ang bilang ng mga Kongresista.
Mga baybayin at dalampasigan sa bansa, sasagipin
Sinabi ni Pangasinan Rep Jose de Venecia, isa mga may akda ng panukala, na batay sa pinakahuling bilang, 4.3% na lamang ng mga bahura o coral reefs sa bansa ang nasa maayos na kalagayan at ang iba naman ay unti-unti ng namamatay kungdi man ay patay na.
Bukod dito ay 30% hanggang 40% ng mga halamang dagat ang naubos sa loob ng 50 taon at kapag hindi gumawa ng hakbang ang pamahalaan upang tugunan ang suliraning ito ay tuluyan nang mawawasak ang ating mga baybaying dagat, dagdag pa ni de Venecia.
Kabilang sa mga may-akda ng panukala ay sina Las Piñas Rep Cynthia Villar at Leyte Rep Trinidad Apostol.
Ayon naman kay Villar, polusyong gawa ng tao ang pangunahing dahilan sa nakapanlulumong kalagayan ng ating mga baybayin sa bansa, lalo na ang sanhi ng mga basurang walang pakundangang itinatapon sa ating karagatan.
Ani Apostol naman, ang magkakatuwang na ugnayan ng pamayanan at lokal na pamahalaan ang paraan upang matagumpay na mapairal ang mga programang pangkalikasan ng pamahalaan.
Manggagawa, nanganganib na mawalan ng trabaho ngayong taon
Nababahala ang mga mambabatas sa mga ulat na maraming mga Filipinong manggagawa ang posibleng mawalan ng trabaho lalo na sa industriya ng electronics at garments.
Sinabi nina party-list Reps Cinchona Cruz-Gonzales at Emmanuel Joel Villanueva na may mga ulat na 60,000 mga Filipinong manggagawa ang nanganganib na mawalan ng trabaho kasama na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na uuwi dahil sa epekto ng krisis pang-ekonomiya ng iba’t ibang bansa.
Dahil dito, hinihimok nila ang pamahalaan na maglaan ng bahagi ng pondo mula sa P330-billion economic stimulus fund para sa pagsasanay ng mga Filipinong manggagawa na mawawalan ng trabaho dito at sa ibayong dagat dahil sa pandagidigang krisis sa ekonomiya.
Ayon kay Gonzales, ang pondo ay maaari din umanong makapagtatag ng mga bagong trabaho at mga proyektong pangkabuhayan para sa mga walang trabaho.
Batay sa mga mga datus, umaabot sa 248,000 Pinoy ang nawalan ng trabaho sa loob ng isang taon mula Abril 2007 hanggang Abril 2008 at sa pagitan ng Disyembre 1, 2008 at Enero 19, 2009 ay may 15,600 manggagawa ang natanggal sa trabaho at aabot naman sa 19,000 ang nabawasan ng oras sa trabaho.
Ayon naman kay Villanueva, ang industriya ng electronics ang lubha umanong apektado ng krisis na kinabibilangan ng 480,000 manggagawa at bumubuo sa pitumpung porsiyento ng mga produktong iniluluwas ng bansa sa ibayong dagat.
P 1 billion hydropower plant set to rise in Agusan del Norte
Butuan City – Three lake towns in Agusan del Norte in Northeastern Mindanao (Caraga region) are set for an economic boom as a P 1 billion hydro power plant is set to rise there.
The three towns around Laka Mainit are Jabonga, Santiago and Kitcharao.
A private investor is now currently closely coordinating with the provincial government for the final implementation of the said hydropower plant. Income and employment generation are foreseen once the plant is operational.
Governor Erlpe Amante has directed his technical development staff and engineering department head for proper and final evaluation of the said project.
According to flood experts, the setting up of a hydropower plant in Lake Mainit will also finally address the perennial flooding woes of the three lake towns.
Agriculture experts also observed that hydropower plant will also add income to farmers in terms of good water through irrigation project. “Our farmers can now regularly harvest their palay twice a year,” said an agricultural technician.
Monday, March 16, 2009
Pagpatay sa lokal na mga opisyal at mga miyembro ng media, pinasisiyasat
Sinabi ni Mandanas na ang ilan sa mga kaso ng pagpatay ay isinasakatuparan ng mga bayarang mamamatay-tao na gamit ang motorsiklo at walang pinipiling lugar at oras kahit pa sa harap ng maraming tao.
