Donasyon ng sobrang pagkain para sa kawang-gawa, iminungkahi sa Kamara
Iminungkahi ni Paranaque City Rep Eduardo Zialcita sa HB00420 na may layuning alisin ang pananagutang sibil at kriminal sa mga tao o establisimento na posibleng hantungan ng kanilang gagawing donasyon ng mga sobrang pagkain sa mga mahihirap na mamamayan.
Sinabi ni Zialcita na milyon milyong mga Filipino ang nakararanas ng gutom araw-araw dahil sa hirap ng buhay na batay sa datos na iniulat ng National Statistic Coordination Board (NSCB) noong taong 2000, mahigit umano sa 16 ng milyong Pinoy ang walang kakayahang bumili ng sapat na pagkain sa pang araw-araw.
Ayon sa kanya, ang suliraning ito ay maaaring matugunan sa pamamagitan ng mga donasyon ng mga sumosobrang pagkain mula sa mga restaurants, hotels, supermarkets at mga kahalintulad na establisimento, ngunit nag-aalangan ang karamihan sa kanila na mamahagi ng sobrang pagkain na
maaari pang kainin ng mga mahihirap na mamamayan dahil sa posibleng legal na pananagutan na maaari nilang suungin sa kanilang pagkakawang-gawa.
Sa sandaling maisabatas ang panukala, aatasan ang Department of Social Welfare and Development o DSWD na magtatag ng quality control centers na tututok sa donasyon ng mga sobrang pagkain upang masiguro na hindi ito panis at karapatdapat pang kainin ng tao at sisiguruhin din nila na ang mga pagkain ay iiempake ng maayos at lalagyan ng kaukulang etiketa upang ganap na masiguro ang malinis na kalidad nito.
Sa kabila naman nito ay gagawaran ng mga insentibo ng pamahalaan ang mga establisimentong mamamahagi ng sobrang pagkain para sa kawang-gawa.
<< Home