Pagla-lobby sa Kamara, dapat ihayag sa publiko ayon sa mambabatas
Ipinanukala ni Alliance for Rural Concerns Party-List Rep Narciso Santiago III na magkaroon ng mga patakaran ang maghahayag ng mga kaganapan hinggil sa pagla-lobby o ang mga nasa likod ng pagsusulong ng isang panukalang batas para mahikayat ang mga mamamayan na magtiwala sa pamahalaan sa mga ipinapasang panukalang batas sa dalawang Kapulungan ng Kongreso para maging ganap na batas
Sinabi ni Santiago na sa kanyang inihaing HB05803, maging hayagan ang pagla-lobby tulad ng pagiging hayag sa publiko ng mga talaan ng mga kaganapan sa Senado at Mababang Kapulungan.
Ang pagla-lobby ayon sa kanya ay isang pamamaraan ng pagsusulong ng panukalang batas sa pamamagitan ng pagpadala ng liham o pakikipag-ugnayan sa isang opisyal ng pamahalaan upang maimpluwensyahan ang paghahain ng panukala sa dalawang Kapulungan ng Kongreso na naglalayong palitan ang anumang patakaran o programa ng pamahalaan o larangan ng paggastos ng perang galing sa kaban ng bayan.
Ayon pa sa mambabatas, mahalaga umanong maihayag sa publiko ang mga nasa
likod ng pagla-lobby upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan para maseguro ang integridad at katapatan ng ugnayan sa pagitan ng mga miyembro ng Kongreso at ng mga nagla-lobby.
Nais ni Santiago na maging hayagan ang mga impormasyon sa kaganapan ng pagla-lobby at maitala sa dokumentong notaryado at malinaw na nakatala ang mga pangalan at tirahan ng lobbyist at ang kinakatawan nitong kompanya o tao kung saan ay malinaw ang mga impormasyon hinggil sa kung ano ang kapakinabanagan at sino ang makikinabang sa anumang isinusulong ng mga ito, gayun din ang mga opisyal ng pamahalaan na nagsusulong nito.
<< Home