Ayon sa solon, marami sa krimeng ito ay hindi natuldukan at walang nadarakip na mga kriminal upang maparusahan at ang pagkabigo ng pamahalaan sa pagresolba sa mga kasong ito ay nagpapasindak at nagpapadismaya sa mga mamamayan upang mawalan sila ng tiwala at pag-asa sa pag-aasam ng katarungan, dahil din dito, mas lalong nagiging bulgar ang mga krimen dahil malakas ang loob ng mga gumagawa nito dahil wala ngang napaparusahan.
Dahil dito, inihain niya ang HR00994 upang imbetigahan ang paglaganap ng mga kasong ito dahil batay umano sa ulat ng Amnesty International noong 2008, hindi naiharap sa hustisya ang mga kriminal ns msy kaugnayan sa naturang mga pagpatay.
Iginiit pa niya na napapanahon na umano para magsagawa ng aksyon ang Kamara para siyasatin ang mga polisiya ng pambansang pulisya at lahat ng ahensya ng law enforcement hinggil sa nabanggit na isyu.
Minahan sa Oriental Mindoro, pinasisiyasat sa Kongreso
Isa na namang malawakang pagmimina sa lalawigan ng Oriental Mindoro ang pinasisiyasat ng mga party-list Reps na sina Satur Ocampo, Teodoro Casiño, Liza Maza at Luzviminda C. Ilagan, Rafael Mariano upang maibunyag ang epekto nito sa kalikasan at kabuhayan ng mga mamamayan.
Sa HR00997 na kanilang inihain sa Kamara, pinasisiyasat nila sa Committee on Ecology ang operasyon ng Mindoro Nickel Project Resources (MNPR) at Aglubang Mining (AM) dahil isa umano itong malaking banta sa pagkawasak ng pinagkukunan ng malinis na tubig ng naturang lalawigan.
Sinabi ni Ocampo na ang operasyon ng MNPR at AM ay may basabas umano si Ehekutibong sangay ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Natural Resources bagaman at nauna nang tinanggihan nito ang proyekto sa pagmimina ng mga naturang kompanya dahil sa malaking panganib na dala nito sa kalikasan, mamamayan, kalusugan at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda na lubhang makakaapekto sa imbak ng pagkain sa buong lalawigan.
Ayon sa kanya, nanganganib umano ang lalawigan sa epekto ng pagmimina lalo na kapag nadamay na ang Mag-asawang Tubig watershed na siyang pinakamalaking pinagkukunan ng tubig para sa irigasyon ng may 40,000 ektarya ng palayan sa lungsod ng Calapan.
Idinagdag pa nia na ang mga residente ng Nauhan, Baco at Victoria sa Oriental Mindoro, at ang Alangan at Tadyawan na mga katutubong Mangyan ay nagrereklamo laban sa pagmimina ng Intex Resource at Aglubang Mining dahil sa ikinakalat nitong basura na tumitimbang ng walong milyong tonelada kada taon.
Ibinunyag din ng mambabatas ang plano ng Intex/Aglubang na magtayo ng land-base tailings dams sa mga bayan ng mga Pola, San Teodoro, Pinamalayan at sa lungsod ng Calapan.
Thursday, March 12, 2009
Subsidiya para sa bakuna, hiniling sa Kongreso
Naghain si Albay Rep Reno Lim sa Kongreso ng panukalang batas na naglalayong isubsidiya ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga anak ng may 1.4 milyong kawani ng pamahalaan sa buong bansa.
Sinabi ni Lim na sa HB05843 na kilalanin bilang Childhood Immunization Act of 2009, layunin nito na mabawasan ang mga dagdag na gastusin ng isang kawani ng pamahalaan sa pagpapabakuna ng kanilang mga supling na nag-iedad 0 hanggang 11 buwang gulang.
Ayon sa kanya, ang napakamahal, bukod pa sa malaking kakulangan ng mga tradisyunal na bakuna tulad ng BCG, DPT, Oral Polio Vaccines, Measles, Tetanus Toxoid at Hepatitis B ay lubhang nakakaapekto sa kalusugan ng mga kabataan kaya't dapat na ibinibigay ang mga ito sa mga sanggol mula sa edad na 0-11 buwang gulang sa mga health centers sa buong bansa.
