-MGA PANUKALA HINGGIL SA RIGHT TO INFORMATION, HINASA SA TWG
Ipinagpatuloy ang deliberasyon hinggil sa ibat ibang panukala na naglalayong palakasin ang Freedom of Information (FOI) ng bansa.
Ang online na pagpupulong ng Committee on Public Information sa Kamara, sa pangunguna ni KABAYAN Rep. Ron Salo kahapon ay idinaos para balangkasin ang mga panukalang may layuning palakasin ang karapatan ng mga mamamayan sa impormasyon, pagsisiwalat ng buo sa publiko, katapatan sa serbisyo at sa mga bagay na may kinalaman sa publiko, ang patakaran ng estado ng buong pagsisiwalat ng lahat na mga transaksyon na kinasasangkutan ng interes ng publiko, na ginagarantiya ng Konstitusyon.
Sa kanyang pambungad na pahayag, sinabi ni Salo na inaasahan nila na maisasaayos nila ang ilan sa ating mga alalahanin, at makagawa sila ng isang mungkahing tunay na tutugon sa mga hinahangad ng ating mga mamamayan.
Pinagdebatehan ng Komite ang inilatag na substitute bill, upang matiyak na lahat ng mga komento at mungkahi ng mga kinauukulang ahensya at iba pang nagsusulong, ay mapapakinggan at maikokonsidera bago magkaroon ng pinal na bersyon.
Kapag naisabatas ang panukala, itatatag ang Freedom of Information Commission upang ipatupad ang mga isinasaad sa probisyon.