Philippine Revenue Authority o PRA , itatatag kapalit sa bubuwaging BIR
Isinulong ni Camarines Norte Rep Liwayway Vinzons-Chato, sa pamamagitan ng HB06007, ang pagkakatatag ng Philippine Revenue Authority o PRA na siyang may atas na magsasagawa ng koleksyon sa buwis na magpopondo sa pamahalaan at sa operasyon nito alinsunod sa taunang polisiya at target na koleksyon ng gobyerno.
Sinabi ni Vinzons-Chato na ang kanyang panukala ay tatawaging Philippine Revenue Authority Act na magsasanib ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue sa pamamagitan ng pagbubuwag ng mga ito upang matiyak ang isang mabisa at mapagkakatiwalaang operasyon sa lahat ng uri ng koleksyon sa buwis.
Ayon sa kanya, ipapatupad din ng tanggapan ang mahigpit na pagmamanman, pagpaparusa, pagmumulta, kasama na ang pagpapatupad ng mga hatol sa mga kaso hinggil sa buwis na ipinalabas ng Court of Tax Appeals at mga ordinaryong hukuman.
Idinagdag pa ni Vinzons-Chato na bagama’t maaaring isipin ng iba na masyadong mahigpit ang nilalaman ng panukala ay importante ang mga ito sa panahon ng pangangailangan ng isang epektibong sistema sa pangangasiwa ng pamahalaan at ito ang maging tugon sa pandaigdigang paligsahan ng mga gobyerno.
Iginiit pa niya na ang tagumpay sa pangangasiwa sa buwis ay pinakaepektibo kapag ipinairal ang malawakang pagsusuri sa kalakalan kumpara sa nakatutok lamang ang gobyerno sa pangangailangan ng buwis.
<< Home