Sa ilalim ng kanyang panukala, isang komprehensibong pagbabakuna ang igagawad sa mga anak ng mga kawani ng pamahalaan na kinabibilangan ng lahat ng uri ng bakuna kasama na rito ang mga bagong bakuna batay sa inirekomenda ng Department of Health.
Idinagdag pa niya na isa sa mga bagong bakuna na inirekomenda ng WHO ay ang Hemophilus influenza Type B (HIb) vaccine na nais nilang isama ng pamahalaan Pilipinas sa pambansang programa sa pagbabakuna at inaasahang mababawasan ng bakunang ito ang apat (4%) na porsyentong pandaigdigang pagkamatay ng mga kabataang nasa edad lima pababa at ilan pa sa mga mahahalagang bakuna ay ang Measles, Mumps and Rubella (MMR).
Ang pondo para sa naturang programa ay kukunin ng pamahalaan mula sa nakakalap na buwis ng RA 9337 o ang Reformed Value Added Tax provision on health services.
Bilang ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan, tumataas
Nagpahayag ng pagkabahala si Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez sa diumano'y taun-taong tmataas na bilang ng mga naging biktima ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan, batay na sa ulat ng Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC).
Sinabi ni Rodriguez na ang kadalasang kaso ng karahasan laban sa mga kababaihan ay panggagahasa, panggagahasa sa kamag-anak, panligalig seksuwal, pagpapabaya, pagpatay sa kapwa, paninirang-puri, pagpatay sa magulang, pananakot, panghihikayat sa masama at pangangalunya at ganito rin umano ang naging kadalasang kaso laban sa mga kabataan kasama na ang child trafficking, labor at prostitution.
Nais ni Rodriguez na imbestigahn ng Kongreso ang lumalalang bilang ng karahasan laban sa mga kababaihan at kabataan upang bigyan ng solusyon ng problema.
Ayon sa kanya, batay sa ulat ng PNP-WCPC, nagpapakitang mayroong 6,647 insidente ng karahasan laban sa kababaihan noong 2007 at 7,864 na kaso noong 2008 at umabot sa 5,889 na kaso noong 2006; 6,505 noong 2005; 7,601 noong 2004 at 8,011 na kaso noong 2003.
Sa bisa ng HR01006 na iniakda ni Rodriguez hiniling nito sa House committees on justice at public order and safety na imbestigahan ang tumataas na bilang ng kasong karahasan sa bansa .
Wednesday, March 11, 2009
Donasyon ng sobrang pagkain para sa kawang-gawa, iminungkahi sa Kamara
Iminungkahi ni Paranaque City Rep Eduardo Zialcita sa HB00420 na may layuning alisin ang pananagutang sibil at kriminal sa mga tao o establisimento na posibleng hantungan ng kanilang gagawing donasyon ng mga sobrang pagkain sa mga mahihirap na mamamayan.
Sinabi ni Zialcita na milyon milyong mga Filipino ang nakararanas ng gutom araw-araw dahil sa hirap ng buhay na batay sa datos na iniulat ng National Statistic Coordination Board (NSCB) noong taong 2000, mahigit umano sa 16 ng milyong Pinoy ang walang kakayahang bumili ng sapat na pagkain sa pang araw-araw.
Ayon sa kanya, ang suliraning ito ay maaaring matugunan sa pamamagitan ng mga donasyon ng mga sumosobrang pagkain mula sa mga restaurants, hotels, supermarkets at mga kahalintulad na establisimento, ngunit nag-aalangan ang karamihan sa kanila na mamahagi ng sobrang pagkain na
maaari pang kainin ng mga mahihirap na mamamayan dahil sa posibleng legal na pananagutan na maaari nilang suungin sa kanilang pagkakawang-gawa.
Sa sandaling maisabatas ang panukala, aatasan ang Department of Social Welfare and Development o DSWD na magtatag ng quality control centers na tututok sa donasyon ng mga sobrang pagkain upang masiguro na hindi ito panis at karapatdapat pang kainin ng tao at sisiguruhin din nila na ang mga pagkain ay iiempake ng maayos at lalagyan ng kaukulang etiketa upang ganap na masiguro ang malinis na kalidad nito.
