Wednesday, January 11, 2012

Anomalya sa transaksiyon ng PEACe bonds, iimbestigahan

Pina-iimbestigahan ng mga miyembro ng Kamara ang kontrobersyal na pagbubuwis ng Poverty Eradication and Alleviation Certificates (PEACe) bonds para matukoy kung sino ang dapat managot at para na rin sa Kongreso na magbalangkas ng batas para matugunan ito.

Sinabi ni Isabela Rep Giorgidi Aggabao, kailangang umanong rebisahin ang mga pangyayaring nakapalibot hinggil sa transaksyon sa PEACe bonds para mapigilan ang mga iregularidad sa issuance ng government debt instruments sa darating na panahon.

Batay sa HR01949, hiniling ni Aggabao sa House Committee on Ways and Means na imbestigahan ang anomalya kaugnay sa transaksyon ng PEACe bonds para malaman kung naka-apekto ito sa gobyerno at sa pribadong sektor.

Ayon kay Aggabao, malinaw umano na mayroong namumuong krisis sa pagitan ng dalawang magkataliwas na ruling BIR o ang Bureau of Internal Revenue 2001 at 2011 at nakadagdag pa umano dito ang walang koordinasyon ng sangay ng ehekutibo, ang BIR, Bureau of Treasury at Department of Finance at Hudikatura.

Matatandaang noong Mayo 31, 2001, nag-isyu ang BIR ng BIR Ruling 020-2001 na tumutukoy sa zero-coupon o Zeros bilang tax-exempt bonds at ito ay na-reaffirm sa ilalim ng BIR Ruling 035-2001 noong Agosto 16, 2001.

At noong Oktubre 3, 2011, napag-usapan ng Bureau of Treasury ang zeros tax-exemption sa Government Securities Eligible Dealers o GSEDs at may pagmamalaking inanunsyo ang kauna-unahang handog ng zeros sa bansa.

Binanggit ng BoT ang tax exemption sa Bankers Association of the Philippines at nag-isyu ng memorandum na nagpatibay sa tax exemption noong Oktubre 16, 2001.

---
Free Counters
Free Counters