Proteksiyon sa mga nurse na nasa training pa, ipinanukala
Ang HB05641 na tatawaging Prohibiting Exploitative Volunteerism of Nurses” ay iniakda nina Gabriela Rep Emmi de Jesus, Bayan Muna Reps Teddy Casino at Neri Colmenares, Anakpawis Rep Rafael Mariano, ACT Teacher Rep Antonio Tino at Kabataan Rep Raymond Palatino.
Sinabi ni De Jesus na kumikita umano ng malaking salapi ang pribado at pampublikong mga ospital sa napakataas na bayad na sinisingil sa mga nurses at nakakatipid sila dito dahil hindi sila kumukuha ng mga registered.
Ayon kay De Jesus, dahil dito, nalilito daw ang mahigit 297,809 mga nurse na nag-aakalang mabigyan sila ng mahusay na pagsasanay sa mga ospital upang magamit nila para sa local at foreign employment.
Idinagdag pa ni De Jesus na ang mga registered nurse, lalo na ang mga nagsanay para sa Registered Nurse for Health Enhancement and Local Service Program ng Department of Health o sa iba pang kahalintulad na programa ng gobyerno, ay napipilitang magtrabaho bilang regular staff nurse sa public health centers ng isang taon at tumatanggap lamang ng allowance na P8,000 buwan-buwan.
Ang ilang daw sa kanila ay tumatanggap ng additional allowance na P2,000 mula sa local government units.