Sa kabila naman nito ay gagawaran ng mga insentibo ng pamahalaan ang mga establisimentong mamamahagi ng sobrang pagkain para sa kawang-gawa.
Bombing sa Zamboang City, kinondina ng mga mambabatas
Mariing kinundina ng mga mababatas sa Kamara de Representantes ang pagkakadiskubre ng iilang improvised explosive devices (IED) malapit sa tahanan ni Anak Mindanao party-list Rep Mujiv Hataman sa lungsod ng Zamboanga noong Lunes ng hapon.
Nanawagan sina CIBAC party-list Rep Joel Villanueva at An Waray party-list Rep Florensio Bem Noel sa mga mamamayan na manatiling mapagmasid laban sa mga grupo at indibidwal na nasa labas at nais maghasik ng kaguluhan.
Sinabi ni Villanueva na kinukondina nila ang insidente ng natuklasang pagpasabog ng bomba na maaaring ang intensiyon ay ang buhay ni Rep Hataman at dapat lamang na ang mga otoridad ay magsagawa kaagad ng kagyat na imbistigasyon upang matukoy ang mga salarin.
Ayon naman kay Noel, ang mga mamamayan, partikular na rito yaong mga nasa mga lalawigan sa Mindanao, ay dapat palaging nakikipag-ugnayan sa mga otoridad upang mahadlangan ang anumang hindi kanais-nais na mga insidente.
Sa parte naman ni Hataman, nagpahayag siya ng paniniwala na ang natuklasang mga bomba malapit sa kanyang tahanan ay talagang nakalaan para sa kanya at ipinahayag niya ang pagkalungkot kung bakit sapitin pa ng kanyang pamilya ang mga ganitong mga seryosong banta sa kanilang buhay.
Hindi naman tinukoy ni Hataman ang mga suspek at mga responsableng personalidad na may kagagawan sa nadiskubreng bomba.
Tuesday, March 10, 2009
Timbangang bakal, ipamamahagi sa bawat barangay
Mamamahagi ng tigsasampung pirasong timbangang bakal ang Department of Trade and Industry o DTI sa bawat barangay upang magamit ng mga residente sa mga binili nilang produkto kung sapat ba o tama sa timbang ang mga ito.
Ipinahayag ni Compostela Valley Rep Manuel “Way Kurat” Zamora, may-akda ang HB00248 na aprubado na ng naturang komite, inihain niya ang panukala upang mapangalagaan ang mga mamamayan sa mga mandurugas na negosyante at mga mangangalakal na bumubiktima sa mga inosenteng mamamayan sa pamamagitan ng pandadaya ng kanilang timbangan.
Sinabi ni Zamora na ang libre ang paggamit ng timbangan para sa mga nagnanais na gumamit nito para malaman kung wasto sa timbang ang kanilang pinamili at makasisigurong hindi sila nadadaya ng kanilang binibili at ang mga timbangang may kakayagang magtimbang ng isang kilo bawat isa ay ipamamahagi sa bawat barangay at ipagkakatiwala sa mga kapitan ng barangay.
Idinagdag pa ng mambabatas na ang kabuuang halaga ng programa ay P460 milyon para sa lahat ng barangay sa buong bansa.
Mahigpit niyang ipinaglalaban ang panukala dahil ito lamang aniya ang tanging solusyon laban sa mga pandaraya sa timbangan sa mga pamilihang bayan at mapapangalagaan din aniya ang mga magsasakasa na kadalasan ay napapagsamantalahan ng mga negosyante dahil sa may mga dayang timbangan at higit sa lahat ay makatitipid pa umano ang gobyerno sa pagmimintina ng mga inspektor na regular na nagsisiyasat ng mga timbangan sa mga pamilihang bayan.
Sugal sa internet, ipagbabawal na
Nagpahayag ng pagkabahala si ARC party-list Rep Narciso Santiago III sa paglaganap ng sugal sa internet dahil wala umanong batas na nagbabawal nito
Dahil dito, isinusulong niya ngayon sa Kamara de Representantes ang HB05613 o ang “Internet Gambling Prohibition Act of 2008” na naglalayong mapangalagaan ang mga kabataan at mamamayan mula sa pagsusugal gamit ang tinatawag na information superhighway.
