Monday, January 30, 2012

VAT holiday para sa mga kagamitan sa eskwelahan, iminungkahi

Ipinanukala nina Buhay partylist Reps Irwin Tieng at Mariano Michael Velarde na iliban sa VAT o sa value added tax ang mga kagamitan sa eskwelahan tuwing weekend sa buwan ng Mayo para hindi mahirapan ang mga magulang sa kanilang paghahanda ng gastusin sa pagbubukas ng klase.

Ayon sa mungkahi nina Tieng at Velarde na nakapaloob sa HB05611, maglalaan ng tax holiday ang pamahalaan na magsisimula 12:01 ng madaling-araw sa unang Biyernes ng Mayo at magtatapos 11:59 ng gabi sa unang Linggo ng Mayo.

Ayon sa kanila, ang VAT-free sa mga kagamitan sa eskwelahan ay malaking tulong para makatipid ang mga taxpayers at makaakit ang retailers ng maraming mga customer.

Ang mga kagamitan na ililiban sa buwis ay mga mula sa binder at krayola hanggang sa mga instructional materials, ready-made school uniforms at accessories, sapatos at school Physical Education at sports kits.

Ang VAT-free weekend ay ipapataw lamang sa mga kagamitan na nabibili sa halagang hindi tataas sa P1,000 bawat isa at ang maximum total amount ng nabili para sa bawat isang resibo ay hindi dapat lumampas ng P10,000.

---
Free Counters
Free Counters