Pagdaragdag ng bilang ng mga Kongresista, nakababahala
Nagpahayag ng pagkabahala si Bukidnon Rep Teofisto Guingona III dahil sa mga napaulat na daragdagan ng isang distrito ang Camarines Sur na nasasakupan ng unang distrito ng lalawigan bilang preparasyon sa pagbabalik-Kongreso ni Budget Secretary Rolando Andaya na naging kinatawan dati ng naturang distrito bago ito naging miyembro ng Gabinete.
Sinabi ni Guingona na nakakaduda umanong tila ayaw yata ibigay ng pamahalaan ang dagdag na sahod ng mga guro at mga empleado ng gobyerno na dapat lang naman nilang matanggap dahil hindi raw sapat ang badyet samantalang sinang-ayunan kaagad ang panukalang magdagdag ng kinatawan sa Kongreso.
Ayon sa kanya, sa kasalukuyan, may 23 mga Senador at 238 mga Kongresista na at may panukala ring itaas ang suweldo ng mga Senador at Kongresista mula P48,915 hanggang P91,000 sa ilalim ng HJR0024.
Idinagdag pa niya na ang HJR0024 o ang Salary Standardization Law (SSL-3) na nakabinbin pa ay naglalayong maitaas ang sweldo ng lahat ng opisyal at manggagawa ng pamahalaan na isasakatuparan sa apat na installments mula July 2009 hanggang taong 2012.
Iginiit pa ng solon na sa sandaling maipasa ang SSL-3 at maging batas, malaki umano ang magiging implikasyon sa budget kung madaragdagan ng 100 ang bilang ng mga Kongresista.
<< Home