Sinabi ni Santiago na nahihimok umano na magsugal sa internet ang mga kabataan dahil sa mga premyong ipinamimigay sa iba’t ibang sugal tulad ng mamahaling bakasyon, mga computer, kotse at pera ngunit hindi nila alam kung totoo ang mga naturang papremyo na malinaw na panloloko lamang at panggagatas sa mga mabibiktima ng sugal.
Sa ilalim ng kanyang panukala, mahigpit na ipagbabawal sa sinumang tao na magpasugal gamit ang internet o iba pang pamamaraang gamit ang computer sa pagtaya, pagtanggap ng taya o ang panghihikayat sa pamamagitan ng impormasyon hinggil sa pagtaya sa sugal ng isang mananaya.
Bagaman at ang pagbabawal na ito ay hindi sumasakop sa mga legal na pataya tulad ng Philippine Charity Sweepstakes Office lotto na siyang otorisado at lisensyado ng pamahalaan at ang pasilidad nito ay hayag at bukas sa mga mananaya, gayundin ang pataya sa karera ng kabayo.
Ang sinumang lalabag sa batas ay papatawan ng kaparusahang pagkabilanggo ng hindi lalampas ng apat na taon at pagmumultahin ng katumbas ng mga tinaggap nitong taya o halagang P200,000.00 o pareho depende sa hatol ng hukuman.
Monday, March 09, 2009
Anomalya sa P117M right-of-way sa Tumana bridge, iimbistigahan
Ipinanukala ni Tarlac Rep Jeci Lapus sa kanyang HR0729 na imbistigahan ng Mababang Kapulungan ang diumano’y anomalya sa overpricing ng P117 milyong na halaga ng right-of-way na gagamitin sa pagpapatayo ng tulay sa Tumana sa Marikina City.
Batay sa Memorandum of Agreement o MOA, binayaran ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang Edgewater Realty Development Inc o ERDI ng kabuuang P117 milyon para sa P10,000 kada metro kuwadradong 11,847 na right-of-way.
Sinabi ni Surigao del Sur Rep Philip Pichay sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Good Government na napakamahal umano ng P10,000 kada metro kuwadradong lupa na bukod sa binabaha ang lugar at napapaligiran ng mga squatters, mayroon ding ilang indibiduwal na umaangking sila ang may-ari ng lupa.
Ayon naman kay Lapus, hanggang ngayon ay hindi pa nililipat sa gobyerno ang titulo ng
pinagtatalunang lupa.
Sa pamamagitan ng MOA, sinabi ni Lapus na nakipagkasundo ang DPWH sa ERDI ng walang probisyon sa termino ng pagbabayad at sa obligasyon na ililipat ang titulo sa gobyerno bago ang kabayaran.
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang pagkalkula na ginawa ni DPWH chief of legal division Atty Ma Rocelle Melissa sa halaga ng lupa na P10,000 kada metro kuwadrado.
Hindi umano intensyon ng imbestigasyon para magpasiya ang Komite sa isyu ng pagmamay-ari ng lupa kundi ang malaman kung lumabag sa tungkuling-bayan ang DPWH, dagdag pa ni Lapus.
Cordillera at una at pangalawang rehiyon ng bansa, pauunlarin
Inaprubahan na ng House Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle ang pagtatatag ng North Luzon Development Authority o NLDA para lalong mapabilis ang planong paunlarin ang una at pangalawang rehiyon ng bansa at ang Cordillera Administrative Region o CAR.
Batay sa HB04906 na iniakda ni Cagayan Rep Manuel Mamba, chairman ng Komite at ni Deputy Speaker Eric Singson, layon nitong mapadali ang pakikipag-ugnayan sa ekonomiya ng naturang mga rehiyon at ng CAR sa silangang rehiyon sa Asya.
Nagkaisa naman ang mga miyembro ng Komite na aprubahan ang panukala para mapaunlad at mapabilis ang pagbuo sa balanseng pagsulong ng Hilagang Luzon.
