-PAGPAPALAWIG SA NATIONAL FEEDING PROGRAM, INAPRUBAHAN NG KOMITE
Inaprubahan ng Committee on Basic Education and Culture sa Kamara kahapon, na pinamunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, ang substitute bill sa House Bill 5970, ang panukala na may layuning palawigin ang Pambansang Programa sa Pagpapakain o National Feeding Program sa mga batang kulang sa nutrisyon sa mga paaralang sekondarya.
Aamyendahan nito ang Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain Para Sa Batang Pilipino Act.
Iniakda ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, ang panukala na nagmumungkahi ng mga amyenda, kabilang ang pagtitiyak na kasama ang mga magulang sa programa ng nutrisyon bilang bahagi ng kampanya sa edukasyon ay aprubado na sa komite.
Iminungkahi din niya ang posibilidad ng pakikilahok ng pribadong sektor sa pamamahagi ng pagkain, partikular na ang mga proyektong pangkabuhayan.
Napagkasunduan sa pagdinig na ang halagang ilalaan sa bawat pagkain ay P27.00, upang matiyak na ang mga batang mag-aaral ay makakatanggap ng sapat na nutrisyon at karagdagang 10 porsyentong allowance para sa pangangasiwa ng programa.
<< Home