Subsidiya para sa bakuna, hiniling sa Kongreso
Naghain si Albay Rep Reno Lim sa Kongreso ng panukalang batas na naglalayong isubsidiya ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga anak ng may 1.4 milyong kawani ng pamahalaan sa buong bansa.
Sinabi ni Lim na sa HB05843 na kilalanin bilang Childhood Immunization Act of 2009, layunin nito na mabawasan ang mga dagdag na gastusin ng isang kawani ng pamahalaan sa pagpapabakuna ng kanilang mga supling na nag-iedad 0 hanggang 11 buwang gulang.
Ayon sa kanya, ang napakamahal, bukod pa sa malaking kakulangan ng mga tradisyunal na bakuna tulad ng BCG, DPT, Oral Polio Vaccines, Measles, Tetanus Toxoid at Hepatitis B ay lubhang nakakaapekto sa kalusugan ng mga kabataan kaya't dapat na ibinibigay ang mga ito sa mga sanggol mula sa edad na 0-11 buwang gulang sa mga health centers sa buong bansa.
Sa ilalim ng kanyang panukala, isang komprehensibong pagbabakuna ang igagawad sa mga anak ng mga kawani ng pamahalaan na kinabibilangan ng lahat ng uri ng bakuna kasama na rito ang mga bagong bakuna batay sa inirekomenda ng Department of Health.
Idinagdag pa niya na isa sa mga bagong bakuna na inirekomenda ng WHO ay ang Hemophilus influenza Type B (HIb) vaccine na nais nilang isama ng pamahalaan Pilipinas sa pambansang programa sa pagbabakuna at inaasahang mababawasan ng bakunang ito ang apat (4%) na porsyentong pandaigdigang pagkamatay ng mga kabataang nasa edad lima pababa at ilan pa sa mga mahahalagang bakuna ay ang Measles, Mumps and Rubella (MMR).
Ang pondo para sa naturang programa ay kukunin ng pamahalaan mula sa nakakalap na buwis ng RA 9337 o ang Reformed Value Added Tax provision on health services.
<< Home