Tiniyak pa ng Komite na ang ugnayan ng Hilagang Luzon sa Silangang rehiyon sa Asya ay maglilikha ng mga trabaho, tulad ng pamumuhunan at turismo, paglawak ng mga negosyo, imprastraktura, proteksyon at dagdag kalikasan at likas yaman at maglikha ng kalakal panluwas para sa lokal na produkto, at higit sa lahat, mabawasan ang kahirapan doon.
Malaki ang paniniwala ng mga mambabatas sa direksyon ng mahusay na pamamaraan, ang epektibong pagpaplano, pangangasiwa at koordinasyon sa mga otoridad nang hindi makakapinsala sa kapangyarihan ng lokal na pamahalaan at sa mga rehiyon alinsunod sa nilalaman ng pambansang plano at patakaran.
Pagmimina sa Mindanao, pinaiimbestigahan ng mga mambabatas
Isinusulong nina Gabriela Reps Luzviminda Ilagan at Liza L. Maza, Bayan Muna Reps Satur Ocampo at Teodoro Casino at Anakpawis Rep Rafael Mariano ang HR00965 na nag-aatas sa Committee on Ecology na pangunahan ang imbestigasyon hinggil sa epekto sa kalikasan ng mga operasyon ng pagmimina sa Mindanao at ang posibleng kaugnayan nito sa nakaraang dagliang pagbaha at pagguho ng mga lupa na nakaapekto sa mahigit na 300,000 katao.
Ito ay bunsod na rin sa utos ni Cagayan de Oro City Mayor Constantino Jaraula na suspendihin ang lahat ng operasyon ng pagmimina sa lungsod kasama na ang dalawang dambuhalang operasyon sa pagmimina ng copper at mga maliliit na pagmimina ng ginto sa mga kanayunang sakop ng iilang mga kalapit-bayan na may operasyon sa mga kabundukan.
Ayon sa mga mambabatas, may 16 na kumpanyang nakatala na kasalukuyang may operasyon sa Mindanao at 8 rito ay nasa lalawigan ng Surigao del Norte, 3 sa Cagayan de Oro, at tag-iisa sa mga lalawigan ng Agusan del Norte, Davao Oriental, Davao del Sur at Surigao del Sur at isang kumpanya naman ang may operasyon sa Cotabato, Saranggani at Dinagat Islands.
Tatlong kumpanya naman sa pagmimina na may operasyon sa Cagayan de Oro ang tinukoy nila at ito ay ang Eagle Crest Mining and Development Corp, Cypress Mining and Devt Corp, at ang Glendale Mining and Devt Corp.
Nais nilang malaman komite kung dapat nga bang papangutin ang mga kumpanyang ito sa mga kalamidad na nangyari sa mga lalawigan sa Mindanao noong nakaraang buwan kung saan ay nagkaroon ng mga dagliang pagbaha at pagguho ng mga lupa na bumiktima sa may 60,000 pamilya o 300,000 katao.
Batay sa ulat na ipinalabas ng National Disaster Coordinating Council o NDCC, umpisa noong ika-20 pa ng Enero 2009 ay may 27 katao na ang nasawi at 5 ang patuloy na nawawala kasama rito ang tatlong katao mula sa Misamis Oriental, isa sa Surigao del Sur at isa sa Agusan del Norte at ang
dahilan ay ang dagliang pagbaha at pagguho ng mga lupa.
Ayon sa kanila, umabot na sa halagang P600 milyon ang mga ari-arian, mga produktong agrikultura at pangisda, imprastraktura at kabahayan ang winasak ng kalamidad dulot ng dagliang pagbaha at pagguho ng mga lupa.
Iginiit ng mga mambabatas sa Kamara ang isang masinsinang rekomendasyon na mahigpit na magbabawal sa pagmimina sa mga delikadong lugar lalo na sa mga pangunahing kagubatan at lugar na pinagkukunan ng malinis na tubig na matatagpuan sa halos kabuuan ng Mindanao.
Thursday, March 05, 2009
Pagkontrol sa polusyong dulot ng ingay, target ngayon ng Kamara
Sinabi ni Zamboanga Sibugay Rep Belma Cabilao, chairman ng Committee Ecology, inaasahang ipapasa sa kapulungan ang HB01648, HB03429 at HB05500 na inihain nina Iloilo Rep Judy Syjuco, Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at ARC Party List Rep Narciso Santiago III.
