Cordillera at una at pangalawang rehiyon ng bansa, pauunlarin
Inaprubahan na ng House Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle ang pagtatatag ng North Luzon Development Authority o NLDA para lalong mapabilis ang planong paunlarin ang una at pangalawang rehiyon ng bansa at ang Cordillera Administrative Region o CAR.
Batay sa HB04906 na iniakda ni Cagayan Rep Manuel Mamba, chairman ng Komite at ni Deputy Speaker Eric Singson, layon nitong mapadali ang pakikipag-ugnayan sa ekonomiya ng naturang mga rehiyon at ng CAR sa silangang rehiyon sa Asya.
Nagkaisa naman ang mga miyembro ng Komite na aprubahan ang panukala para mapaunlad at mapabilis ang pagbuo sa balanseng pagsulong ng Hilagang Luzon.
Tiniyak pa ng Komite na ang ugnayan ng Hilagang Luzon sa Silangang rehiyon sa Asya ay maglilikha ng mga trabaho, tulad ng pamumuhunan at turismo, paglawak ng mga negosyo, imprastraktura, proteksyon at dagdag kalikasan at likas yaman at maglikha ng kalakal panluwas para sa lokal na produkto, at higit sa lahat, mabawasan ang kahirapan doon.
Malaki ang paniniwala ng mga mambabatas sa direksyon ng mahusay na pamamaraan, ang epektibong pagpaplano, pangangasiwa at koordinasyon sa mga otoridad nang hindi makakapinsala sa kapangyarihan ng lokal na pamahalaan at sa mga rehiyon alinsunod sa nilalaman ng pambansang plano at patakaran.
<< Home