Ayon kay Cabilao, lyunin ng HB01648 ang pagkontrol sa mga ingay na nanggagaling sa mga radyo, telebisyon at iba pang kagamitan, air conditioner, refrigerator, heater, pumping at filtering equipment, ingay na nanggagaling sa konstruksyon, mga makinarya at mga bahay aliwan na malapit sa mga kabahayan.
Ang HB03429 naman ay naglalayong limitahan ang ingay na dulot ng mga sasakyang panghimpapawid na pangangasiwaan ng Air Transportation Office na siyang magsasagawa ng pag-aaral sa mga pamamaraan kung papaano mababawasan ang ingay ng mga eroplano sa pamamagitan ng soundproofing, relokasyon at paggamit ng mas tahimik na sasakyang panghimpapawid.
Lilimitahan naman ng HB05500 ang pangkalahatang antas ng ingay kada oras na hindi lalampas sa anim na decibels.
Dahil dito, nagtatag ang komite ng isang technical working group na magsasaayos ng mga probisyong inihain sa ilalim ng mga naturang panukalang batas.
Pangatlong Military Service Board bill, pinagtibay na sa Kamara
Pinagtibay na sa ikalawang pagbasa ang pakula ni Bataan Rep Herminia Roman, ang HB04214 na anglalayong repasuhin ang Military Service Board upang kumpirmahin ang may 106,128 na mga beterano ng ikalawang digmang pandaigdig.
Sinabi ni Roman na ito na ang ikatlong itatatag military service board upang kumpirmahin ang iilan pang mga aplikanteng beterano.
Ayon sa lady solon, ang unang sanggunian ay itinatag noong 1997 sa bisa ng RA08440 para sa mga beterano ng digmaan noong Disyembre 8, 1941 hanggang Hulyo 3, 1946 at nag-iwan umano ito ng 106,965 na aplikante at nahinto ang operasyon noong Enero 2001. Sa bisa ng EO 198, itinatag naman ang ikalawang sanggunian noong Abril 21, 2003 hanggang Hulyo 2004 upang muling buhayin ang pag-asa ng naturang mga beterano na pinabayaan ng dating sanggunian. Sa kabuuan bilang, 837 dito ang inaprubahan ng sanggunian.
Sa HB04214, ang ikatlong military service board sa pag-asang makapasa ang 106,128 beterano na hanggang sa kasalukuyan ay naghihintay na maangkin ang benepisyong ibibigay ng Estados Unidos, subalit kailangan pa rin silang kumpirmahin ng gobyerno ng Pilipinas.
Ayon pa sa mambabatas, gagamitin ng bagong sanggunian ang mga lumang dokumentong ebidensiya na ipinag-uutos sa ilalim ng RA08440 at EO 198 para kilalanin ang nabanggit na beterano ng digmaan.
Aniya, nanahimik lamang ang mga beterano ng digmaan ngunit pakiramdam nila ay pinagkanulo
at hindi sila kinilala ng bansang pinagtanggol nila noong panahon ng digmaan.
Wednesday, March 04, 2009
Mga mahahalagang batas, isasalin sa Wikang Filipino
Isasalin na sa mga wikang Filipino, Ilokano, Pangasinense, Kapampangan, Bikol, Cebuano,
Samar-Leyte, Hiligaynon, Maranao, Maguindanao at Tausug ang mga umiiral na batas sa bansa sa bisa ng ng nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Kamara de Representantes ng Kongreso ng Pilipinas at ng Komisyon sa Wikang Filipino kahapon.
Ang mga lumagda sa memorandum of agreement (MOA) ay sina House Secretary General Marilyn Barua-Yap at Jose Laderas Santos, pambansang pangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino at ito ay sinaksihan nina Marikina City Rep Del De Guzman, chairman ng House Committee on Education and Culture at Commissioner Carmelita Abdurahman ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Pormal na isinumite ni Sec Gen Barua-Yap kina Chairman Santos at Commissioner Abdurahman ang labing-siyam (19) na Republic Acts na may pambansang kahalagahan at ipinasa sa panahon ng ika-14 na Kongreso.
Iilan dito ay ang Republic Act 09502, o ang Cheaper Medicine Act; Republic Act 09501, o ang Magna Carta for Micro, Small & Medium Enterprises at Republic Act 09505 o ang batas na nagtatatag sa Provident Personal Savings Plan.
Ang mga ito ang unang bungkos ng mga batas na isasalin ng Komisyon sa Wikang Filipino at sa ating sariling mga wika o 11 dayalekto batay sa probisyon na nasa ilalim ng House Resolution 331.
Ang panukala ay pangunahing iniakda ni House Speaker Prospero Nograles at inaprubahan ng Mababang Kapulungan nito lamang ika-18 ng Pebrero 2009.
Tuesday, March 03, 2009
Pagla-lobby sa Kamara, dapat ihayag sa publiko ayon sa mambabatas
Ipinanukala ni Alliance for Rural Concerns Party-List Rep Narciso Santiago III na magkaroon ng mga patakaran ang maghahayag ng mga kaganapan hinggil sa pagla-lobby o ang mga nasa likod ng pagsusulong ng isang panukalang batas para mahikayat ang mga mamamayan na magtiwala sa pamahalaan sa mga ipinapasang panukalang batas sa dalawang Kapulungan ng Kongreso para maging ganap na batas
Sinabi ni Santiago na sa kanyang inihaing HB05803, maging hayagan ang pagla-lobby tulad ng pagiging hayag sa publiko ng mga talaan ng mga kaganapan sa Senado at Mababang Kapulungan.
Ang pagla-lobby ayon sa kanya ay isang pamamaraan ng pagsusulong ng panukalang batas sa pamamagitan ng pagpadala ng liham o pakikipag-ugnayan sa isang opisyal ng pamahalaan upang maimpluwensyahan ang paghahain ng panukala sa dalawang Kapulungan ng Kongreso na naglalayong palitan ang anumang patakaran o programa ng pamahalaan o larangan ng paggastos ng perang galing sa kaban ng bayan.
Ayon pa sa mambabatas, mahalaga umanong maihayag sa publiko ang mga nasa
likod ng pagla-lobby upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan para maseguro ang integridad at katapatan ng ugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng Kongreso at ng mga nagla-lobby.
Nais ni Santiago na maging hayagan ang mga impormasyon sa kaganapan ng pagla-lobby at maitala sa dokumentong notaryado at malinaw na nakatala ang mga pangalan at tirahan ng lobbyist at ang kinakatawan nitong kompanya o tao kung saan ay malinaw ang mga impormasyon hinggil sa kung ano ang kapakinabanagan at sino ang makikinabang sa anumang isinusulong ng mga ito, gayun din ang mga opisyal ng pamahalaan na nagsusulong nito.
Monday, March 02, 2009
Guingona, umapelang magpatayo ng mga bagong planta ng kuryente
Ipinahayag ni Bukidnon Rep Teofisto Guingona III kahapon sa hearing ng Joint Congressional Power Commission ang kaniyang pagkabahala sa pag-aasa ng pamahalaan sa pagsasapribado ng industriya ng koryente ngayong may krisis sa ekonomiya.
Sinabi ni Guingona na wala umano tayong masyadong nakikitang pamumuhunan na pumapasok sa ating bansa dahil sa krisis, ngunit ang lahat ng pagkilos ng pamahalaan ay nakasalalay dito.
Ayon sa kanya, kung wala umanong mag-iinvest, malamang makararanas daw tayo ng black-outs kaya dapat na ipalawig pa ang mga debate tungkol sa mga merito ng pagsasapribado ng sektor ng kuryente na pinag-uusapan at binabalangkas.
Aniya, kailangang pag-isipang mabuti ang posibilidad ng pagtatayo ng pamahalaan ng mga bagong planta ng kuryente dahil aabutin sa apat hanggang limang taon ang pagpapatayo ng mga bagong planta kung kaya't kailangang mapag-usapan na ito ngayon bilang urgent matter kung ayaw nating magdebate sa dilim.
Idinagdag pa ng mambabatas na maaari pa ring ipagpatuloy ang pagsasapribado ng mga plantang tumatakbo na, ngunit dahil sa krisis kailangang magtayo ang pamahalaan ng mga karagdagan pang mga planta.